Page 3

99 28 53
                                    

[Date: November 1, 2019]

"Miss...Miss!" Nagulantang si Jorge sa tinig ng isang lalaki at sa magkakasunod na kalabit sa kanyang balikat. "Miss terminal na!"

Sa pagkadinig ng salitang 'terminal,' naalarma ang diwa ni Jorge dahilan para tuluyan siyang magising mula sa kanyang hiraya. "Terminal? Terminal na!"

"Oo Miss," tugon ng driver ng jeep na napakamot ng ulo. "Kanina ka pa diyan nakatulala eh."

"Naku! Pasensiya na po. Salamat po ah." Pagkasabi ay nag-apura nang lumabas ng jeep si Jorge at nagtungo sa istasyon ng mga UV Express.

Dahil Undas, dagsa ang mga pasahero sa terminal.

"Sa haba ng pila na 'to aabot kaya ako?" Dinukot ni Jorge ang cellphone sa loob ng kanyang bag para alamin ang oras. "Naku! Alas onse na pala! Huwag naman sana akong gabihin, kung hindi patay! Patay ako kay Sir! Sana hindi niya ako maunahan sa bahay!"

"Baguio! Baguio! Isa na lang! Sino diyan 'yong single? Isa na lang ang kulang!" Sigaw ng barker ng UV Express na tila tinig naman ng pag-asa para sa nakakaramdam na ng pangambang si Jorge.

Dahil sa kagustuhang makasakay na kaagad, buong lakas na humiyaw si Jorge, "Ako!"

Mula sa pila ng mga tao, nilapitan niya ang barker. "Kuya ako!"

Dinukot ni Jorge ang pitaka sa loob ng kanyang bag at inabot sa barker ang nakuhang dalawang daang piso na pamasahe.

"Oh sige Miss upo ka na dito," inayos ng barker ang folding seat na sa bungad ng pintuan ng van, "lalarga na."

"Salamat po." Umupo si Jorge sa upuan pagkatapos ay sinara na ng barker ang pinto ng van.

Maya-maya lamang ay sumakay na ang driver, pinaandar ang sasakyan at sa loob lang ng ilang minuto ay nakaalis sila ng terminal. Laking pasasalamat ni Jorge na kaagad siyang nakasakay, pero hangga't 'di siya nakakatapak sa kanyang destinasyon ay tila hindi siya mapapalagay.

Lumipas ang tatlong oras na biyahe, pero hindi ang pangamba ni Jorge sa kakaharaping traffic. Pagdating sa may Kenon Road, bago makapasok ng siyudad, tumambad ang inaasahang pila ng mga sasakyan.

Sa bawat paghinto ng sinasakyang van, ay ang pagtakbo ng kaba sa dibdib ni Jorge. Kung gaano kabilis na nakaalis ang van ay siya namang bagal ng pagdating nito sa dapat nitong patunguhan.

Umabot sa dalawang oras ang nilagpasang traffic bago nakarating ang van sa istasyon nito sa siyudad. Pagkababang-pagkababa ay kaagad na pumara ng taxi si Jorge; inunahan na niya ang mga pababa pa lamang na mga kapwa niya pasehero. Dahil sa higpit ng pangangailangan sa mga taxi ng mga pasaherong turista ay maswerte na kung mayroong hihinto para magsakay. Kaya si Jorge nang huminto ang naparang taxi ay kaagad binuksan ang pinto at dali-daling pumasok para hindi maunahan ng iba pang nag-aabang.

"Manong sa Gibraltar po tayo." Bungad ni Jorge sa taxi driver.

"Okay po Ma'am." Tugon ng driver habang pinipindot ang metro.

Pasado alas sais na at ano pang bago? Pagdating sa Pacdal's Circle katakut-takot na traffic na naman ang dinatnan ni Jorge.

"Ma'am saan po kayo sa Gibraltar?" Tanong ng driver sa kanya.

"Ah Manong bago po mag-Good Shepherd."

"Tiis-tiis lang po tayo Ma'am, traffic po eh." paumanhin ng driver na pinatugtog na lang ang radyo.

"Ah ok lang po Manong, naiintindihan ko, sanay na ko." Mas kalmado at kampante na si Jorge. "Konting kembot na lang 'yan."

Pasasaan pa nga naman at mararating din ng pagong ang destinasyon.

Beyond The PagesUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum