Kabanata 40

278 13 18
                                    

"Puwede na ba akong dumilat?" nakangiting tanong ni Mari Casa kay Arthur habang inaalalayan siya nitong maglakad.

"Sasabihin ko na lang kung puwede na."

Hindi na nagsalita si Mari Casa bagkus maingat na lang niyang inihakbang ang mga paa kahit pa nararamdaman niyang puro malilit na damo ang natatapakan niya. Hindi rin niya maiwasang mapangiti dahil wala siyang ideya sa planong iyon ni Arthur. Ni hindi nga nito sinabi na aalis sila at pupunta sa lugar na kinaroroonan nila.

Tumigil sa paglakad si Mari Casa matapos siyang pahintuin ni Arthur. Kahit gusto niyang idinalat na ang mga mata ay hinintay niya ang pahintulot nito dahil na rin nais niyang sundin ang nais nito. Isa pa, kasama iyon sa plano nito kaya dapat niyang sundin iyon.

"Sige na, buksan mo na ang mga mata mo."

Dahan-dahang iminulat ni Mari Casa ang mga mata at halos mamangha siya sa kaniyang nakita. Unang nakaagaw pansin sa kaniya ay ang isang boquet ng bulaklak na nasa ibabaw ng mesa. May mga nakahain din doon ngunit hindi niya alam dahil nakatakip ang mga iyon at may isang bote rin ng wine doon. Nagmistulang tent naman ang kulay puting telang nagsisilbing bubong na nakasabit sa apat na kawayang nagsisilbing haligi niyon. Napaliligiran ng mga bulaklak ang mala-tent ng bulaklak na nilagyan ng mga iba't ibang kulay ng ilaw dahilan upang lumantad ang ganda ng mga bulaklak.

Nakangiting sinulyapan ni Mari Casa si Arthur. "A-Anong mayroon? Date ba 'to?"

Matamis na ngumiti si Arthur. Hinawakan nito ang kamay ni Mari Casa at masuyong hinagkan. "Naiintindihan ko naman kung hindi mo alam na fifth anniversary natin ngayon."

Agad na pinahid ni Mari Casa ang luhang kumawala sa mga mata niya. Muli niyang ibinalik ang tingin sa ginawa ni Arthur habang bakas pa rin ang pagkamangha sa mukha niya. Hindi niya alam na ganoon pala ka-romantic si Arthur kapag ipinagdiriwang nito at ni Roxanne ang anniversary.

Pakiramdam tuloy ni Mari Casa, limang taon na talaga silang magkasama ni Arthur. Sa kabila ng nararamdaman niyang kasiyahan ay may naramdaman pa rin siyang lungkot dahil nanghihinayang siya na hindi siya ang nakasama nito sa loob ng limang taon. Hindi tuloy niya maiwasang maisip na sana ay siya na lang talaga si Roxanne. Nanghihinayang siya para rito dahil hinayaan nitong maglaho ang pagmamahal nito para kay Arthur na kung tutuusin ay napakasuwerte nito. Sa kabila niyon ay hindi niya ito masisisi lalo pa at batid niyang may pagkukulang din si Arthur. Nauunawaan din niya si Roxanne kung bakit pinili nitong magmahal ng iba.

Umupo si Mari Casa sa upuan. Napangiti siya matapos ibigay sa kaniya ni Arthur ang isang boquet ng bulaklak na nasa ibabaw ng mesa. Hindi niya naiwasang amuyin iyon gaya ng madalas niyang mapanood sa mga palabas. Pakiramdam tuloy niya ay siya ang bida sa love story nina Arthur at Roxanne.

"Nagustuhan mo ba?" nakangiting tanong ni Arthur matapos nitong makaupo sa harapan ni Mari Casa.

"Itong bulaklak ba? Oo naman." Muling inilapag ni Mari Casa ang bulaklak. "Pero sa totoo, ayokong binibigyan ako ng bulaklak kasi ano naman ang gagawin ko riyan, kakainin? Buti sana kung kambing ako kaya mas bet ko 'yong pagkain na lang."

Napangiti si Arthur. "Hayaan mo sa susunod, pagkain na ang ibibigay ko."

Iginala ni Mari Casa ang tingin sa paligid at matapos ang ilang sandali ay muli niyang tiningnan si Arthur. "Ikaw lang ang gumawa nito? Akala ko, sa palabas lang nangyayari ang mga ganitong eksena."

"Basta para sa iyo, gagawin ko ang lahat maging masaya ka lang."

Napawi ang ngiti sa labi ni Mari Casa dahil kahit siya ang kasama ni Arthur, alam niyang si Roxanne ang nasa puso nito. Nakaramdam tuloy siya ng konsensya dahil hindi sa kaniya ang araw na iyon kundi kay Roxanne. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakamasama dahil inagaw niya sa asawa ni Arthur ang espesyal na araw na iyon.

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now