Page 23

15 4 12
                                    

"Uy? Nasaan na ang strawberry mong damit?" pag-uusisa ng nagtatakang si Jorge kay Rain na nakasuot ng sherpa lined denim jacket at pantalon na itinerno sa brown boots. Napansin din niya ang suot niyang itim na hoodie jacket, samantalang ang eksaktong posisyon nila sa loob ng private room ng KTV Bar at ang private room ng KTV Bar mismo ay hindi nagbago para sa kanya. "Anyare bakit nabago din ang suot kong damit?"

"Jorge?" Nilapitan ni Rain ang kaibigan at naupo sa tabi nito. "Jorge...kasi nagpalit ka ulit ng katauhan."

"Pati ba damit natin napapalitan na kapag nag-personality switching ako?"

"Jorge, hindi. Ang totoo niyan halos isang linggo ka kasing naging si Joyce."

"Ano?!" bulalas ni Jorge na halos lumuwa ang mga mata sa gulat sa paliwanag ng kaibigan. Sa pagkataranta ay napahawak siya sa kuhelyo ng suot nitong damit at saka niyugyog ang kaibigan. "Rain kailangan ko nang mag-update!"

................................................

Pagkatapos maghapunan ay kumain ang dalawa ng ice cream sa balkonahe ng unit ni Rain—kahit bumaba sa 19°c ang temperatura nang gabing iyon—para matsekan lang ang isa pang nakalistang gawain ni Jorge sa kanyang listahan.

"Isa na lang ang hindi natin nagawa sa 'to-do-list' mo at iyon ay ang maligo sa ulan. Malas natin na hindi man lang umulan nitong mga nakaraang araw." Umuusok ang bibig habang nagsasalita ang nanginginig ang boses na si Rain sa ginaw. "Kung maligo ka na lang kaya sa ulan na kasama mo ngayon—didiligan na lang kita diyan."

Nabastusan sa suhestiyon ni Rain, gigil na hinila ni Jorge ang malamig na kanang tainga nito. "Hayan ka na naman ah."

Tila nilamukos ang mukha ni Rain sa sakit, pero nagawa pa ring mambola. "Iyan ang na-miss ko sa iyo na hindi nagagawa ni Joyce sa akin."

"Ah ganun ah, sige pagpantayin natin! Pipingutin ko rin ang kabila."

"Sige nga giniginaw rin eh."

Inabot ni Jorge mula sa likod ng ulo ni Rain ang kaliwang tainga nito saka iyon ay pinisil.

Sa halip na mapaaray ay umungol si Rain. "Ugh...Ugh...f*ck, sh*t. Ugh sarap."

Na nagpausok ng ilong naman ni Jorge sa pagkairita kaya nasapok niya sa ulo ang may kapilyuhang kaibigan. Pero hindi pa rin nasaktan ang nagawa pang ngumising si Rain. "Parang na-miss ko na agad yata si Joyce ah."

Natauhan sa sinabi ni Rain ang nakaramdam ng bahagyang selos at hiya na si Jorge na nakaisip tuloy mag-usisa. "Ano pala ang mga ginawa niyo sa loob ng halos isang linggong iyon? Ha?"

"Namasyal lang naman kami sa Lion's Head, Burnham Park, Camp John Hay, Strawberry Farm, Bell Church, Botanical Garden, The Mansion, Diplomat Hotel, Mt. Cloud Bookshop, at Tam-awan Village."

Napanganga si Jorge sa mga mga lugar na binanggit ng tila nang-iinggit pang si Rain. "Ay ang daya! Hindi ko pa rin napupuntahan 'yong mga 'yon eh!"

"Pakabait ka kasi parang si Joyce. Ang rahas mo eh!" Napahipo ang nakasimangot si Rain sa parteng sinapok ni Jorge.

Tinablan sa pamumunang iyon ni Rain, napairap na lamang si Jorge habang napasubo ng malamig na ice cream. Wala sa loob niya ang humingi ng tawad sa kaibigan dahil para sa kanya ay tama lamang ang ginawa niyang pagganti para sa mga kabastusan nito—para saan pa nga naman na may karapatan siyang ipinagtanggol ang kanyang sarili.

