Page 16

23 4 0
                                    

Dala na ang tatlong lata ng beer, bumalik si Rain sa balkonahe ng kanyang unit para samahan muli si Jorge doon.

"Na-miss ko itong Baguio," bungad ni Jorge kay Rain na lumabas mula sa pinto, "-'yong makukulay na mga ilaw ng mga gusali na parang salamin ng kalangitan sa gabi."

"Jorge o Joyce?" Bahagyang napatigil si Rain na nagsalubong pa ang mga kilay.

"Ako 'to si pretty Jorge," sagot naman ni Jorge na may kahalong kaunting kilig na mababakas sa matipid na ngiti sa kanyang labi.

"Naks, hindi pa lasing lakas na ng amats!" Naupo si Rain sa sahig sa tabi ni Jorge sabay abot ng isa sa mga hawak niyang beer. "Oh. Habang malamig pa."

"Thanks," umimik ng matabang si Jorge bago ilayo ang tingin sa kausap, "pero ayoko."

"Sige na oh. Matagal na rin kasi akong umiinom ng mag-isa kaya samahan mo naman ako," pagpupumilit pa ni Rain na binuksan na ang hawak nitong lata.

"Parang nadala na kasi ako, baka kasi may mangyari na namang hindi maganda." Hindi na napigil ni Jorge ang kinikimkim na damdamin-kumawala ang kanyang takot na tangay-tangay ng mga luhang tumulo mula sa kanyang mga mata. "Sa 'yo na lang."

"Ang k.j. naman nito oh. Nandito naman ako. Pababayaan ba naman kita?"

Gumaan ang pakiramdam ni Jorge sa mga salitang binitawan ni Rain. Maswerte ang turing niya sa kanyang sarili na sa kabila ng pag-iwas niya sa mundo ay may handa pa ring dumamay sa kagaya niya, ngunit hindi niya maiwasang ikonsidera ang posibilidad na maari ring masawa ang kanyang kaibigan sa pagtulong sa kanya lalo na kung dahil sa kanya ito'y maaring mapahamak. "Tulad niyan, nasiko pa pala kita sa tadyang kanina! Rain...hindi ko na talaga alam kung paano pa ako makakabawi sa 'yo. Ngayon kasi hindi na lang utang ang mayr'on ako sa 'yo pati na rin atraso!"

"Ito ba?" tanong ni Rain na iniangat pa ang suot na damit saka tiningnan ang pasa sa kanyang kanang tagliran. "Tapalan lang ng labi mo ito, sure na gagaling na ito kaagad."

Napaharap sa kausap si Jorge na halos lumuwa ang mga mata sa pandidiri. "Eeeeeewww!"

Humagalpak naman ng tawa si Rain sa naging reaksiyon na iyon ni Jorge. "Hindi ka naman mabiro. Ako? Asamin 'yang labi mo? Hindi 'no! Siguro nga ikaw laway na laway sa katawan ko, pero ako sa halik mo? Hindi. Hinding-hinde!"

Kahit hindi sang-ayon, tinanggap na rin ni Jorge ang paliwanag ni Rain para mapakalma na lang rin ang kanyang sarili. "Kaya mas mainam kung ikaw na lang ang lumaklak ng alak na 'yan!"

Itinulak ng nandiri na namang si Jorge ang beer pabalik kay Rain.

"Walang maiinggit." Dinampot ni Rain ang beer na galing kay Jorge at iyon ay kanyang binuksan. "Walang matatakam...sa alak at sa akin."

"Uminom ka kung iinom ka, wala akong pakealam!" Pinunasan ni Jorge ang mga bahid ng luha sa kanyang pisngi saka muling ibinaling ang tingin sa malayo. "Basta ako ipagpapatuloy ko lang ang pagtanaw sa mga ilaw."

"Para saan? Para mag-emote? Iwas-iwasan mo 'yan." Umiling si Rain habang may dinudukot sa bulsa ng kanyang pantalon. Pagkatapos ay ikinadkad ang isa sa dalawang papel na nakuha sa bulsa para markahan ng ekis ang isa sa mga pamagat ng mga akda ni Jorge na nakasulat doon. "'Blessing in Disguise' cross out! Yes naman, nahirapan din ako doon ah! Cheers!"

Iniangat ni Rain ang hawak na lata ng beer, ngunit walang naging reaksyon sa paanyayang iyon si Jorge, kaya muli na lang niyang ibinaba ang kamay. "Hays! Ano ang sabi ko sa 'yo? Iwas-iwasan mong magpaka-stress!"

"Paano nga kung hindi maiwasan...may magagawa ka ba?"

"Oo naman 'no! Ako pa? Hindi kasi dapat naii-stress ang kahit sino sa atin. " Ibinigay ni Rain kay Jorge ang listahan at ballpen. "Ilista mo sa likuran naman niyan ang mga bagay na ginagawa mo dati na gusto mong gawin sa kasalukuyan, pero hindi mo na magawa. Kahit ilan basta makakapagpasaya sa 'yo."

Beyond The PagesWhere stories live. Discover now