Page 19

21 3 7
                                    

Habang nasa taxi, hinihiling ni Rain na pagkagising ng nakatulog na katabi ay iyon na ang kaibigan niyang si Jorge at hindi na ang personang si Joyce dahil marami siyang sasabihin dito.

Nang papalapit na sila sa condo ay lakas loob na niyang ginising ito. "Jorge...Jorge malapit na tayo."

Naalimpungatan naman si Jorge sa ginawang paggising ni Rain.
Nang nakahinto na ang taxi sa harapan ng condo ay nagbayad na muna si Rain habang hinihintay na rin si Jorge na tuluyang magising. "Manong bayad."

"Salamat Sir," tugon ng driver na kinuha ang bayad kay Rain.

Bitbit na ang brown bag ng mga pagkain at dalawang cup ng sofdrinks na nabili sa isang drive-through restaurant, niyaya na ni Rain ang pupungas-pungas pa ring kaibigan. "Jorge baba na tayo. Ikaw na ba 'yan?"

"Nasaan na ba tayo?" tanong ng nag-uunat nang si Jorge na nakapagkumpirma kay Rain na siya na nga ang kanyang kaibigan.

"Nandito na tayo sa condo. Halika nang bumaba." Binuksan na ni Rain ang pintuan ng taxi para mauna nang lumabas.

"Hala ganoon ba?" Binuksan na rin ng natauhan nang si Jorge ang isa pang pintuan at lumabas na rin.

"Tara na?" pag-aayang muli ni Rain sa kaibigan saka akmang aakbay ang kaliwang kamay na may hawak sa mga softdrinks sa balikat nito.

"Oh kamay mo!" sita ni Jorge na sa takot maakbayan ay nagpatiuna na namang maglakad kay Rain. "Sasakit na naman ang balikat ko."

"Ikaw na nga si Jorge." Nakangiti ang napailing na si Rain na sinundan na lang sa paglalakad ang kaibigang malapit na sa entrance door ng condominium. "Huwag kang mag-alala magaling akong masahista!"

"Masahista ng ano?" Natigilan sa pagpasok si Jorge na napalingon para sagutin ang humiyaw na tila wala nang kahihiyang kaibigan. "Nang mga lalaki? Hindi bali na lang!"

"Grabe siya oh!" bulalas ni Rain na naabutan na sa paglalakad ang napairap na si Jorge kaya nagkasabay na sila sa pagpasok sa entrance door ng condominium. "May customer din po kaya ako dati na mga babae at saka mga bakla."

"And so..." Napataas ng kanang kilay si Jorge sa pagbuwelta sa kanya ni Rain. Pagkatapos nilang dumaan sa mga Security Guard ay ipinagpatuloy ni Jorge ang pagdepensa. "Don't compare me to them. I can handle my pain all by myself."

"Oo naman 'no!" pagsang-ayon ni Rain habang pinipindot na ang open button ng elevator. "Iba siyempre ang treatment ko sa isang transwoman."

Napairap lang si Jorge sa pambobolang iyon ni Rain habang pumapasok na rin sa loob ng elevator. Para ibahin na ang usapan, naisipan ni Jorge na magtanong tungkol sa kanilang pamamasyal. "Ano pala ang nangyari kanina? May humalili na naman sa akin?"

"Naging ikaw si Joyce," sagot ni Rain na pinindot naman ang buton ng palapag ng kanyang unit. "'Yon na nga ba ang sinasabi ko na baka magiging ikaw nga si Joyce."

"Well...wala kang sinabi sa akin," pagkontra ng nagkibit-balikat na si Jorge. "Siguro sa sarili mo lang sinabi? Hindi sa akin."

"Hay!" napabuntong-hininga si Rain na napagtantong wala nga siyang sinabi kay Jorge. "Baka nga."

Pagkabukas ng elevator sa ikasampung palapag ay lumabas na ang dalawa.

"Jorge hawakan mo nga muna ito," kinuha naman ni Jorge ang inaabot ni Rain na mga baso ng softdrinks, "kukuhanin ko lang ang susi."

"Akin na rin 'yang isa mo pang dala?" alok ni Jorge sa namimilipit na si Rain sa pagkuha ng susi sa may bandang sintrunan ng pantalon nito.

"Kaya ko na ito." Gamit ang kaliwang kamay na wala nang hawak, nakuha na ni Rain ang susi na nakasabit sa palasintrunan ng kanyang pantalon at kanya nang binuksan ang pintuan ng kanyang unit.

Beyond The PagesWhere stories live. Discover now