Kabanata 26

280 21 16
                                    

Nakapikit na binuksan ni Mari Casa ang pinto ng banyo. Tila hindi niya kayang imulat ang mga mata dahil alam niya ang bubungad sa kaniya lalo pa at hindi niya alam kung hubo't hubad ba kung maligo si Arthur. Napalunok siya matapos marinig ang bawat pagbagsak ng tubig.

Hindi alam ni Mari Casa kung ano ang posibleng mangyari sa loob lalo na at asawa ni Arthur si Roxanne. Nangangamba siyang mangyari ang alam niyang madalas na ginagawa ng mag-asawa kapag sabay na naliligo ang mga ito. Dahil doon ay napapaisip siyang huwag nang tumuloy.

"Huwag ka nang mailang, mag-asawa naman tayo." Normal lang ang tinig ni Arthur dahil hindi mababakas sa tono nito ang pang-aakit.

"O-Oo, mag-asawa tayo." Nagpakawala si Mari Casa nang malalim na buntong-hininga at nag-sign of the cross pa siya bago buksan ang mga mata. Nakahinga siya nang maluwag matapos makitang naka-boxer ito habang naliligo at higit sa lahat, nakatalikod ito.

"Medyo nahihirapan kasi akong abutin 'tong likod ko." Pinatay ni Arthur ang shower at nanatili lang itong nakatalikod na tila pinakikiramdaman ang paglapit ni Mari Casa.

"S-Sigurado ka bang puwede ka nang maligo?" tanong ni Mari Casa habang nakahawak pa rin siya sa door knob ng pinto.

"Hindi naman grabe ang nangyari sa akin kaya puwede na siguro." Bumuntong-hininga si Arthur. "Isara muna 'yong pinto."

"H-Huwag ka nang humarap," pagpigil ni Mari Casa kay Arthur nang akmang haharap ito sa kaniya. Napabuntong-hininga siya dahil hindi ito humarap sa kaniya. Napasapo siya sa noo matapos maisara ang pinto ng banyo.

Hindi alam ni Mari Casa kung kakayanin pa ba niyang magtagal sa loob lalo pa at nangangatog ang mga tuhod niya. Malakas din ang kabog sa dibdib niya na tila umaalingawngaw iyon sa apat na sulok ng banyo. Napapailing na lang siya sa tuwing iisipin na maaring mahalata ni Arthur ang ilang na nararamdaman niya.

"Ano, Inday, malaki ba?" natatawang tanong ni Debot na nasa labas ng banyo. "Malaki ba ang katawan niya?"

Kinuha ni Mari Casa ang bimpong inabot sa kaniya ni Arthur. Hindi na siya nagdalawang-isip na hilurin ang likod nito dahil nais na niyang makalabas. Habang hinihilod niya ang likod ni Arthur ay napapakunot-noo siya dahil hindi niya alam kung ano pa ang aalisin doon lalo pa at tila kasing kinis iyon ng plato.

"P-Puwede na ba akong lumabas?" nanginginig ang mga tuhod na tanong ni Mari Casa. Hindi na niya kaya ang atmospera sa pagitan nila ni Arthur dahil kung ano-ano ang naiisip niya. Batid niyang dala iyon ng pagiging virgin niya kaya ganoon ang nararamdaman niya.

"Kung kumilos ka, parang hindi tayo mag-asawa. Dati naman natin 'tong ginagawa."

Hindi nagsalita si Mari Casa dahil hindi niya alam kung ano ang itutugon. Nagpatuloy na lang siya sa ginagawa habang iniisip kung ano ang maaari niyang gawin para hindi nito maisip na tila nagbago siya. Napapailing na lang siya dahil wala siyang maisip lalo pa at pagkailang ang bumabalot sa kaniya.

"W-Wala naman akong makuhang libag I mean, dumi rito sa likod mo. Siguro after one week, doon ka na magpahilod sa akin." Isinampay ni Mari Casa ang bimpo at bahagya siyang humakbang palayo sa nakatalikod na si Arthur.

"Hinalikan ka na ba? Kailangan may mangyari sa inyo habang wala pa si Roxanne, Mari Casa."

"Tumigil ka nga!" Nanlaki ang mga mata ni Mari Casa matapos mapagtantong napalakas ang pagsigaw niya. Magsasalita pa sana siya ngunit agad siyang natigilan matapos humarap ni Arthur sa kaniya. Tanging paglunok lang ang nagawa niya habang nakatitig sa mga mata nito. Sinikap niyang tumitig lang sa mga mata ni Arthur dahil hindi niya gustong maibaling kung saan ang tingin niya.

"B-Bakit?" tanong ni Arthur.

Hindi magawang masagot ni Mari Casa ang makahulugang tanong ni Arthur dahil tila nanuyot ang lalamunan niya dahil sa pagtitig nito sa kaniya. Sa pakiwari niya ay nais siya nitong tanungin kung bakit tila nakararamdam siya ng pagkailang. Nangangamba siyang maaring dahil doon ay kutuban na rin ito gaya ni Mama Rose.

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now