The Last Page

17 4 0
                                    

Pagdating sa Terminal ng Cabanatuan ay hindi pa rin humuhupa ang pagluha ni Jorge hanggang makasakay sa bus papuntang Cubao.

Kasalukuyan pang naghihintay ng mga pasahero ang bus kaya marami pang mga bakanteng upuan. Natipuhan niyang umupo sa may bandang dulo, kanang panig at pinili sa upuang pangdalawahan ang nakatabi sa bintana. Dahil sa pasapit na ang dilim, wala na siyang naaaninag na tanawin sa labas; tanging repleksyon na lamang niya sa salamin ang nakikita niya sa bintanang naliliwanagan ng dilaw na ilaw sa kanyang ulunan. Naaawa siyang pagmasdan ang sarili na kinasuklaman at pinandirihan ng kanyang mga minamahal. Wala na siyang makakapitan kung hindi ang sarili na lamang.

Para palubagin ang sawi niyang damdamin, ang diwa ni Jorge ay lumikha na naman ng panibagong katauhan na magsasabi sa kanya ng mga salitang gusto niya sanang marinig mula kay Angelo at iyon ay walang iba kung hindi ang karakter na si Angelo Urdaneta ng Mutual Understanding Series.

'Nandito na ako, hindi ka na muling mag-iisa.' Umaalingawngaw ang makapal na tinig ng karakter na si Angelo sa isipan ni Jorge habang pinagmamasdan pa rin sa salamin ang kanyang repleksyon. 'Tapos na ang iyong paghahanap dahil ikaw lang din ang hinahanap nito—ang nawawalang parte nitong puso ko. Patawad nagkamali ako sa aking mga naging pasya noon—sa aking mga nasabi. Dapat inalam ko ang totoo at hindi kita hinusgahan. Ikaw nga itong nagmamahal sa akin ng tapat—ang siya ko pang sinaktan! Hayaan mo simula ngayon ipaparamdam ko na sa 'yo ang pagmamahal na nararapat na mapasaiyo.'

Hanggang isang pamilyar na tugtog ng isang kantang Pamasko ang lumabas sa radyo ng bus.

'O holy night
The stars are brightly shining'

Dahil ilang araw na lang ay Kapaskuhan na naman kaya ang mga ganoong kanta ang pinapatugtog na sa mga radyo.

'It is the night of our dear Savior's birth'

Hindi makakailang tawag-atensiyon sa ganda ang kantang iyon na kinuha ang pansin ni Jorge pabalik sa reyalidad. Sa katunayan, isa iyon sa mga paborito niya na siya ngayong nagpapaalala sa kanya ng kanyang kinalimutan. Lumaki si Jorge sa isang Kristiyanong pamilya, ngunit nang mamatay ang kanyang Ate, sinisi niya ang Panginoon sa nangyari. Pakiramdam niya noon, dahil sa trahedyang iyon, ay pinabayaan Niya ang kanilang pamilyang tapat na sumasampalataya sa Kanya. Hanggang dumating sa puntong inisip niya na hindi totoo ang Diyos...na isa lamang Siyang kathang-isip—na isa lamang alamat—dahil hinayaan nitong mawala ang kanyang kapatid nang ganoon lang.

'Long lay the world
In sin and error pining
'Til He appeared
And the soul felt its worth'

Ang linyang iyon ng kanta ay talaga namang tumatagos hanggang sa kaluluwang nauuhaw sa pagmamahal. Ang durog na puso ni Jorge ay muling nakaramdam habang sumasagi sa kanyang isipan ang pinaka paborito niyang Bible verse noon—na kanya ring pinakasaulo—ang John 3:16 na nagsasabing: 'For God so loved the world that He gave His only begotten Son, that whoever believes in Him should not perish but have everlasting life.'

Paliwanag dati ng Ate Joyce niya tungkol doon ay walang tao ang mapapatawad ng Diyos dahil lahat ay nagkakasala at nagkakasala pa rin. Dahil sa malasakit ng Diyos, Siya na ang gumawa ng paraan: ipinadala Niya ang Kanyang bugtong na anak na si Jesus sa mundo kasama ng mga tao nang sa gayon ang sinumang maniwala sa Kanya ay mapapatawad na ng Diyos—ang buhay Niya ang nagsilbing kabayaran upang ang tao ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kasama Niya. Siya ang daan, ang katotohanan, ang buhay at ang tunay na pagmamahal ika nga.

Sa ginawang pagtaligod ni Jorge sa Panginoon ay hindi na siya nagtataka kung bakit naging miserable ang kanyang buhay—palaging nangangamba, natatakot, nagtatago, nangungulila sa pagmamahal.

Mahahalintulad niya sa isang paso ang buhay niya. Akala niya matatag na ang kanyang nagawa dahil nakakatayo ito matapos ang pinagdaanang proseso. Ngunit nang kanya na itong bubuhatin, hindi pala niya kaya nang mag-isa. Mabigat ito para sa isang tao lamang na kagaya niya ring marupok at maaari ring madurog. Sa kanyang pangangalay sa bigat nito ay kanyang naibagsak at nagkapira-piraso.

'A thrill of hope
The weary world rejoices
For yonder breaks
A new and glorious morn'

Nabulag siya ng kanyang galit at tumalikod sa liwanag kaya hindi niya nakita ang daang tinatahak. Buti na lamang ang liwanag ay parati lamang nadiyan na patuloy na nagdidingas at abot kamay ng mga taong nanlalamig na gustong mainitan. Aminado na siya ngayon na hindi niya kayang buuin ang nagkapira-piraso niyang puso, at kung patuloy niyang susubukang pulutin ang mga piraso nito ay patuloy lang din siya na masusugatan sa mga talim ng bubog nito. Kailangan niya ng tulong.

'Chains shall He break
For the slave is our brother
And in His name
All oppression shall cease
Sweet hymns of joy
In greatful chorus raise we
Let all within us
Praise His holy name'

Ang Diyos ay malakas, samantalang siya ay mahina. Alam na niya ngayon ang gagawin at iyon ay ang lumapit sa liwanag upang hindi mabuhay sa nakakatakot at nakakalumbay na dilim.

'Christ is the Lord
Let ever, ever praise Thee'

Yumuko si Jorge na naidukdok ang ulo sa likurang sandalan ng upuan sa kanyang harapan. At sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang isang dekada mula ng mamatay ang kanyang Ate, kinausap niyang muli ang Panginoon sa pamamagitan ng pagdarasal.

"Panginoon patawad...patawad kung sa 'yo ko isinisi ang pagkawala ni Ate. Patawad kung kinuwestiyon ko ang presentiya Mo. Patawad kung inisip ko na hindi Ka totoo. Siguro hindi masaya si Ate sa ginawa kong iyon. Lagi niya pa namang pinapaalala sa akin na dapat sa lahat ng pagkakataon Ikaw ang inuuna ko. Lumayo ako sa 'yo, nagtampo hanggang nauwi iyon sa pagkagalit at muhi. Patawad dahil sa mga taon na ako ay nagluluksa, sa halip na lumapit ako sa iyo, umiwas pa ako.

"Pagod na akong maligaw. Sawa na akong maghanap ng liwanag na napupundi rin naman kaagad. Suko na ako. Gusto ko nang makakita. Kitang-kita Mo ang lahat kaya sigurado ako na alam Mo na hindi ako magaling magmaneho—kung saan-saan ako napadpad! Ipinauubaya ko na sa Iyo ang trabahong iyon. Ikaw na ang bahala sa akin. Dalhin mo ako sa kapayapaan na hindi ko matagpuan sa aking sarili.

"Hindi ko kayang mag-isa—kailangan pala talaga Kita. Ngayon ramdam ko na nakumpleto na ako. Nasisiguro kong hindi lang si Ate ang magiging masaya sa muli kong pagbabalik sa Iyo—Ikaw rin at ako. Salamat dahil sa isa namang madilim na bahagi ng aking buhay ay nakita ko ang Iyong liwanag at muli akong nakakita. Salamat sa regalong ito. Thank You from getting me out from my fictional world and bringing me back to Your realm. Thank You for loving me—beyond the pages.

"Amen."

Beyond The PagesDonde viven las historias. Descúbrelo ahora