Page 9

46 24 5
                                    

 [Date: November 3, 2019]

Sa pagsapit ng panibagong araw, pagmulat ng mga mata ni Rain si Jorge na kaagad ang hinagilap ng mga ito.

Mahimbing pa ring natutulog si Jorge sa mattress at patuloy pa rin sa paghilik kaya minabuti na ni Rain na hindi na muna ito gisingin para makapaghanda na rin siya ng kanilang umagahan.

Tumayo si Rain mula sa pagkakaupo, nag-unat, naglakad papuntang banyo para sa kanyang mga ritwal saka nagtungo sa kusina para mag-init ng tubig na pangkape gamit ang electric kettle; at dahil hindi pangkaraniwan ang umagang iyon, "Anak ng hotdog! Kailangan ko pa nga pa lang magluto! Pano 'yan ubos na ang mga itlog!"

Binuksan ni Rain ang kitchen cabinet para maghagilap ng maaari niyang ihain kay Jorge. Ang nandoon na lamang ay ang tatlong supot ng instant noodles. "Pwede na 'to! Hindi naman kasi siya nagkakape, kaya pwede na 'to kaysa umorder pa ko baka hindi lang din naman niya kainin—ganoon din! Bahala na siya kung ayaw niya rin nito!"

Lumipas ang ilang minuto at handa na ang almusal at handa na rin si Rain na gisingin si Jorge, kaya tumulak na siya papunta sa kwarto. Pagkabukas ng pinto, wala na sa silid ang iniwan niyang natutulog na bisita. "Jorge?!"

Isa na lang ang nakikita ni Rain na maaari pang puntahan ni Jorge kung hindi man ito nakalabas ng kwarto—ang balcony. Lumapit siya sa pintong salamin papunta roon para sumilip at kanyang naaninag ito na nasa kaliwang gilid—ikinukubli ang sarili sa likod ng pader. "Jorge!"

Sa pagkadinig ng boses ni Rain, mababakas sa mukha ni Jorge ang pagkabalisa na tila ba hindi na alam kung saan pa susuot para magtago, kaya naman binuksan na ni Rain ang pinto. "Jorge! Ano ang ginagawa mo diyan?!"

"Huwag kang lalapit!" banta ni Jorge na nakaamba ang mga kamay habang umaatras sa railings sa isang sulok ng balcony. "Diyan ka lang!"

"Jorge ano na naman 'to? Sino ka na naman?!" Napakamot ng ulo si Rain sa magkahalong kunsumesiyon at pagkabahalang nadarama para sa kaibigan.

"Bakit ba ang kulit mo?! Sa café ka pa! Hindi nga ako si Jorge, ako si Joyce!" Sa gigil ay napakamot rin ng ulo si Jorge.

Naalala ni Rain na nabanggit sa kanya noon ni Jorge ang tungkol sa ate nitong si Joyce. Kaya naisip niya na baka ang persona naman ng kaibigan ngayon ay ang kapatid nito dahil wala siyang maalalang nagngangalang 'Joyce' sa mga sinulat ng kaibigan. "Ahh kapatid mo si Jorge?"

"Ano ba ang pinagsasasabi mo? Wala akong kapatid na Jorge, Jerah mana pa! Malamang ang sinasabi mong 'Jorge' na 'yan ay isa sa mga kamukha ko. Grabe! Napaka-generic ng mukha na 'to—may kakambal na nga, andami pang kamukha!" Kitang-kita ang pagkairita sa pagkapamewang ni Jorge. "Teka nga lang, sino ka ba ha? Bakit dinala mo ako rito? Bakit iba na ang damit ko?!...Hindi kaya?...Pinagsamantalahan mo ako, hayop ka! Tulong! Tulong may kidnapper na rapist dito! Tulong!!!"

"Hoy ano ba?! Tumigil ka nga riyan!" Lumapit si Rain para takpan ng kanyang kamay ang bibig ni Jorge upang pahintuin ito sa paggawa ng iskandalo. "Mali 'yang iniisip mo, hindi kita ginalaw! Dinala kita dito pagkatapos kitang ilabas sa ospital dahil hinimatay ka noong makita kita sa café. Oh ano maliwanag?!"

Itinulak ni Jorge ang kamay ni Rain palayo mula sa kanyang bibig para ihayag ang kanyang pagkabigla. "Ako?! Hinimatay!"

"Hay! Nako! Heto na naman ako sa pagpapaliwanag," mahinang bulong ni Rain sa sarili habang sinasariwa sa isip ang ilalahad na dahilang ipapaunawa sa kausap nang sa gayo'y ito ay kumalma. "Sabi ng doctor naubusan ka daw ng tubig sa katawan at sobrang hapo kaya ka daw hinimatay."

"Kakamadali ko papunta dito sa Baguio..." bahagyang napatulala si Jorge na tila prinoproseso pa ang mga sinabi ni Rain, "hindi ko na naisip ang sarili ko."

Beyond The PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon