CHAPTER 16

259 23 106
                                    

Rin's POV

Marahan naming binabaybay ang gilid ng isa sa mga bahay dito sa lugar ng mga rebelde. Tumakas na kaming tatlo mula kay Miss Jung. Panahon na para kumilos. Kasalukuyan kong pinangungunahan si Kai at Eun Young para ituro kung saan sila dapat pumunta bago ko tuluyang hanapin ang mga kasamahan ni Kai. Marahan naman silang sumusunod sa akin. Hindi kami ganoon nababahalang may makakakita sa amin dahil madalang naming maramdaman ang presensya ng mga rebelde dito. Marahil ay abala sila ngayon sa mga kababaihan. Mga hayok.

Kakatwa ang katotohanang legal ang mga rebelde dito sa Norte. Walang kahit na sino ang nagbabawal sa kanila maging sa gusto nilang gawin. Para lang din silang normal na mga tao kung ituring kahit pa isa rin sila sa mga kinakatakutang tao dito sa Norte. Nagagawa nila ang mga bagay na gustuhin nila kahit pa limitado lamang ito dahil mas nakakalamang pa rin ang nakakataas. Kilala rin ang mga rebelde bilang may matabil na dila sapagkat kaya nilang baliktarin ang mga bagay bagay. Na kahit pa sila ang totoong may kasalanan, maaari nila itong ipasa sa iba kahit na sa inosente pa.

Kaya lamang sila tinawag na rebelde ay dahil iba ang persepsyong mayroon sila. May ibang mabuti ang hangarin, may iba naman na masama. May sariling batas na sinusunod ang kalipunan nila. Huwag nga lang nilang kakantiin ang gobyerno o kahit sinong konektado sa dugong maharlika dahil talaga namang may paglalagyan sila. Bali-baliktarin man ang mundo. Mas makapangyarihan pa rin ang mga nakakataas o ang may mga posisyon.

Gaya ng sinabi ko, dalawang uri ng pamahalaan ang humahawak sa bansang Norte. Una ay ang tinatawag na Monarkiya kung saan pinamumunuan ng hari at reyna. Kawal ang tawag sa mga taong pinapanatili ang kaligtasan ng kamahalan. Ranggo naman ang tawag sa mga taong namamahala sa mga normal na mamamayang nakapaloob dito. Ngunit pili lang ang limang pinakamataas na ranggong mamamahala sa limang bayan dito sa Norte. Isa na ako roon. Pati, mas marami ang bilang ng mga ranngo kaysa sa mga kawal. Dahil malamang na mas marami ang bilang ng mamamayan kaysa sa dugong maharlika.

Pangalawa ay ang demokratikong gobyerno kung saan nakapaloob ang presidente. Dito sa Norte, ang presidente ay representative lamang ng hari dahil hindi maaari na ang hari ang humarap at personal na makipag-usap sa mga tao hindi lang dito sa Norte kundi pati na rin sa ibang bansa. Mahigpit na pinangangalagaan ang kalagayan ng hari lalo na kung hindi pa ito nagkakaroon ng anak. Sa kadahilanang sa dugo ng hari nananalaytay ang dugo ng aming mga maharlikang ninuno simula pa noong unang panahon. Ang North Korea ay isa sa mga bansang yakap pa rin ang kulturang nakagawian o nakasanayan.

Presidente ang umiintindi sa mga bagay na may kinalaman sa politika. Siya rin ang humaharap sa mga presscon, o pakikipag negotiate sa ibang bansa gaya na lamang ng China. China ang kadalasang bansang kasundo ng North Korea. Ngunit lahat ng mga salitang lumalabas sa presidente ay nanggaling lahat sa hari.

Dito rin sa gobyerno namamahala ang mga pulis at sundalo. Masyadong kakaiba ang bansang Norte. Mula sa mga nakasanayan hanggang sa mga paniniwala. Tanging mga tao lang dito ang lubos na nakakaintindi sa bansang ito. Kung tatanongin ang iba, masyadong komplikado. Ang ilan ay hindi kapanipaniwala. Talaga namang napakahirap paniwalaan.

Marahan kaming napasandal sa tagilirang dingding ng bahay nang may marinig kaming nagtatawanan. Agad din namang lumayo ang boses na pinanggalingan niyon kaya nakahinga ako ng maluwag. Batid kong pupunta na sila para pumili ng babae.

Mabilis kong hinawakan ang pulsuhan ni Eun Young saka matulin na tumakbo palayo sa kuta ng mga rebelde. Nasa dulo ito kaya naman malayo kami sa presensya ng mga rebelde. Nanatili namang nakasunod si Kai. Nagtago kami sa likod ng kambal na puno. Malaki ito, sapat lang para kublihan kami. "Look," ani ko bago tinapunan ng tingin si Kai at Eun Young. "Kita niyo 'yon," tinuro ko ang kamay deretso sa harapan ng kambal na puno. "Deretsuhin niyo 'yan. Bawat takbong gagawin niyo, bilangin niyo ang punong madadaanan niyo. Iyong puno lang na nasa pagitan niyo. Kapag naka sesenta yi-siyete na kayong punong nalagpasan, may makikita kayong isa pang malaking puno. Sa likod noon naghihintay si Hong Eun," mahabang paliwanag ko. Tinutukoy ang Ama ni Eun Young.

Love In Disguise (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon