Page 6

66 29 25
                                    

 [Date: November 2, 2019]

Dahil sa sumamid na dahon na nagmula sa bibig ni Jorge, kaagad na kumalas si Rain sa pagkakahalik, tumalikod at saka dumura. "Pwe! Kadiri! Pwe!"

Susuka pa sana siya nang magsalita si Jorge. "Sofronio?"

Sa pangamba na baka kung ano naman ang ginagawa ni Jorge, napalingon si Rain na pinigil ang pagsuka.

"Sofronio?" muling sambit ni Jorge at kasabay nang pagharap ni Rain ay ang pagyakap nito sa kanya. "Salamat at nandito ka Sofronio!"

Naguguluhan na napaatras at napatulala si Rain habang si Jorge naman na halatang naalangan sa naging reaksyon niya ay napilitang bumitaw sa pagkakayakap.

"Fron, pa--patawarin mo ako, hindi...hindi ko gusto—hindi ko ginusto at hindi ko gugustuhin na i-deny ka sa mga press. Na...natatakot lang din kasi ako...na baka pati ikaw i-bash ng mga netizen." Nauutal na pagpapaliwanag ni Jorge sa kausap—kausap na nanlalaki na lang ang mga mata sa mga salitang natatanggap.

Isa lang ang malinaw kay Rain, hindi pa rin si Jorge ang kanyang kaharap kundi isa na namang karakter sa mga nobela nito—si Patricia ng 'When Princess Pig Meets the Prince of the Prawn' at ng sequel nitong ang 'Ang Lechon at ang Hipon.'

"Fron maniwala ka sa akin, hindi kita kinahihiya nagawa ko 'yon dahil mahal kita at dahil mahal kita kaya kita proprotektahan. Alam mo naman na ang girlfriend mo ay Miss Philippines Galaxy na ngayon, sinunod ko lang ang payo ng manager ko para na rin sa ikabubuti nating pareho. I hope you understand me. Hindi lang korona ang pinutong sa akin, kundi pati mabigat na responsibilidad din."

"Naiintindihan ko." Tanging nasabi na lang ni Rain na tila isang leading man sa mga nobela dahil sa mga kinikilos ni Jorge.

"Salamat Fron." Muli ay niyakap ni Jorge si Rain. "Salamat. Don't forget that I'll always love you... I love you."

"I—," nag-aalangan man ngunit wala namang ibang magagawa si Rain kundi ang sakyan na lang ulit si Jorge. "I-love-you-too."

Inalis ni Jorge ang pagkakayakap kay Rain para punasan ang mga luha na muli na namang umagos sa mga mata niya habang si Rain naman ay napansin na ang sumasapit nang dilim.

"Pat ok lang ako, huwag mo akong intindihin, ok lang ako, kaya huwag ka nang umiyak please." Pinahinahon muna ni Rain si Jorge at kanya ring pinunasan ang mga luha nito gamit ang kanyang mga kamay bago niya iminungkahi ang pag-uwi sa kanyang condo. "Sa ngayon doon ka na muna tumuloy sa akin, gumagabi na, hindi ko naman hahayaang bumiyahe pa ng ganitong oras ang Miss Galaxy ng buhay ko."

Sa ipinakitang ngiti na pumawi sa iyak, sa tingin ni Rain ay nakumbinsi niya si Jorge kaya siya ay tumayo at kanya na itong inaya. "Oh ano tara na?"

Tumango si Jorge na hindi pa rin makapagsalita dahil sa paghikbi. Sa takot na baka kung ano na naman ang gawin ni Jorge, pagkatayong-pagkatayo nito ay inabang na ni Rain ang kanyang mga bisig para ito ay akbayan.

Sa paglabas nila ng parke, hanggang sa makatawid sa kabilang panig ng Harrison Road, at kahit nakasakay na sa naparang taxi ni Rain, nananatiling tahimik si Jorge—pagkakataon na iyon para kay Rain na samantalahin upang alalahanin nang mabuti ang istorya ni Patricia at Sofronio. Pagkatapos ng isang anggitay, isang beauty queen naman ang kailangan niyang mapaalis sa katauhan ng kaibigan!

Sa mga sinulat ni Jorge, ang istorya ni Patricia at Sofronio ang tumatak kay Rain dahil bukod sa ito ang naging inspirasyon niya para makabalik sa pagsusulat, siya mismo ang inspirasyon ni Jorge para mabuo ang konseptong ito. Tulad din kasi nila ni Jorge, si Pat at Fron ay nagkakilala rin sa social media.

