Kabanata 39

248 14 21
                                    

"Ano ba naman 'to, nananahimik na ako sa langit eh." Napakamot na lang si Debot habang iniisa-isa niya ang mga matandang nakikita niya kung saan dinala ang matandang babaeng tinulungan ni Mari Casa.

Tila nawawalan na ng pag-asa si Debot na makita pa ang matandang babae ngunit sa kabila niyon ay nagpatuloy pa rin siya. Ito lang ang makatutulong sa kaniya para tulungan si Mari Casa na hawak ngayon ng ina ni Roxanne. Alam niyang gagawin nito ang lahat para sa anak lalo pa at nakita niya ang kagustuhan nitong maibalik kay Roxanne ang katawan na gamit ni Mari Casa habang hinahabol nito ang kaniyang kaibigan. Malas lang ng kaibigan niya dahil may kasama ang ina ni Roxanne.

"Lola, where na ba you?" Napaupo na lang si Debot dahil sa kawalan ng pag-asang makita pa ang matandang babaeng hinahanap niya. Hindi tuloy niya alam kung saan pa siya hihingi ng tulong. Kung naririnig at nakikita lang siya ni Arthur, sana ay natulungan na nila si Mari Casa.

Nag-aalala na si Debot para kay Mari Casa. Noon, gusto niyang umalis na ito sa katawan ni Roxanne pero ngayon ay hindi muna hangga't hindi pa nila natutulungan si Arthur. Naniniwala na siya kay Mari Casa kaya alam niyang kailangan nito ng tulong nila. Kung hindi sumanib ang kaibigan niya sa katawan ni Roxanne, maaring malagay sa kapahamakan si Arthur.

Napasapo si Debot sa kaniyang noo. Sinisisi rin niya si Mari Casa kaya nangyari iyon sa kaibigan. Sinabihan na niya itong maaring mapahamak ito sa pagpunta kay Roxanne ngunit hindi pa rin ito nagpaawat. Hindi tuloy niya alam kung ano ang posibleng gawin ng espiritista sa kaluluwa ni Mari Casa.

"Ako ba ang hinahanap mo?"

Napatayo si Debot matapos marinig ang tinig sa likuran niya. Agad niya itong nilingon at halos mapasigaw siya sa sobrang saya nang sa wakas, ang hinahanap niya ay kusa nang lumapit sa kaniya. Tila gusto niya itong yakapin sa sobrang saya.

"Ano ang kailangan mo, Hijo?"

"Kailangan po ni Mari Casa ang tulong ninyo."

Kumunot ang noo ng matanda. "Sinong Mari Casa, Hijo?"

"Naalala po ba ninyo 'yong babaeng tumulong sa inyo para mapunta kayo rito? Hindi po 'yong naghatid sa inyo rito ah."

Napangiti ang matanda at tumango-tango ito. "Akala ko ba, Roxanne ang pangalan niya?"

"Hindi na po importante kung ano ang pangalan niya. Ngayon po, siya naman ang nangangailangan ng tulong mo."

Ngumiti ang matanda. "Tutulong ako, Hijo."

"Kailangan ko kasing sabihin kay Arthur na nasa panganib si Mari Casa at kayo ang magsasabi niyon sa kaniya." Akmang lalakad na si Debot nang muli niyang lingunin ang matanda. "Pero paano kayo makalalabs dito, Lola?"

Muling ngumiti ang matanda. "Ako ang bahala, Hijo."

Nagising si Mari Casa sa malakas na pagsampal sa pisngi niya. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata at may naaninag siya sa kaniyang harapan. Matapos makilala kung sino iyon ay sinubukan niyang makaalis sa kaniyang kinauupuan ngunit hindi siya nagtagumpay dahil nakatali ang mga kamay at paa niya.

"Huwag mo nang subukang makataas." Bahagyang tumawa si Roxanne at idinampi nito ang palad sa pisngi ni Mari Casa. "Okay lang, mawawala rin naman ang pamumula nito."

Napapikit si Mari Casa nang muli siyang sampalin ni Roxanne. Sunod-sunod ang ginawa nitong pagsampal sa kaniya na tila ginigising siya nito sa katotohanang patay na siya at hindi na dapat siya lumagi sa mundo. Pakiwari niya ay bumakas na ang kamay ni Roxanne sa magkabila niyang pisngi.

"Tama na, Anak," pag-awat ni Mama Susan sa anak nitong si Roxanne.

"Huwag kang mag-alala, Ma, hindi naman ako ang nasasaktan, siya naman." Bahagyang lumayo si Roxanne at malalim itong nagpakawala ng buntong-hininga na tila pinilit nitong pigilin ang galit.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon