Kabanata 2

12.9K 250 3
                                    

"Ano ba namang mukha 'yan. Ngumiti ka nga, Sin! Mahiya ka naman kay Andres na ngirit na ngirit!"

Pilit kong ikinurba ang ngiti sa aking labi sa camera ng cellphone ni Morissa. Sa balikat ko ay ang nakapatong na braso ni Andres. Suot ang toga naming dalawa ay kinuhanan kami ng litrato ni Morissa.

"Great! Sin, bagay talaga kayo ni Andres!"

"Hindi pa ba 'yan tapos?" Naglaho ang mumunting kasiyahan namin nang sumulpot si Lola Leonora sa aking gilid. Lumingon ako kay Lola na masama ang tingin kay Andres kaya't dahan-dahan nitong inalis ang braso sa aking balikat.

Hilaw siyang ngumiti kay Lola Leonora. "Maganda gabi po, Lola," pagbati niya.

Hinatak ni Lola and braso ko. Nahihiya kong tiningnan si Andres at ngumuso bilang paghingi ng paumanhin sa ginawa ni Lola.

"Kung gano'n ay kukuhanin ko na ang aking apo. Lumalalim na ang gabi kaya kailangan na naming umuwi."

Ngumiti si Morissa at Andres kay Lola kaya naman nagpaalam na rin ako sa kanilang dalawa dahil kailangan na naming umalis. "Mauna na kami, Morissa, Andres."

Kumaway sila sa amin. "Mag-iingat kayo!"

Hindi ko na nasundan pa ang mga sumunod na nangyari nang nakalabas na kami nang tuluyan ni Lola Leonora sa campus. Hindi nawala ang bigat sa aking dibdib nang sumakay kami sa tricycle, hindi dahil sa maagap na pag-alis kung hindi dahil sa isa pang dahilan.

"Ano namang kaartehan 'yan, Claire? Kung masama ang loob mo dahil maagap tayong umalis doon, hindi mo ako masisisi. Iniingatan lang kita lalo pa't maga-alas otso na ng gabi."

Umiling ako kay Lola at humugot ng hangin. "Hindi naman po 'yon."

"Kung gano'n ano'ng problema? Nagtatampo ka ba dahil hindi kita pinayagang sumama sa outing ng kaklase mo?"

Muli ay umiling ako. Inilapat ko ang tingin sa aking cell phone at mariin iyong hinawakan. Ang mga mata ay nanlalamig, at ang dibdib ay bumibigat. Kaninang umaga lamang bago kami pumunta sa universidad ay nakatanggap ako ng mensahe kay Leandro na hindi siya makapapanood ng graduation dahil kailangan niyang pagtuunan ng pansin ang pag-aaral para sa nalalapit na midterm nila ngayong buwan.

Bagaman naiintindihan ko ang kaniyang rason, hindi ko pa rin naiwasang makaramdam ng pagtatampo lalo pa't ni hindi man lang ako nakatanggap sa kaniya ng pagbati. Huling mensahe niya ay kaninang umaga pa. Gusto ko sana siyang tawagan, ngunit naisip ko na baka masyado siyang abala, kaya't nagpadala na lamang ako ng mensahe.

Ako:

Katatapos lang ng graduation.
Pauwi na kami ni lola.

Ilang minuto ang nakalipas hanggang sa nakarating kami sa tapat ng tarangkahan ng bahay, ni isang reply ay wala akong natanggap mula sa kaniya.

Huminga ako nang malalim at pinakalma ang sarili.

Marami lamang siyang pinagkakaabalahan, Sin. Kaya hindi siya makapag-reply.

Tama. At saka hindi naman na bago ang hindi siya tumugon sa mga mensahe ko dahil ganoon naman siya kung minsan sa tuwing mayroon siyang pinagkakaabalahan na sa wari ko ay ang pag-aaral o kaya ay ang kaniyang pamilya.

"Sin, pabili ng limang babanacue."

Ibinalot ko sa papel ang mga binili ni Jonathan. Siya talaga ang pinakauna kong costumer sa tuwing naglalako ako ng paninda. Magkatapat lang kasi ang bahay nila sa amin. Ni isang beses yata ay hindi niya pinapalampas ang bumili, maliban na lamang sa mga araw na wala kaming paninda ni Lola.

"Balita ko may outing kayo ng mga kaklase mo ilang araw mula ngayon. Hindi ka sasama?" tanong niya.

Inabot ko sa kaniya ang kaniyang binili bago umiling at ginawaran siya ng maliit na ngiti. "Hindi ako papayagan ni Lola, at saka gastos lang iyon, Jonathan."

The Shattered Sinister (Costillano #3)Where stories live. Discover now