Page 15

25 7 0
                                    

Dinala ni Rain si Jorge sa isang department store. Pagkababa pa lang ng taxi ay inabot na niya kay Jorge ang tatlong libong piso. "Bilhin mo kung ano 'yung mga kailangan mong gamit, ako ang bahala."

"Rain kailangan ba talagang dito pa?" reklamo ng tila napako ang paa sa kinatatayuan na si Jorge dahil sa pagkaalangan. "Sanay naman akong mag-shopping sa mga ukay-ukay."

"Ayoko naman pagsuotin ka ng mga damit na isinuot ng ibang tao baka alam mo na...may dumagdag pa sa mga persona mo. Ako lang din ang mahihirapan." Inakbayan ni Rain si Jorge at inakay ito papasok ng department store habang isinusuksok ang perang inaalok sa bulsa ng suot nitong polo-shirt niya. "Hindi naman sa ayaw ko na isuot mo ang mga damit ko gaya ngayon, gusto ko lang na maging komportable ka."

"Ok, fine." Magkasunod na irap at buntong hininga ang idinagdag pa ng napilitang si Jorge.

Tinapik-tapik ni Rain ang kaliwang balikat ng kaibigan bago ito bitawan nang papasok na sila sa entrance ng Mall. "Huwag kang mahihiya ha."

"For the third time around: huwag kang mag-aalala kapag naka-luwag-luwag ako babayaran din kita," saad ni Jorge habang kinakapkapan na ng lady guard.

Pagkatapos namang makapkapan ng guwardiya si Rain ay kaagad niyang sinundan ang dire-diretsong si Jorge.

"Ay ayon, kaya ayaw mo rito kasi inaalala mo 'yang babayaran mo. Oh sige for the nth time around din: huwag mo munang intindihin 'yon ha, hindi naman kita sisingilin eh," nakangiting bumuwelta si Rain sa pangako ni Jorge na tinernuhan pa ng pag-angat-angat ng mga kilay. "You can spree without worry."

Hindi na kumibo si Jorge na tumingin na sa mga damit. Habang abala siya sa pamimili, hindi na rin naiwasan ng naiinip nang si Rain na mapatingin rin sa mga paninda.

Mula sa pang-araw-araw hanggang sa mga gamit pang-opisina—kompleto ang department store. Namamanghang napatulala si Jorge sa isang mannequin na nakasuot ng corporate attire habang naiisip ang karakter ng akda niyang 'Blessing in Disguise' na si Blest Janson na nagpanggap bilang isang Grace Jose para makapasok bilang isang empoleyado sa katunggaling kompanya sa planong mapabagsak iyon. 'Gaya ni Blest, pwede rin kaya akong mag-disguise sa Homecoming nang sa gayon ay hindi nila ako makilala?'

Maya-maya ay lumapit kay Jorge ang isang saleslady na kanyang naisip tanungin ng mga bagay na gusto pa niyang mahanap. "Miss do have scissors here?"

"Scissors, Ma'am? Third floor, Ma'am."

"Perfect," bulong ni Jorge sa sarili saka hinarap muli ang saleslady. "Thank you."

Sa ilang minutong paglibang ni Rain sa sarili, hindi niya namalayan na wala na sa tabi niya ang kaibigan. "Jorge?"

Inilibot ni Rain ang paningin, ngunit hindi niya ito mahagilap kaya naisipan niyang magtanong sa saleslady na nag-aayos ng paninda sa kalapit na estante. "Miss nakita mo ba 'yong kasama ko kanina?"

"Ay Sir pumunta po siguro siya ng third floor—doon po sa mga school supplies—nagtanong po kasi siya ng gunting."

"Gunting?! Aanhin niya n'on?!" Sa nalaman biglang kinutuban si Rain na baka may iba na namang nangyayari sa kaibigan—dahilan para siya ay magmadali nang hanapin ito. "Miss, salamat."

Binilisan niya ang lakad habang nagpapalinga-linga sa mga estanteng kanyang natatapatan—umaasaang baka mahanap na kaagad ang kaibigan.

Ngunit pagdating sa third floor—tulad ng sinabi sa kanya ng saleslady—hindi pa rin niya natagpuan ito. Naisip niyang tawagan ang kaibigan sa cellphone, ngunit hindi nito sinasagot. Kaya nagpatuloy na lang si Rain sa paghahanap sa iba pang mga palapag ng department store, pero siya ay nabigo.

Beyond The PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon