Chapter 36

1.6K 88 102
                                    

Kahit anong pagpahid ang gawin ni Lucia ay hindi maubos-ubos ang luha sa kanyang mga mata kaya naman ang natitirang pang-aninag ng kanyang mata ay natakpan na ng husto.

“Brix,” ang sambit niya at halos gumapang siya palapit ng pintuan at saka niya pilit na itinulak ang sarili para tumayo. Hahabulin niya si Brix na mabilis na lumabas ng kanyang silid at batid niya na nasa sariling cabina na niya ito. Kukumbinsihin niya si Brix, hindi nila kailangan na magkalayo, nagmamahalan silang dalawa.

Nanlalambot man ang kanyang mga tuhod ay pilit niyang itinayo ang sarili, hinila niya ang pinto at dali-dali siyang lumabas, gusto niyang maabutan si Brix bago pa ito magkulong sa loob ng cabina nito o ang mas nakakatakot ay ang umalis na ito ng tuluyan at hindi na niya ito makausap pa.

At dali-dali siyang bumaba ng hagdan, ang kanyang mga paa ay nagmamadali sa bawat hakbang, ni hindi na niya nagawa pang bilangin ang bawat baitang hanggang sa ilang hakbang na lamang siya nang magkamali ng tapak ang isa niyang paa at dumulas siya sa hagdan, paupo siyang nahulog sa limang baitang at tumama ang kanyang ulo sa pader ng bahay.

Bumuka lamang ang kanyang bibig, walang lumabas na boses ni tunog sa kanyang bibig. Makirot ang kanyang balakang at ang kanyang kaliwang sentido na tumama sa mabato na pader ng bahay. Kumurap-kurap ang kanyang mga mata, wala na naman siyang makita, hindi na niya malaman kung dahil sa kanyang mga luha na tumatakip pa rin sa kanyang paningin. Humawak siya sa handrail ng hagdanan at hinila niya ang sarili para tumayo.

Kinapa niya ang kanyang madaraanan, wala siyang makita ni anino o aninag ng mga labu-labong kulay ay wala. Para siyang nahihilo, at nabangga na niya ang nakapatong sa ibabaw ng buffet table sa gilid ng hagdan at narinig niya ang natapon at nabasag na mga pandekorasyon ng kanyang nonna na mga porselana na malalaking plato.

Kumurap-kurap muli ang kanyang mga mata, baka naalog lamang ang kanyang ulo sa kanyang pagkakauntog, paglabas niya ay makikita niya ang liwanag ng tirik na araw, ang sabi ni Lucia sa sarili.

Nananakit ang kanyang katawan na hinila niya ang pinto at saka niya itinulak ang screen door, at nagtunugan ang mga wind-chimes na nakasabit roon. Nakapaa siyang humakbang sa labas, ngunit walang aninag siyang nakita, ni pinagsamama na mga kulay ay wala siyang makita, ni anino. Tanging kadiliman na lang ang nakikita niya.

Ito na ba ang sinabi ng doctor sa kanya? Kaya siya minamadali na maoperahan? Mukhang ang pagkakahulog at pagkauntog niya ay nagpalala ng punit sa kanyang retina, o dahil sa kanyang sama ng loob ng sandali na iyun? Ang mga tanong ni Lucia sa kanyang sarili.

Wala siyang pakialam kung tuluyan na siyang mabulag ang mahalaga sa sandali na iyun ay ang makausap niya si Brix at makumbinsi niya ito na ang pagmamahalan nila ang mas mahalaga. Kinapa niya ang handrail ng hagdan sa back-porch, ang daan patungo sa cabina ni Brix.

Sa pagkakataon na iyun ay ginawa na niyang bilangin ang bawat hakbang at maingat na siyang bumaba, ayaw niyang madagdagan pa ang pagkadisgrasya niya at tuluyan na siyang mabalda at hindi na niya magagawa pang habulin si Brix para di ito makalayo.

Gamit ang kanyang mga kamay bilang gabay at ang kanyang isipan ay binagtas niya ang daan patungo sa cabina ni Brix. At saka kinapa ng kanyang mga baitang ng hagdan paakyat sa front porch ng cabina at dali-dali na siyang umakyat at nagmamadali siyang tumayo sa labas ng pintuan nito. Hinila niyang ang screen door at saka niya pinihit ang doorknob ng kahoy na pintuan at tulad ng kanyang inaasahan ay nakalock ang pinto ng cabina nito.

“Brix!” ang sigaw niya mula sa labas at ilang beses niyang kinatok ang kahoy na pinto.

"Brix, per favore, lasciaci parlare! Possiamo trovare una via d'uscita!” ang sumamo niya kay Brix na mag-usap silang dalawa, na hanapan nila ng solusyon ang sitwasyon nila.

Savage Heart (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon