Page 10

37 20 5
                                    

"Huwag kang mahihiya ah kumain ka lang nang kumain," pagpapaalala ni Rain kay Jorge nang makalabas na sila ng kwarto at palapit na sa dining table. "Bilin ng doktor: hindi ka daw dapat malilipasan ng gutom, kaya kainin mo itong niluto ko ha. Pagpasensiyahan mo na nga lang din ito lang ang meron ako ngayon."

"Ok lang, hindi naman ako mapili." Nang tinanggal na ni Jorge ang platong nakatakip sa mangkok ng pagkaing niluto ni Rain ay biglang naglaho ang ngiti sa mga labi nito.

"Hayan, medyo namaga na ang mga noodles, pero pwede pa naman 'yan." Ngumiti nang alangan si Rain nang mapansin ang biglaang pagbabago ng timpla ng mukha ni Jorge. "Sana magustuhan mo pa rin?"

"Magugustuhan?!" May tonong hindi pagsang-ayon sa boses ni Jorge na ibinaling na ang atensiyon kay Rain mula sa pagkakatitig sa pagkain. "Bakit ko naman magugustuhan ang basura?"

"Grabe ka namang magsalita! Ikaw na nga ang pinapakain may gana ka pang magreklamo!" bulalas ni Rain na hindi naiwasang maapektuhan sa inasal ni Jorge kahit pa hindi niya nakakalimutan na wala ito sa sariling katauhan.

"Anong pinapakain?! Hoy! Hannibal hindi ako palamunin dito! Baka nakakalimutan mo na asawa mo ako?!"

Sa mga sinabing iyon ni Jorge, alam na ni Rain kung bakit ganoon ang inasta nito, dahil si Jorge ay iba na naman ang katauhan. "Bernadette?"

Si Bernadette ay ang bida ng nobelang isinulat ni Jorge na 'Hanni and Ber'-ito ay patungkol sa buhay mag-asawa ng isang nutritionist at ng nakatuluyang kliyenteng basketball player. Sa kasamaang palad ay nagkaroon ng injury sa likod ang kabiyak ni Bernadette na si Hannibal na naging dahilan upang iwanan nito ng pansamantala ang basketball habang nagpapagaling. At dahil sa aksidenteng iyon, nagpalit ang kanilang mga papel sa bahay at buhay-si Misis ang nagtratrabaho dahil hindi pwede si Mister na siyang naging taongbahay.

"Buti naman tamang pangalan ang lumabas sa bibig mo!" Napahalukipkip ng braso si Jorge na sinamahan pa nang pagtaas na naman ng kanang kilay. "Akala ko kasi may iba ka nang nilalambing kapag nasa trabaho ako."

Nang makumpirmang tama na ang kanyang hinala at pamilyar naman sa karakter na si Bernadette, alam na ni Rain kung paanong dadalhin ang sitwasiyon. "Tama na Ber, kumain na lang tayo."

"Hannibal, baka nakakalimutan mong Registered Nutritionist-Dietician ang asawa mo?"

Kilala ang karakter na si Bernadette sa pagiging istrikta pagdating sa pagkain, kaya hindi na rin bago kay Rain ang ganoong eksena. "Oo alam ko! Hindi ko nakakalimutan! Pero pwede ba kahit ngayon lang? Kahit ngayon lang Ber! Isantabi mo muna 'yang ugali mo na 'yan, kumain na tayo."

"Bakit Hannibal, matanong lang kita, anong sustansiya ang meron 'yan para mapakain mo ako niyan? Sodium? Cholesterol! My goodness Hannibal!"

"Kung ayaw mo edi 'wag mo!" Naupo si Rain sa isa sa mga silya at saka dinampot ang mangkok ng instant noodles. "Ako na lang ang kakain nito!"

"Ano ang sinabi ng doktor? 'Di ba magbawas ka daw ng timbang para madala niyang likod mo ang katawan mo?" Kukutsarahin na sana ni Rain ang pagkain nang matigilan sa tanong ni Jorge. "Sa tingin mo ba mababawasan niyan ang bigat mo? Eh ang alat-alat niyan edi lalo ka pang ginanahang kumain! Or worst ikasira pa 'yan ng kidney mo!"

Pero hindi papatalo si Rain. "Ang likod ko ba ang inaalala mo o natatakot ka lang na mahigitan ako sa kakisigan ng mga kliyente mo?"

"Utang na loob Hannibal! Pwede ba magluto ka na lang ng iba? Hindi kung saan-saan mo dinadala ang usapan!" Sa konsumisiyon sa pangdidiretsa ni Rain, napatutop na lang ng noo si Jorge. "Huwag mong sabihing hindi ka na naman nakapag-grocery?"

"Ikaw yata ang nag-iiba ng usapan?" Ngumisi si Rain, umiling at pagkatapos ay hinarap ng diretso ang kausap. "Magkaaminan nga tayo, sino sa atin ang may kabit? Ako o ikaw?"

"Ano ba 'yang pinagsasabi mo? Hannibal nagtratrabaho ako ng maayos!" dipensa ni Jorge na nanggigilid na ang luha.

"Nagtratrabaho? Ano naman kaya ang trinatrabaho mo ha?" Base sa pagkakabasa ni Rain sa akda ni Jorge: bukod sa pagplaplano ng diyeta ng kliyenteng isang Basketball team, ang trabaho rin ng karakter na si Bernadette bilang Nutritionist-Dietician ay ang regular na pagmomonitor ng timbang ng mga ito at maging body fats nila sa pamamagitan ng-naging pamilyar din kay Rain na-Jackson-Pollock Nomogram method . "Ang paghawak ng abs ng mga lalaki mong kliyente? Ganoon ba? Ha?"

"Ganyan lang ba kababaw ang tingin mo sa akin? Na nakukuha lang sa ganyan? Bakit Hannibal 'yan lang ba ang minahal ko sa 'yo ha? Minahal lang ba kita dahil lang 'hot' ka? Na dahil ang taas ng sex appeal mo?!" Pinigil ni Rain na mangiti sa mga papuring iyon na binanggit ni Jorge habang nagpatuloy pa sa pangangatwiran. "Minahal kita dahil ikaw-ikaw! Minahal kita dahil ikaw 'yan-lahat ng katangian, lahat ng ikaw na hindi ko mahahanap sa iba! Mag-iba man ang itsura mo-tumaba ka man, maputulan ka man ng paa o kahit ano pa. Basta ikaw pa rin 'yan na hinahanap-hanap ko sa aking mga panaginip hanggang sa pagmulat ng aking mga mata sa umaga at palagi kong naiisip kahit saan ako magpunta-ikaw ang kumukompleto sa akin Hannibal. Ikaw ang nagpapaikot ng mundo ko, ng isip ko, ng puso ko! Kaya ginagawa ko lahat ng paraan na alam ko para sa ikagagaling mo dahil ayaw kong mabyuda ng maaga...dahil gusto kong makasama ka pa ng matagal! Ngayon kung pinagdududahan mo 'yon...hindi ko na alam...hindi ko na alam...siguro maghahanap na lang ako ng ibang trabaho kahit mabababa ang sweldo-papatulan ko! Dahil lahat naman natitiis ko basta para sa 'yo. Kahit gaano pa 'yan kahirap para matigil lang 'tong mga hinala mo-'yang mga pagseselos mo! Ang sakit kasi...na sinisikmura ko na nga lahat para lang kumita...ang sakit, sakit!"

Para pahupain ang silakbo ng damdamin ni Jorge, tumayo si Rain at lumapit saka ito iginapos ng kanyang mga bisig. "Patawad...patawad, masyado akong nagpalamon sa selos. Patawad kung wala akong kwenta. Patawad dahil isa akong failure. Patawad kung pagmamahal lang ang maisusukli ko sa pagmamahal mo-sa mga sakripisyo mo. Patawad...I-I love you."

Pa

Beyond The PagesDonde viven las historias. Descúbrelo ahora