Page 29

13 2 0
                                    

[Date: December 22, 2019]

Sa paglalakad sa kalsada papunta sa kanilang paaralan, tila nakita ng multo ang reaksiyon ng mga mukha ng mga nakakasalubong na mga kakilala ni Jorge nang siya ay matanaw ng mga ito.

Isang kapitbahay nila ang lumapit at naglakas ng loob na kausapin siya—ang tsismosa pero mabait na si Aling Bebe. "Ineng tagarito ka rin?"

"Opo naman. Aattend din po ako sa homecoming sa school." Magalang na tugon naman ni Jorge.

"Alam mo Ineng pamilyar kasi ang itsura mo...kahawig na kahawig mo ang isang estuyante rin dito na anak ng kapitbahay namin, pero siyempre hindi ikaw siya kasi matagal nang patay 'yong bata na 'yon. Akala ko nga kanina nang makita kita ay nagmumulto siya."

"Paano kasi Aling Bebe—"

Naantala ang paliwanag ni Jorge ng mapabulalas ang Ginang nang mabanggit niya ang pangalan nito. "Kilala mo ako?!"

"Aling Bebe, oo naman po! Ako na po kasi ito...si Jorge."

"Jorge? 'Yong kapatid ng namayapang si Joyce!" Natawa ito matapos na mapagtantong sila nga ay magkakilala. "Mahabagin! Walanghiya kang bata ka! Nagdalaga ka pala! Kaya pala ang tagal mong nawala! Ang ganda ganda mo na oh! Iba talaga kapag na-abroad sa Thailand 'no?"

"Ang totoo po hindi po talaga ako nakapagtrabaho sa abroad—nabiktima po ako ng illegal recruiter."

"Ha?! Ang alam nila Zenaida napunta ka doon."

"Hindi ko na po sinabi sa kanila dahil alam mo naman po 'yon katatakut-takot na sermon ang aabutin ko."

"Kung sabagay." Nagpatuloy na sa paglalakad ang dalawa habang patuloy pa rin sa pag-uusisa si Aling Bebe. "Eh ano na ang trabaho mo ngayon?"

"Fiction writer po."

"Ano 'yon?"

"'Yong nagsusulat po ng mga istorya."

"'Yong pang mga pocket book ba?"

"Parang ganoon na nga po."

"Malaki ba 'yong kinikita d'yan?"

"Sakto lang po."

"Naku 'yong totoo? Hindi ka makakapag-transform sa pagiging babae kung sapat lang."

"Well, rumaket din po ako dati para masuportahan ang sarili ko at makapagpadala pa rin kila Mama. Saka talagang dinaan ko na lang rin po talaga sa dedikasyon at sipag para mapansin ng publishing house ang mga istorya ko."

"Masipag ka talagang bata ka. Noon pa man hanga na talaga ako sa kasipagan mo." Kakikitaan ng kasiyahan ang nakangiting si Aling Bebe sa mga narating ni Jorge. "Pero maiba nga lang pala ako, edi hindi mo rin pinaalam kila Mama mo na...babae na ang kanilang unico hijo?"

Nawala naman ang mga ngiti sa mga labi ni Jorge sa tanong na iyon nang maalala ang isang malungkot na pangyayari sa kanyang buhay. "Nasabi ko po nito lang, ayon itinakwil na po ako."

"Ay hala! Eh siguro baka nabigla lang iyon! Ganoon talaga magulang iyon eh, pero hindi ka rin naman matitiis n'on. Balang-araw matatanggap ka din nila lalo na ikaw na lang ang anak nila tapos ganyan pa kaganda."

Bumalik muli ang ngiti ni Jorge sa kanyang labi dahil sa sinabi ni Aling Bebe na nakapagpalubag ng kanyang loob. "Sana nga po."

"Oh paano? Nandito na pala tayo sa school. Mauna na ako sa 'yo, makikipag-tong-its pa ako doon kila Myrna eh. Nandiyan na sa loob ang mga kababata mo."

Matapos magpaalam ay nagdire-diretso na sa paglalakad si Aling Bebe habang si Jorge ay huminto na sa tapat ng paaralan. Habang pinagmamasdan ang tarangkahan ng paaralan na kung saan nagsisipasukan na ang mga taong pamilyar sa kanya, hindi niya maiwasang kabahan.

Beyond The PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon