Chapter 38

1.8K 104 52
                                    

Dahan-dahan na naglakad si Lucia pababa ng bundok, tanging balabal lamang niya ang kanyang panangga sa lamig ng hangin ng kabundukan sa gabi. Naririnig niya ang mga huni ng kuliglig at mangilanngilang mga ibon, at ang huni ng kwago na tila ba hinahanap din nito ang kanyang minamahal.

Nang marinig niya kanina sa labas ng pintuan na wala na si Brix sa cabina nito ay dali-dali siyang bumangon para makapag-isip ng kanyang gagawin. Kapag tuluyan nang umalis si Brix ay wala na ang tsansa na magkausap sila at magkaayos na dalawa. Kung dati ay laging tuwid na daan ang kanyang pinipili sa sandali na iyun ay wala na siyang pakialam kung baluktot man ang kanyang tatahakin ang mahalaga ay ang magkasama sila ni Brix. Si Brix ang pinakaimportante sa kanya sa panahon na iyun. Si Brix ang hinahanap ng kanyang puso at ang nagpuno sa puwang sa kanyang buhay.

Kahit nakapikit ay saulado niya ang pasikot-sikot sa itaas ng panuluyan, pero hindi ang pababa ng bundok. Ang tanging isinaisip niya paglabas niya ng gate at diretso siyang lamang siyang maglalakad pababa. Hinila ng kanyang kaliwang kamay ang balabal na nakapatong sa kanyang mga balikat para humigpit iyun at hindi mahulog sa kanyang balikat habang dahan-dahan siyang bumaba ng bundok at ang kanyang kanan na kamay naman ang kumakapa sa kanyang paligid para sa kanyang pwedeng mabangga sa daan.

Ilang minuto na siyang naglalakad at napagtanto niya na nasa padausdos na parte na siya ng daan. Ang daan na iyun ay mas matarik sa ibang parte ng daanan at kalimitan na mabagal ang pag-akyat ng kanilang kabayo sa parte na iyun.

Maliliit na hakbang ang kanyang ginawa, para hindi siya tuluyan na dumulas sa daanan. Nang sa palagay ni Lucia ay naabot na niya ang pinakadulong bahagi ng matarik at mabato na daan ay nilakihan na niya ang kanyang hakbang at iyun ang kanyang pagkakamali. Natapakan niya ang awang sa lupa at nawalan siya ng balanse at gumulong ang kanyang sarili pababa ng bundok. Huminto lamang siya nang tumama siya sa katawan ng isang puno.

“Ah,” ang sambit niya dahil sa sakit ng kanyang katawan at kamay na ginamit niya na pangpreno sa lupa para huminto ang kanyang sarili sa paggulong pababa.

“Aw,” ang impit na sambit niya dahil sa hapdi ng kanyang kamay at tuhod. Kinapa niya ang kanyang balabal na kanina ay nakabalot sa kanyang balikat at napansin niyang wala na iyun marahil ay nahulog o naiwan niya sa kanyang pagkakadausdos sa lupa. Pati ang kabiyak ng suot niyang satin na slipper ay nawala na rin sa kanyang kanan na paa at tanging medyas na lang ang nakatakip sa isang paa niya.

Kinapa niya ang kanyang paligid at ang malaking katawan ng puno kung saan siya bumangga kaya naman, nahinto ang kanyang paggulong pababa ng bundok. Kumapit ang kanyang mga kamay sa matigas at magaspang na katawan ng puno para hilahin niya ang sarili at makatayo na siya at maipagpatuloy na niya ang pagbaba ng bundok para mapuntahan niya si Brix sa restaurant nito kung saan, doon din ito nakatira.

Pipilitin niya ito na makumbinsi na sila ay para sa isa’t isa at hindi sila dapat na maghiwalay, ang determinadong sabi ni Lucia sa sarili.

Nang makatayo na siya ay inihakbang niya ang kanyang kanan na paa ngunit bigla siyang napaupo na muli dahil sa labis na sakit.

“Ah,” ang sambit niya at muli siyang napaupo sa tabi ng puno saka niya hinawakan ang kanyang kanan na bukong-bukong at doon niya napansin na namamaga na ito. Mukhang nalinsad ang kanyang paa.

Paano pa siya makakalakad pababa? Ang desperado na tanong ni Lucia sa kanyang sarili at nangilid na naman ang luha sa kanyang mga mata. Talaga bang gumagawa ang tadhana ng paraan para di siya makaalis at mapuntahan si Brix? Talaga bang tanging wakas na lang ang kahihinatnan ng kanilang pag-ibig an? Ang lumuluha niyang tanong sa sarili na puno ng hinanakit ang kanyang dibdib.

Naisip niya ang mga panahon na magkasama sila ni Brix, ang unang pagkakataon na pumasok ito sa pintuan ng kanilang bahay para batiin niya ito, ang pagiging suplado nito sa kanya, ang unang pagkakataon na narinig niya itong tumawa, ang pabago-bago na ugali nito sa kanya dahil sa nilalabanan nito ang pag-ibig sa kanya, ang unang halik sa ilalim ng puno ng limone, at pag-akyat nito sa kanyang bintana, ang gabi sa lawa at ang unang gabi sa cabina nito kung saan isinuko niya ng buong-buo ang kanyang puso at katawan kay Brix.

Savage Heart (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon