Page 18

18 5 0
                                    

Nang matantiya ni Rain na si Jorge na ang kayakap niya, dali-dali niya itong binitawan. "Jo—Jorge?"

Humarap si Jorge na parang walang kakaibang nangyari. "Oh tara na. Saan tayo sasakay?"

"Jorge umuwi na tayo." Hinawakan ni Rain ang braso ni Jorge para dalhin siya sa abangan ng taxi. "Baka napapagod ka na? Kaya uuwi na tayo."

"Ha? Eh sayang naman nandito na tayo sa Wright Park." Dismayado sa pagyayayang umuwi ni Rain, hinatak ni Jorge ang kanyang kamay para maalis ang pagkakahawak nito. "Ituloy na natin. Sayang eh, parang ang saya pa naman."

"Eh paano kung magpalit ka na naman ng katauhan?"

"Ha? Bakit? Nagpalit ba ako kanina?"

"Oo, Jorge naging ikaw si Katrina. Niyakap mo lang naman 'yong St. Peter's dog na inaangkin mong si Pochi." Kinuha ni Rain ang kanyang cellphone sa bulsa ng kanyang pantalon para ipakita kay Jorge ang mga litrato nila kanina kasama ang aso. "Bigla ka na namang nawala sa tabi ko kanina, n'on pala nandoon ka na sa tabi ng aso."

"Hala parang may naalala nga yata akong na-cute-an ko 'yong St. Peter's dog kanina, pero maliban doon wala na akong maalala."

"Jorge, hindi yata magandang ideya itong naisip kong pamamasiyal natin," pagkasabi ni Rain n'on ay lumungkot kaagad ang mukha ni Jorge at tila nanamlay ang katawan nito. Ang makitang ganoon si Jorge ay bigat sa dibdib ni Rain. Napagtanto niya na mali ring ikulong si Jorge sa unit niya para lamang panatilihin itong ligtas lalo na sinabi pa naman niya noong nakaraang gabi na hindi ito dapat matakot sa kondisyong mayroon ito. "Ok fine, payag na ako na mag-horseback riding tayo basta isang kabayo lang ang sasakyan natin at huwag mong iisiping ikaw na naman si Zelena na ang katawan ay kalahating babae at kalahating kabayo."

"Yieeee, thank yo, Uy." Napapalakpak sa tuwa ang bahagyang napalundag pa na si Jorge. Ang ngiti nga lang ng saya sa kanyang mukha ay napalitan ng pagtataka nang mapagtanto ang sinabi ni Rain na sasakay lamang sila sa iisang kabayo. "Teka lang, tama ba ang narinig ko na sa iisang kabayo tayo sasakay?"

"Tama ang pagkadinig mo, Jorge. Eh kung paano kasi magpalit ka na naman ng katauhan? Tapos takasan mo na naman ako?"

Hindi makakaangal si Jorge sa dahilang iyon ni Rain. Wala siyang ibang nagawa kundi ang maghalukipkip na lamang ng kamay at sumang-ayon. "Hay, may magagawa pa ba ako?"

"Natural, wala," pang-aasar ni Rain na dumila pa sa naasar na si Jorge. Hindi na halos makita ang itim ng mata nito sa pag-irap na nakapagpangiti naman sa mapamwisit na si Rain. "Oh ano tara na?"

Walang kibong sinabayan ni Jorge na maglakad si Rain papunta sa mga handler ng kabayo. Nakipag-usap si Rain sa isa sa mga iyon na pumayag naman na iisang kabayo lamang ang kanilang sasakyan na may isang taga-gabay papuntang Mines View Park basta dalawang oras ang kanilang babayaran—isa para kay Rain at ang isa ay para kay Jorge.

Pagkabayad ng ₱900.00 ay pinamili na sila ng kabayo nilang sasakyan. Itim na kabayo sana ang pipiliin ni Rain nang kontrahin nga lang siya ni Jorge. "Uy, 'yong puti na lang na may pink na buhok."

"Ayoko nga baka mamaya isipin mong ikaw na naman si Zelena na kulay puti ang katawang-kabayo tapos maging ikaw na naman siya."

"Promise hindi. Pumayag ako na iisang kabayo lang sasakyan natin, remember?" pangongonsiyensya ni Jorge na nakangiti sa kompiyansang pakikinggan siya ni Rain. "Kaya pumayag ka rin sa gusto ko."

Napagpasiyahan ni Rain na pagkatiwalaan si Jorge sa pagkakataong iyon at para ipakita na rin na wala silang dapat ikatakot. "Ok , sige."

Abot tainga ang ngiti ni Jorge habang sumasakay sa puting kabayo. Pagkatapos siyang picture-an ni Rain ay umakyat na rin ito na nakapagpakupas na nang ngiti niya na kanina ay kay tamis. At pagkatapos silang kuhanan ng litrato ng kanilang tour guide ay inakay na nito ang kabayo papuntang Mines View Park.

Beyond The PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon