Kabanata 36

248 15 19
                                    

Napaluha si Mari Casa nang makita ang kaniyang ina. Pasado ala-siyete na ng umaga kaya abala na ito sa pag-aasikaso ng paninda. Hindi tuloy niya maisip kung paano nakakayanan ng kaniyang ina na magtinda nang mag-isa.

Napangiti si Mari Casa matapos makitang papalapit si Kuya Eddie sa kaniyang ina. Ilang sandali pa ay tinulungan na nito ang kaniyang ina sa pag-aayos ng paninda at ganoon na rin sa pag-aasikaso sa mga kustomer. Sa nakikita niya, tila matagal nang tumutulong si Kuya Eddie sa kaniyang magulang. Kung siya ang tatanungin, masaya siya kung magmamahal ulit ang kaniyang ina at hiling niya na si Kuya Eddie na ang mahalin nito dahil hindi naman nalalayo ang edad ng mga ito sa isa't isa. Kapag nangyari iyon ay mapapanatag na siya dahil may makakasama na sa buhay ang kaniyang magulang.

"Hindi mo pa ba siya lalapitan?"

Naibaling ni Mari Casa ang tingin kay Arthur matapos niya itong marinig. Ngumiti siya at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. "Ikaw muna ang lumapit kay Mama— Nanay Marife. Kumustahin mo muna siya at kapag nakapag-usap na kayo, senyasan mo na lang akong lumapit sa inyo."

Pagngiti ang naging tugon ni Arthur. Hinawakan nito ang kamay ni Mari Casa at masuyong hinagkan. Ilang sandali pa ay umibis na ito ng sasakyan para lapitan ang ina ni Mari Casa.

Napangiti si Mari Casa matapos makalapit ni Arthur sa kaniyang ina. Ilang sandali pa ay nag-usap na ang dalawa at nasaksihan niyang malapit ang loob ng mga ito sa isa't isa dahil niyakap pa ng kaniyang ina si Arthur. Nakita niya sa mukha nito ang saya na muling makita ang asawa ni Roxanne.

Napahawak si Mari Casa sa dibdib at paulit-ulit siyang humugot ng malalim na hininga na agad din niyang pinakakawalan para maikalma ang sarili. Nangangamba siyang masabi niya rito na hindi siya si Roxanne kundi siya si Mari Casa, ang anak nito. Nangangamba rin siyang maramdaman ng kaniyang ina na siya ang anak nito lalo pa at alam niyang wagas ang pagmamahal ng isang ina para sa anak. Gustuhin man niyang umamin na lang sa kaniyang ina ngunit hindi pa siya handang malaman nito ang totoo.

Bumilis ang kabog sa dibdib ni Mari Casa matapos siyang senyasan ni Arthur na lumapit na sa kinaroroonan nito. Matapos niyon ay kinausap nito ang kaniyang ina na tila sinabi nitong may kasama ito. Ilang sandali pa ay nakita niya ang pagtingin ng kaniyang ina sa direksyon niya. Kumaway siya rito kahit alam niyang hindi siya nito makikita.

"Tulungan mo po akong mapigilan ang bugso ng damdamin ko." Matapos mag-sign of the cross ay muling humugot si Mari Casa nang malalim na hininga para maikalma ang sarili. Ilang sandali lang ay umibis na siya ng sasakyan para lumapit kina Arthur at sa kaniyang ina.

"Ate Marife, si R-Roxanne po, asawa ko." Ngumiti si Arthur at hinawakan nito ang isang kamay ni Mari Casa.

"Magandang umapo sa inyo," nakangiting bati ni Mari Casa sa kaniyang ina maging kay Kuya Eddie kahit pa tila kusa nang bubuhos ang luha sa mga mata niya. Tila hindi niya kayang kumbinsihin ang sarili na magpanggap na hindi niya kilala ang babaeng nag-alaga sa kaniya ng mahabang panahon.

"Siya ang a-asawa mo, Arthur?" pagtatakang tanong ni Nanay Marife habang nakatitig ito kay Mari Casa.

Ipinagtaka ni Mari Casa ang reaksyon ng kaniyang ina. Tila hindi ito masayang makita at makilala siya bilang si Roxanne. Nasaksihan pa niya ang pagtaas ng kilay nito na tila may ginawa siyang hindi nito nagustuhan.

"B-Bakit po?" pigil ang paghingang tanong ni Mari Casa dahil tila anumang oras ay susunggaban siya ng sabunot ng kaniyang ina.

"Hindi ba ikaw 'yong babaeng walang respeto?" Namula ang mukha ni Nanay Marife at naningkit ang mga mata nito. "Huwag mong sabihing nakalimutan mo nang nagkabungguan tayo? Hinding-hindi kita makakalimutan dahil napakabastos mong tao. Wala kang modo!"

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now