"Heto pa ang rebelasyong ikagugulat mo rin," pagputol ni Rain sa katahimikan ng kaibigan, "—si Joyce ang dahilan kung bakit ka napunta ng Nueva Ecija."

"Ha?" Sa pagkabigla ay naglabas ng mga hamog ang napangangang bibig ni Jorge. "Paano raw?"

"Akala niya nanaginip siya na napunta siya sa isang Mall daw sa Maynila noong birthday ni Angelo. Tapos ayon sa kagustuhan niyang mapaipagdiwang ang araw na iyon kasama siya, umuwi si Joyce ng Nueva Ecija sa pag-aakalang maabutan pa niya ito sa simenteryo kung saan nga sila palaging nagse-celebrate. Pero wala na siyang dinatnan doon at sa takot na maabutan siya ng mga magulang niya doon kung sakaling hanapin daw siya ay inubos niya ang dala daw niyang cake, tapos nabulunan, kaya napilitang inumin ang dala mo ring alak."

"Hala! Buti na lang hindi siya umuwi sa bahay namin!"

"Iyon pa nga, gusto niyang umuwi sa inyo sa Nueva Ecija, kung hindi ko lang sinabi na hindi ang iniisip niyang mga magulang ang aabutan niya doon kundi ang mga magulang mo. Tapos ayon nakumbinsi ko siya nang sabihin ko sa kanya na siya lamang ay parte ng istoryang kathang-isip mo lamang kaya lahat ng puntahan niya ay taliwas sa alam niya."

"Salamat Rain at hindi mo hinayaan iyong mangyari kung hindi baka patay na ako ngayon."

"Siyempre hindi ko hahayaan na gawin iyon ni Joyce...dahil tayo ang pupunta roon sa Nueva Ecija para puntahan ang mga magulang mo."

Tila nakakita ng multo na napadistansiya si Jorge kay Rain. "No way!"

"Jorge kalma lang nandito ako—hindi kita pababayaan, remember?" Bahagyang huminahon si Jorge na bumalik nang muli sa dating pwesto, kaya nagpatuloy na si Rain sa pagpapaliwanag. "Dahil tapos na ang 'to-do-list' mo, kaya gagawa naman tayo ng bago, pero this time lahat naman ng mga kinakatakutan mong gawin—huwag kang mag-alala dalawa lang naman ang naiisip ko."

"Eh ano pa ang isa?" Nakakunot ang noong napatanong sa pagkabahalang si Jorge .

"Ang mag-face reveal sa mga readers/follower mo."

"Rain iyon na lang, 'wag na 'yong sa mga magulang ko." pagsusumamo ni Jorge na nakaluhod na sa harapan ni Rain.

Naawa man si Rain sa kaibigan, pero kailangan iyon para sa kanyang kalayaan—nagagarantiya naman niya na hindi niya iyon iiwan kahit ano pa ang mangyari. "Huwag na huwag mong tatakasan ang iyong kasaysayan dahil wala sa kasalukuyan— at mas lalo sa hinaharap—ang hinahanap mong kalutasan ng nagkahiwa-hiwalay mong pagkatao; tanging nasa lumipas na nakaraan lamang, Jorge. Mas mahaharap mo ang mga readers mo na nakakaalam kung sino ka nang hindi ka pa nakikita kapag nalaman na ng mga magulang mo kung sino ka talaga na noon ay nakita ka na ngunit hindi talaga kilala kung sino ka. Kung hindi mo pa sa kanila ipapaalam...kailan pa?"

May punto si Rain, hindi matatapos ang kanyang pagtatago at takot kung hindi pa niya ilalantad sa mga magulang ang matagal na niyang itinatagong pagkatao. Tila wala nang magagawa si Jorge kundi ang sumang-ayon na lamang dahil iyon din ay para sa kanyang kapakanan. "Oh sige... pero bigyan mo muna ako ng mga araw o linggo para mag-update at nang sa gayon din ay makapaghanda pa ako."

"Oo naman. Alam ko na hindi ito magiging madali kaya go ahead nandito lang ako. Basta kapag kaya mo na, sabihan mo lang ako. Palagay mo...maybe on December 1?"

"Sige. Sa tingin ko kaya ko na noon."

Beyond The PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon