Page 1

182 35 38
                                    

[Date: November 1, 2019]

"Miss....Miss." Bukod sa tinig ng isang Ale, naalimpungatan si Jorge sa ingay ng mga batang tila masayang nagsisipaglaro at ng mga taong nagsisipag-alok ng mga paninda. "Taho! Taho!"

Idagdag pa ang amoy ng usok ng mga kandila at sigarilyo na wala sa pang-araw-araw niyang paggising—iba na ang kutob ni Jorge sa mga nangyayari sa kanyang paligid.

"Miss, gising!" May panggigil na sa tono ng Ale na sinundan pa ng pagkalabit sa kanyang kanang balikat—sa gulat ay napadilat na ng mga mata si Jorge.

Bumungad sa kanya ang mga nitso! Takang-taka na napatanong siya sa sarili, "Nasaan ako?"

Narinig iyon ng Ale kaya ito'y sumagot, "Hoy! Miss nasa puntod ka lang naman ng asawa ko! At kung iyong mamarapatin, puwede ba tumayo-tayo ka na diyan?"

Mula sa pagkakahiga ng nakatagilid, itinaas ni Jorge ang katawan saka hinarap ang Ale. "Bakit ako nandito?"

"'Di ba dapat ako pa ang nagtatanong niyan sa 'yo?" Napahalukipkip ng mga kamay at napataas ng kanang kilay ang Ale habang nag-uusisa. "Ano nga ba ang ginagawa mo diyan? At nagawa mo pang magkalat!"

"Ha? Ano pong kalat?" Nagpalinga-linga si Jorge sa paligid.

"Heto oh!" Itinuro ng Ale ang pinagkahunan ng cake at bote ng alak na nasa gilid ng puntod.

Nang makita ni Jorge ang mga kalat na tinutukoy ng Ale, ipinagpalagay niya na ang araw na iyon ay ang araw na ng undas at ang araw bago ang kasalukuyan ay ang kaarawan naman ng first love niyang si Angelo. Ang huli niyang natatandaan ay lumabas siya ng apartment para bumili ng cake at alak dahil nga sa kaarawan ni Angelo, ngunit ang hindi niya maalala kung paanong mula sa mall na kanyang binilhan ng mga iyon ay napunta siya sa sementeryo?

"Hoy! Miss ano?!" bulyaw ng Ale. "Tutunganga ka na lang ba diyan?! Alam mo namang ako pa ang maglinis ng pinaglamunan na 'yan? Eh hindi naman ako ang kumain diyan!"

"Ay! Naku! Pasensiya na po." Mabilis na tumayo si Jorge mula sa pagkakaupo sa ibabaw ng nitso para pulutin ang mga kalat. "Pasensiya na po."

"Sino ka ba ha?" Nakapamewang at nangingiwi ang mga labi sa gigil na tiningnan ng Ale si Jorge mula ulo hanggang paa. "Siguro isa ka sa mga kabet ng asawa ko hano?!"

"Ay naku! Hindi po! Hindi ko po kilala ang asawa niyo." Mariing pagtanggi ni Jorge na sa takot sa eskandalo, dahil dumarami na rin ang mga tao sa sementeryo, naisipan na magpaalam na lang ng maayos sa Ale. "Kailangan ko na po palang umalis. Mauna na po ako sa inyo. Pasensiya po ulit."

Pagkatapos ay dali-daling lumayo si Jorge nang hindi na humaba pa ang pagtalak ng Ale.

Habang tinatapon ang mga pinagkainan sa isang sako sa gilid ng daan, napansin ni Jorge na pamilyar sa kanya ang lugar—ang mga museleo, ang mga puno ng akasiyang nagbibigay lilim sa mga dumadaan. "Paano akong napunta rito?"

Hindi makapaniwala si Jorge na mula Maynila ay narating niya ang Nueva Ecija—ang probinsyang kanyang pinanggalingan—nang hindi man lang niya namalayan.

"Ganoon ba akong malasing? Parang tinitigan ko pa lang naman 'yong alak ah." Napa-iling si Jorge na ipinagpatuloy na lang ang paglakad.

Kada taon ay mag-isa niyang ipinagdiriwang ang kaarawan ni Angelo, pero kailanman ay hindi niya naiisipan na ito ay ipagdiwang sa sementeryo.

"Ano 'to Me&U lang?" Natatawa na lang si Jorge sa sarili nang maalala ang kauna-unahang istorya na kanyang naisulat— ang Me&U, Book 1 ng Mutual Understanding Series.

Iyon ay ang love story ng high school sweethearts na si Joyce Manalo at Angelo Flores. Tulad ni Angelo—kung saan hinango ang karakter na si Angelo Flores—October 31 din ang kaarawan nito. Dahil hindi naman sila ni Joyce at dahil wala rin namang sapat na budget si Angelo pang-date, ginaganap na lang nila nang palihim sa sementeryo ang kaarawan ng binata sabay sa paglilinis ng mga nitso.

At sa paggunita sa istoryang iyon, hindi naiwasang maalala ni Jorge ang kanyang namayapang kapatid na si Joyce—ang kanya namang inspirasyon para sa karakter na si Joyce. "Nandito na lang din ako, madalaw nga si Ate. Para hindi na madagdagan pa ang mga utang kong Undas!"

May ilang taon na rin siyang hindi nakakauwi ng probinsya kaya matagal na rin noong huli niyang nadalaw ang kanyang Ate Joyce. Pero dahil nga ilang taon na ang lumipas mula noon, madami na ang nagbago, dahilan para magbago ang isip ni Jorge. Napagtanto niya na baka nandoon na ang kanyang mga magulang para dalawin din ang Ate niya. Nakaramdam siya ng takot—takot na baka kapag nakita siya ng mga ito ay kamuhian at itakwil siya. "Sorry Ate, hindi pa pala kita ulit madadalaw."

Simula kasi ng umalis siya sa bahay nila para magtrabaho, nagkaroon siya ng kalayaan—kalayaan na gawin ang mga bagay na gusto niyang gawin. Kalayaan para ilabas ang tunay na siya na matagal niyang itinago sa kanila. Kung titingnan nga naman ngayon, ibang-iba na siya. Kitang-kita naman sa itsura ang malaking pagbabago—sa suot na bestida, mahabang buhok, sa kurba ng kanyang katawan, sa makinis na kutis at magandang mukha—sinong mag-aakala na dati siyang namuhay sa katawang lalaki.

Siguro kung nabubuhay pa ang Ate niya malamang mapagkakamalan pa silang kambal dahil magkamukhang-magkamukha sila. Pero dahil patay na ito malamang mapagkamalan naman siyang multo nito! At dahil doon lalong nabagabag si Jorge. Kung hindi ang kanyang mga magulang ang makakita sa kanya, mga kamag-anak o kapitbahay naman nila na maaaring makilala siya at iparating sa mga magulang niya ang tungkol sa kanya. "Sorry talaga Ate. Pero promise kapag may free time talaga ako at hindi Undas na madaming tao, dadalawin talaga kita. Pero hindi muna ngayon ha. Multohin mo man ako ok lang, you know how much I miss you naman. Sorry again."

Kaya sahalip na sa puntod ng Ate pumunta, tinahak ni Jorge ang daan palabas ng sementeryo.

Nang marating na ang pangunahing kalsada, kaagad niyang pinara ang nakitang paparating na jeep. At nang iyon na ay huminto, dali-dali na siyang sumakay.

Kahit siya pa lamang ang pasehero ng jeep ay kaagad na itong bumiyahe. Bahagya nang nakahinga si Jorge na kinuha ang pitaka sa kanyang sling bag at inabot sa driver ang mga nakuhang barya. "Manong bayad po. Isang terminal po 'yan."

Sa muling pagbabalik ni Jorge sa lugar na kanyang pinagmulan, magkahalong emosiyon ang kanyang nararamdaman—takot at pagkasabik. Takot na baka may makakilala sa kanya at pananabik na baka sakaling makita naman ang first love na si Angelo. Kaya para makadungaw pa rin sa may bintana, naitakip na lang niya ang kanyang panyo sa kanyang bibig para kung sakali man na may makakita sa kanya na kakilala ay hindi siya kaagad makikilala.

"Hay! Elo nasaan ka na kaya?" bulong ni Jorge habang iniisa-isang sinisipat ang bawat bahay na natatapatan ng jeep.

Nang maka-graduate kasi ng High School si Angelo, hindi na niya ito nakita. Kahit sa burol ng Ate niya na kaklase nito noong High School, ay hindi ito pumunta. Ayon sa bali-balita noon, pinili raw ni Angelo na sa Maynila mag-aral nang sa gayon ay makalayo-layo upang mapaghilom ang puso nitong sinugatan ng Ate Joyce niya matapos tanggihan ang panliligaw nito. Nahanap naman ni Jorge ang account ni Angelo sa facegram at na-send-an pa niya ng friend request, pero walang nangyari dahil halatang hindi na nito binubuksan ang account, kaya ganoon na lamang ang pangungulila ni Jorge sa kanya.

Nang makalabas na ng Barangay Carmen ang jeep, unti-unting nawala ang pagkabahala ni Jorge na ang pumalit naman ay panghihinayang dahil kahit anino man lang ni Angelo ay hindi niya nakita. Kaya mula sa pagkakadungaw sa bintana ay tumuwid na ng upo ang dismayadong si Jorge. Habang inaalala ang pagkainip sa isang oras na biyahe, ang isip niya ay nililibang siya ng mga eksena ng unang istoryang kanyang naisulat—na isa pang kanya ring na-miss.

Beyond The PagesWhere stories live. Discover now