Kabanata 23

309 15 15
                                    

"Wala ka pa bang planong matulog? Ngayon ka na lang ulit makakatulog ah."

Hindi tumugon si Mari Casa sa tanong ni Debot. Itinuon lang niya ang tingin sa mga bituin na sa pakiwari niya ay nabilang na yata niya dahil na rin sa tagal ng pagkakadako ng tingin doon. Ilang sandali pa ay nagpakalawa siya ng malalim na buntong-hininga matapos kusang kumawala ang luha sa mga mata niya. Agad niya iyong pinunasan upang hindi masaksihan ng kaniyang kaibigan ang bawat pagbuhos ng luha sa mga mata niya.

"Ayaw mong pumasok dahil naiilang ka kasi magkatabi kayong matutulog ni Arthur 'no?"

Tiniyak muna ni Mari Casa na wala nang luhang bubuhos mula sa mga mata niya bago sulyapan si Debot na nagba-balerina. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at muling nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. "Mahal ko si Arthur pero hindi naman 'to ang gusto kong mangyari, ang magpanggap na si Roxanne."

Huminto si Debot sa pagsasayaw at lumapit ito kay Mari Casa. "Hinaan mo ang boses mo dahil baka may makarinig sa iyo."

Iginala ni Mari Casa ang tingin sa paligid at muli niyang ibinalik ang tingin kay Debot matapos makatiyak na walang tao. "Wala naman sigurong magpupunta rito sa garden ng ganitong oras."

"Alas-nueve pa lang kaya malay mo, may magawi rito." Muling ipinagpatuloy ni Debot ang pagsayaw na tila nililibang nito ang sarili. "Alam mo, napapatanong ako kung nasaan na kaya ang kaluluwa ni Roxanne. For sure, pagala-gala lang 'yon at namamalimos para may makain."

Bumagsak ang balikat ni Mari Casa at muli siyang napaupo. "Iyon nga rin ang iniisip ko kung nasaan na siya. Sana nga, magkita kami para masabi ko sa kaniya na hindi ko naman talaga ginustong sumanib sa kaniya. Oo, gusto kong makasama si Arthur pero hindi sa ganitong paraan."

"Paano kapag nagpunta na siya rito at bawiin na niya ang katawan niya sa iyo, anong gagawin mo?"

"Hindi ako magdadalawang-isip na ibalik 'to sa kaniya dahil hindi naman ako ang nagmamay-ari nito."

"Hindi natin alam, baka bukas nandito na siya kaya pumasok ka na sa loob at tumabi ka na kay Arthur," turan ni Debot habang patuloy ito sa pagsayaw.

"Bakit?" kunot ang noong tanong ni Mari Casa kay Debot.

"Anong bakit? Samantalahin mo na ang pagkakataon dahil alam mong simula't sapol, wala ka pang experience." Tumigil si Debot sa pagsayaw at tumabi ito kay Mari Casa habang napapailing pa ito. "Sige ka, kapag bumalik na si Roxanne sa katawan niya, manghihinayang ka talaga."

"Magtigil ka nga, Debot. Anghel ka pa naman tapos tuturuan mo ako ng kasamaan." Inirapan ni Mari Casa ang kaibigan at ibinaling niya ang tingin sa mga bituin.

"Walang masama sa pakikipag-sex dahil asawa mo naman siya."

"Asawa siya ng katawan na ginagamit ko kaya kasalanan pa rin 'yon." Tumayo si Mari Casa at lumapit siya sa mga bulaklak. "Ayaw mo ba akong makapunta sa langit? Para kasing tinuturuan mo akong makiapid."

"Gusto kong makapunta ka sa langit kaya nga pinapapasok na kita sa loob eh para makapunta na kayo ni Arthur sa langit." Tumayo si Debot at muli na naman itong nag-balerina. "Kung ayaw mo, sasapian na lang kita at ako ang tatabi kay Arthur, payag?"

"May kausap ka ba, Roxanne?"

Nanlaki ang mga mata ni Mari Casa matapos marinig ang tinig ni Arthur. Hindi agad niya ito nilingon matapos marinig ang mga yapak nito palapit sa kaniya. Sandali pa siyang napapikit sa pangambang maaring ilang sandali na itong nakikinig sa kaniya.

Napadilat si Mari Casa dahil hindi na niya narinig ang mga yapak ni Arthur pahiwatig na nasa likuran na niya ito. Humugot siya ng malalim na hininga na agad niyang pinakawalan para ikalma ang sarili. Matapos ang ilang sandali ay nilingon niya ito at nakangiti siyang umiling bilang pagtugon sa tanong nito.

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now