Si Patricia ay isang Pastry Chef, dahil sa uri ng trabaho kaya hindi naiwasang lumobo. Hindi matanggap ang pagtaba, pero hindi naman maiwan ang mahal na trabaho, kaya ang profile picture ay iyon pang may hubog ang katawan—sa madaling sabi hindi updated. Si Sofronio naman ay isang gym instructor, sinapo na lahat ng kakisigan, ngunit kinapos naman pagdating sa kagwapuhan. Aminadong walang ibabatbat kapag mukha na ang pinag-usapan, kaya ang profile pic na lang ay katawan.

Naging chatmates sa loob ng ilang buwan hanggang nagkasundong magkita. Sa pagkikita nakaramdam ng kuryente sa isa't isa. Si Patricia sa kagustuhan na makita pa si Sofronio pagkatapos ng kanilang date, at upang makasama ito nang mas matagal ay gumawa ng isang mahalagang desisyon—ang baguhin ang kanyang sarili at 'yon ay siyempre sa tulong ni Sofronio na isang gym instructor. Ngunit hindi lang pala pisikal na kaanyuan ni Patricia ang mapagyayaman nila, kundi pati na rin ang kanilang mga naramramdaman ay magwo-work-out din.

Hindi roon nagtatapos ang istorya, sa pagpapatuloy ng kwento sa sequel nitong 'Ang Lechon at ang Hipon' hinarap ng dalawa ang tinik sa kanilang relasyon. From fat to fit, matuturing na tagumpay ang pagpapayat ni Patricia. Sa katunayan, isang pageant trainor ang lumapit sa kanya na nag-offer ng training para maging isang beauty queen at isali sa pinakaprestigyosong pageant sa bansa—ang Miss Philippines. Hindi ito pinalagpas ni Patricia dahil iyon na ang pagkakataon niya para ibahagi ang kanyang karanasan upang maging inspirasyon sa iba.

Tutol man dahil sa takot na baka mawalan ng oras sa kanya si Patricia, mas nangibabaw pa rin kay Sofronio ang pagsuporta sa kanyang girlfriend/gym buddy na abutin ang sikreto nitong pangarap na maging beauty queen.

Sa pagkapasa ni Patricia sa pageant, hinarap ni Sofronio ang kanyang kinakatakutan. Naging puspusan ang training ni Patricia na sinundan kaagad ng siksik na schedule ng mga activities ng pageant. Dumating sa punto na nakwestiyon na ni Sofronio ang pagmamahal nito— kung minahal lang ba siya nito para lang sa pangarap at kung ginamit lang siya nito para maging maganda. Lalo pang lumaki ang lamat ng lumalaking puwang sa kanilang relasyon nang si Patricia ang tanghaling Miss Philippines Galaxy na siyang magrerepresenta ng bansa sa taunang Miss Galaxy pageant. Muli ay natanong ni Sofronio ang sarili—sila pa ba? Dahil pakiramdam niya ay nakalimutan na siya at pakiramdam niya parang siya na lang ang may nararamdaman pang pagmamahal sa kanilang dalawa.

Naputol ang pag-iisip ni Rain nang huminto na ang taxi sa harap ng Pine Cones Tower Condominium.

Sa biyaheng humigit kumulang na dalampung minuto hanggang nakababa na sa taxi at maging sa may lobby—wala pa ring kibo si Jorge. Upang malaman kung sino na ang katauhan nito, habang hinihintay pa na bumaba ang elevator, sinubukan ni Rain na tawagin si Jorge sa pangalang—"Pat?"

"Fron, ba-bakit?"

'Maliwanag! Si Patricia! Walang iba kundi si Patricia o wala pang iba kundi si Patricia.' Kaya wala ring ibang masasabi si Rain kung hindi: "Ah wala...wala. Wala, napansin ko lang na ang tahimik mo?"

Na kinontra naman ng kanyang kausap. "Eh pano tahimik ka din!"

"Hindi lang kasi ako makapaniwala na nandito sa tabi ko ngayon ang Miss Galaxy ko," pambobolang pagpapalusot ni Rain habang tinataas-baba pa ang kilay.

"Bulerong hipon!" ganti ni Jorge na may kasamang pag-irap.

"Masarap naman." Panunuksong banat ni Rain pagkatapos ay binasa pa ng dila ang kanyang labi.

"Oh sige nga kung masarap patikim." Taas kilay na paghahamon ni Jorge na napahalukipkip pa ng mga kamay.

"Oh sige mamaya iseserve ko." Pagkabitaw ni Rain ng biro ay saktong pagbukas na ng elevator. "Miss Galaxy, shall we?"

Beyond The PagesWhere stories live. Discover now