Page 22

26 3 3
                                    

[Date: November 6, 2019]

"Pangako hindi kita iiwan!" Nagising si Rain sa umaalingawngaw na sintonadong birit ni Jorge sa banyo.

Bumangon siya mula sa pagkakahiga sa mattress na kanyang inilatag sa may dining area kagabi. Pagkatayo ay nakita niya na may pinirito nang hotdog at sinangag sa ibabaw ng mesa. "Jorge?"

"Pangako hindi ko pababayaan..."

Pinuntahan niya ang banyo para tignan ang kaibigan doon. Inabutan niya si Jorge na nilalaban ang kanilang mga damit sa lababo. "Hoy ano 'yang ginagawa mo?"

"Ah eh heto naglalaba," tugon nito na bahagyang nagulantang at napatigil sa pagkusot ng kanyang maong.

"Ano ka ba?" Napakamot ng ulo si Rain na hindi malaman kung maaawa ba o matatawa sa ginagawa ng kaibigan. "May laundry shop naman sa baba."

"Eh hayaan mo na. Wala naman akong magawa eh."

"Hindi ka ba mag-a-update ngayon?"

"Update?" salubong ang kilay na humarap sa kanya si Jorge na may pagtataka sa mukha. "Para saan?"

Nakalimutan ni Rain na maaaring ang katauhan ng kaibigang kanyang kinakausap ay ang karakter na si Joyce. "Sorry akala ko kasi ikaw na si Jorge."

"Hindi." Napangiti ito sa dahilan ni Rain. "Si Joyce ako."

"Eh kung wala kang magawa dito, Joyce, gusto mo bang mamasyal ngayon?" Madaling araw na nang makatulugan ni Rain ang pag-iisip ng maaari niyang gawin upang maibigay sa karakter na si Joyce ang posible nitong maging 'happy ending' o ang 'satisfaction' nito gaya ng ginawa niya sa mga iba pang katauhan ng kaibigan. At ngayong wala itong magagawa sa araw na iyon, nakikita ni Rain na maganda na iyong oportunidad para gawin ang kanyang nabuong plano.

"Naku hindi na siguro. Ako nga itong wala nang pera dito."

"Sige na, gastos ko at 'wag kang mahihiya dahil nangako si Jorge na babayaran niya ang mga magagastos ko sa kanya-sa inyo," pangungumbinsi ni Rain na pursigidong matupad ang kanyang balak dahil kung hindi niya ito makukumbinsi na mamasyal ay hindi na niya alam kung ano na ang gagawin. "Samantalahin mo nang makapag-relax habang ikaw pa ang may hawak ng isip niyo."

"Saan naman ba tayo kasi mamasyal?" May diin sa pagtatanong ni Jorge habang pinipilipitan ang maong.

"Kung saan mo gusto?" Ang layon ni Rain ay ang mapasaya ang karakter na si Joyce nang sa gayon ay maramdaman nito na mas masarap siyang kasama kaysa sa amo nitong si Angelo at kapag ganoon nga ang nangyari, nakikita niya na matatahimik na din ito kagaya ng iba pang mga katauhan ng kanyang kaibigan. "O kung saan ka pa hindi nakakapunta dito sa Baguio-pupuntahan natin."

"Hmmm..." Napatigil sa pagkusot ng panibagong damit ang napaisip na si Jorge. "Sa totoo lang gustong-gusto kong malapitan 'yong ulo ng leon doon sa may Kennon Road. Kapag papasok kasi dito, nahihiya akong magpahinto doon sa UV Express-wala pa kasi akong nakasabay na papunta rin dito na nagpahinto doon kaya ang awkward."

"Ok, doon tayo pupunta mamaya. Itigil mo na 'yan. Bisita ka dito eh. Magpapa-laundry na lang tayo mamaya."

"Matatapos na ako. Kumain ka na diyan."

"Ikaw ba? Kumain ka na ba?"

"Eh mauna ka na. Tatapusin ko lang 'to, babanlawan ko na lang ito eh. Susunod na ako."

"Ang kulit! Magpapa-laundry na nga lang tayo mamaya! Doon na lang natin pabanlawan. Halika na, wag mo nang tapusin 'yan. Samahan mo na akong kumain."

"Ha? Eh...sige na nga." Ipinatong ni Jorge ang damit na kinusot sa gilid ng lababo kasama ng mga damit na nakusot na rin niya, saka hinugasan ang kamay at sumama na kay Rain sa may dining area para kumain.

Beyond The PagesWhere stories live. Discover now