Page 4

77 27 14
                                    

[Date: November 2, 2019]

Sa pagmulat ng mga mata ni Jorge tumambad sa kanyang paningin ay kulay puti. "Nasaan ako?"

Kung hindi lang may dextrose na nakasabit sa may bandang ulunan ng kinahihigaang kama ay muntik nang akalain ng kanyang malikot na kaisapan na nasa langit na siya. "Ospital? Bakit ako nandito?"

Bumangon si Jorge mula sa pagkakahiga, pero sa pagbangon ay nakaramdam siya ng pagsakit ng ulo dahilan para maipagpalagay niyang may nangyaring hindi maganda sa kanya. "Hindi kaya naaksidente ang jeep?"

Para maghanap ng taong maaaring makasagot sa kanyang mga tanong, ibinaba niya ang mga paa sa sahig, hinawakan ang poste ng kanyang dextrose at dahan-dahang tumayo. Ihahakbang na ni Jorge ang kanyang mga paa nang bumukas ang pinto at isang tinig ng lalaki ang kanyang narinig. "Oh! Jorge saan ka pupunta?!"

Nasorpresa si Jorge nang makita ang pamilyar nitong mukha. "Rain? Nandito ka rin?"

"Sandali lang kitang iniwan para kuhanin lang 'tong in-order kong pagkain." Sa pagkataranta, kahit may mga dala, dali-daling lumapit si Rain at inaalalayan si Jorge na makaupo sa kama. "Bakit ka naman na tumayo? Siguradong hindi pa bumabalik ang lakas mo."

"Maghahanap sana kasi ako ng nurse para mapagtanungan," katwiran ni Jorge sa kaibigan habang inilalapag nito ang mga bitbit na paper bag sa may side table. "Bakit ba tayo nandito?"

Tila hindi narinig ni Rain ang tanong na iyon ni Jorge, abala ito sa pagbubukas ng mga nakabalot na pagkain at sa pag-aalok sa kanya ng mga iyon. "Nauuhaw ka ba? O gusto mong kumain? May soup dito, burger, fries?"

"Mamaya na lang siguro..." kahit na natatakam na sa lasap ng pagkaing nalalanghap, ang kailangan munang malaman ni Jorge ang katotohanan bago ang sikmura ang lamanan, "...kapag nalaman ko na kung ano ba ang meron? Nananaginip lang ba ako o ano?"

Mula sa inayos na pagkain, ibinaling na ni Rain ang atensyon kay Jorge. "Jorge wala kang naaalala?"

"Naaksidente ba ako? 'Yong driver? Nasaan ang driver ng jeep? Naaksidente ba kami? Nandito rin ba siya? " Magkakasunod na tanong ng desperada na sa mga kasagutang si Jorge.

"Ano ba ang sinasabi mo? Hindi. Hindi ka naaksidente," sagot ni Rain na napaupo sa isang silya sa gilid ng kama ni Jorge. "Kagabi hinimatay ka."

"Hinimatay?!" Hindi naiwasang mapabulalas si Jorge sa kanyang nalaman. "Paano? Paano 'yong nangyare?"

"Kagabi habang gumagawa ako ng blog para i-feature ang new menu ni Chef Ryan nakita kita sa may labas ng café nila. Lumapit ako sa 'yo at nang kinakausap na kita nawalan ka ng malay. Kaya ayon kaagad kitang dinala dito sa ospital. Buti na lang nandoon ako. Buti na lang isa ako sa inimbitahan ni Chef Ryan na mag-blog ulit. Buti na lang nakita kita! At buti na lang doon mo naisipang pumunta kung saan tayo unang nagkita ng personal! Akala ko kung mapapano ka na, pinag-alala mo ko! Bakit hindi mo kasi ako sinabihan na pupunta ka pala dito sa Baguio?"

"Baguio?! Café?" Napahawak na lang sa ulo si Jorge na hindi maintidihan ang mga sinabi ni Rain. "Rain hindi ko alam! Hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari sa akin. Una sa Nueva Ecija, nagising ako sa sementeryo tapos ngayon ospital naman sa Baguio!"

"Ano!" Napakunot ng noo si Rain sa sinagot ni Jorge. "Pano? Mula Taguig napunta ka sa Nueva Ecija at mula Nueva Ecija bigla kang napunta rito sa Baguio? Ganoon ba?"

Tanging tango lang ang naibigay na tugon ni Jorge.

"Ang sabi ng doctor na-dehydrate ka raw at sa sobrang hapo kaya ka raw hinimatay," paliwanag ni Rain sa kausap na nanggigilid na ang mga luha sa mata. "Siguro kaya wala kang naalala kung pano ka napunta sa mga lugar na 'yon kasi nag-hallucinate ka na, kung baga hindi ka na aware sa mga pinaggagawa mo."

Beyond The PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon