Kabanata 38

260 12 26
                                    

Mahinang napasapo si Mari Casa sa noo at kasunod niyon ay ang pagpapakawala niya ng malalim na buntong-hininga. Pinilit niyang ituon ang atensyon sa labas ng bintana ng sasakyan habang umaandar iyon ngunit hindi niya magawa dahil binabagabag siya ng kaniyang nalaman hinggil kay Roxanne at sa plano nitong kunin ang lahat ng pera ng asawa. Dahil doon ay hindi niya masyadong nasulit ang mga sandaling kasama niya ang kaniyang ina.

Hindi alam ni Mari Casa kung paano niya sasabihin kay Arthur ang plano ni Roxanne gayon ay nasa katawan siya nito. Ni hindi nga rin niya alam kung magagawa siya nitong paniwalaan lalo pa at maging siya ay hindi rin makapaniwalang kayang pagtaksilan ni Roxanne ang asawa. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit maraming galit kay Roxanne dahil sa hindi magandang pag-uugali nito. Ang ikinababahala niya ay kung ano ang sinasabi ng lalaki na ito na ang bahala sa plano nito. Nangangamba siyang maaring malagay sa kapahamakan si Arthur na hindi niya kayang mangyari.

"Pati si Ate Marife, nahalata ang katahimikan mo. May problema ba?"

Sinulyapan ni Mari Casa si Arthur na abala sa pagmamaneho. Hindi ito nakatingin sa kaniya kaya sinamantala na niya ang pagkakataong titigan ito. Hindi siya makapaniwalang magagawang sayangin ni Roxanne ang lalaking pangarap niyang maging asawa. Kung siya lang ang naging asawa nito, ituturing niya itong hari dahil ang turing pa naman nito kay Roxanne ay isang reyna.

"Baka matunaw naman ako n'yan," turan ni Arthur at sandali nitong sinulyapan si Mari Casa nang nakangiti.

"Arthur, gaano mo ba ako kamahal bilang asawa mo?" Ayaw sanang tanungin ni Mari Casa ang mga katagang iyon dahil naiilang siya ngunit nais niyang malaman kung gaano kamahal ni Arthur si Roxanne. Nais niyang alamin kung bakit nagawang traydurin ni Roxanne ang asawa.

Matapos maihinto ni Arthur ang sasakyan ay sinulyapan nito si Mari Casa. "Mas lalo kitang minahal bilang asawa ko. Tara na."

Napabuntong-hininga si Mari Casa matapos lumabas ni Arthur ng sasakyan. Hindi na niya alam kung paano pa siya kikilos bilang asawa nito lalo pa at nalaman na niyang hindi maganda ang ugali ni Roxanne. Napapaisip tuloy siya kung kailangan din ba niyang umarteng mataray upang makumbinsi sina Arthur at Mama Rose na siya talaga si Roxanne.

Lumabas na si Mari Casa ng sasakyan matapos siyang pagbuksan ni Arthur ng pinto. Ayaw pa sana niyang lumabas dahil hindi niya alam kung paano niya ulit pakikitunguhan ang mga kasama ni Arthur sa bahay lalo na si Mama Rose. Bigla siyang napaisip na maaring nahalata ng mga ito ang pagbabago sa ugali ni Roxanne lalo pa at nakasisiguro siyang magkaibang-magkaiba ang ugali nila nito.

"Mamaya na tayo umuwi sa bahay, kausapin muna natin si Mama. Iyong wallet ko, balikan na lang natin sa bahay ni Ate Marife." Ngumiti si Arthur at hinawakan nito ang kamay ni Mari Casa.

Akmang lalakad na si Mari Casa nang marinig niya ang pagtawag sa kaniya ni Debot. Agad niya itong nilingon kung saan niya narinig ang tinig nito. Ipinagtaka niya ang paghangos ng kaniyang kaibigan palapit sa kaniya na tila galing ito sa malayong lugar.

"May kailangan kang malaman, Mari Casa," turan ni Debot nang makalapit ito kay Mari Casa.

"Arthur, mauna ka na lang sa loob. Susunod na lang ako." Pinilit ni Mari Casa na ngumiti matapos siyang lingunin ni Arthur.

"Hintayin kita sa loob," nakangiting tugon ni Arthur at lumakad na ito palapit sa gate.

Muling sinulyapan ni Mari Casa si Debot. Nagtataka man dahil nakataas ang kilay nito ay nakuha pa rin niyang ngumiti. "Ano 'yong kailangan kong malaman?"

"Bago 'yon, saan ba kayo galing? Kung saan-saan ako nagpunta para lang mahanap ka. Akala mo yata porket anghel na ako, kaya kong malaman kung nasaan ka."

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now