Page 11

46 21 17
                                    

"Rain...bakit? Ano ang ibig sabihin nito? Bakit mo...bakit ka nakayakap sa akin?"

Matapos madinig ang kanyang pangalan sa mga salitang ikinibo ni Jorge, dali-daling bumitaw si Rain mula sa pagkakayapos sa kanya. "Jorge? Ikaw na ba 'yan?"

Hindi maipinta sa pagtataka ang mukha ni Jorge sa sarkastikong tanong ni Rain. "Sino pa nga? Teka nga, asan ba tayo? Akala ko ba pupunta tayong 7/11? Hindi naman 'to 7/11 ah?"

"Jorge ikaw na nga 'yan!" Muling napayakap ang naaligagang si Rain na tila hindi mapalagay sa pananabik na parang matagal na panahon silang hindi nagkitang dalawa. "Jorge, salamat at ikaw na 'yan!"

"Ano?!" Napaatras si Jorge na nawi-weird-duhan na sa kaibigan. "Ano ba ang pinagsasabi mo? Nasaan na naman ba tayo?"

"Nandito tayo sa unit ko. Mahaba-habang istorya ang ikwekwento ko sa 'yo. Gusto mo kumain ka na muna? Halika ka."

"Si—sige?" Kinakabahan man at hindi sigurado kung magugustuhan ang mga malalaman, ngunit para sa kasagutan ng kanyang mga katanungan, pipiliin na lang rin ni Jorge na makinig sa mga ilalahad ni Rain. Sumunod siya sa alok nito—naupo siya sa isa sa mga silya sa dining table.

"Kumain ka?" muling paanyaya ni Rain habang nauupo sa isa pang silya. "Pasensiya ka na, 'yan na nga lang ang nakayanan ko, nagkaganyan pa...ikaw naman kasi! Babawi na lang ako sa 'yo mamaya."

"Anong ako? Ano ba ang nagawa ko?" Napakunot ng noo si Jorge habang dinadampot ang kutsara para tikman ang noodles na nasa mangkok. "Ok na sa akin 'to 'no. I'm starving na eh. Ikaw ba? Kumain ka na ba?"

"Ah oo...ok na ako. Magkwekwento na lang ako habang kumakain ka diyan." Napalunok ng laway si Rain para bumwelo. "Jorge...may ideya na ako sa mga nangyari sa 'yo na hindi mo maipaliwanag—kung paano kang napunta sa mga lugar na hindi mo namang planong puntahan tulad nga rito sa Baguio. Jorge hindi ka maniniwala...mayroon kang ibang mga pagkatao, mayroon kang mga persona Jorge!"

Nawindang sa narinig, napatigil sa pagsubo si Jorge at napabulalas. "Ano?!"

"Masiyado pang maagang konpirmahin na mayroon kang dissociative identity disorder, pero ang nasisiguro ko ay may iba ka pang mga pagkatao."

"Pagkatao? Ano naman ba 'yan?" Pagkabitaw ng tanong, ininom muna ni Jorge ang tubig sa baso na katabi ng mangkok at nang malagok saka itinuon na ang atensiyon sa kausap. "Hindi ko maintindihan?"

"Jorge ganito...ikaw 'yang nakikita ko...ikaw 'yang kaharap ko, pero itong nakikita ko maaring hindi pala ang taong inaakala ko. Maaaring ikaw ay maging hindi ikaw. Nag-iiba ka Jorge—hindi ang itsura, kundi isipan! Na-meet ko si Zelena, si Patricia, at, kanina lang, si Bernadette, pero ikaw lang ang nakikita ng mga mata ko. At alam kong alam mo kung ano ang common sa mga pangalang nabanggit ko."

"Lahat sila bida sa mga stories ko." Bahagyang napatulala si Jorge na nagtatalo sa isipan ang pagkamangha, pangamba, at pagdududa sa mga nalaman kay Rain.

"Tama ka, pero mayroon pang isa—si Joyce. Alam ko na ang pangalan ng kapatid mo ay 'Joyce' dahil sinabi mo noon, pero ang Joyce na nakaharap ko na persona mo parang hindi tumutugma malayo sa ate mo. Sabi niya katulong daw siya rito sa Baguio at ang amo niya raw ay si Angelo Urdaneta?"

"Si Joyce..." Nawala na ang mga agam-agam kay Jorge at tanging naiwan na lang ang pagkamangha. "Grabe, naniniwala na ako sa 'yo! Naniniwala na ako sa sinasabi mo na may mga...persona? Na may mga persona ako. Si Joyce...isa rin siyang main character sa isang akda ko. Siya ang bida sa kauna-unahang isinulat kong istorya—'Mutual Understanding' ang title. Hindi 'yon na-upload sa Writepad kasi hindi ko siya naipagpatuloy hanggang sa nakalimutan ko na at kaya siguro hindi ko na nabanggit sa 'yo dahil malamang din naman wala ka ring interes."

Beyond The PagesWhere stories live. Discover now