Simula

28.8K 413 22
                                    

Do villains have their own happy endings too?

Isang tanong na palagi kong ibinabato sa sarili ko simula nang mamulat ako sa pantasyang inakala kong puros mga may magagandang katapusan. Ang prinsepe ba dapat sa prinsesa lang? Kapag prinsesa ba palaging may magandang katapusan? Paano naman iyong mga biktima lang ng salitang karahasan? Nabahiran ang pagkatao kahit na hindi naman nila iyon ginusto.

Minsan naiisip ko na masyadong tagilid ang kuwento ng mga pantasya dahil palaging sa prinsesa at prinsepe umiikot ang kuwento, may masamang nilalang ang papagitan sa kanilang relasyon, reresulbahan at palaging magtatagumpay ang mga kabutihan. Paulit-ulit, walang pagbabago, nakasasawa.

Bagaman nakamamangha pa rin kapag hilaw pa ang isip mula sa reyalidad. Mapasasabi ka na nga lang talaga na sana nga lahat ng pagmamahalang nabuo ay may masayang pagtatapos, ngunit ang lahat ay pawang pandaraya lamang.

Dahil kailanman...hindi naging patas ang lahat.

"We're here." Lumingon ako kay Vroxx nang huminto ang sasakyan sa tapat ng isang three storey apartment.

Sabay kaming lumabas ng sasakyan. Sumabulong sa akin ang mapolusyong hangin ng Maynila na ikinasabog ng aking itim na buhok. Isang taon na rin simula noong nakalabas ako sa kulungan. Ang buhok kong halos umabot lang sa aking leeg ay hanggang dibdib ko na ngayon.

Binuksan niya ang compartment at kinuha roon ang aking bagahe.

"Salamat sa paghatid."

Umiling siya sa akin. "I'm still not pleased that you wanted to live here instead of the condo unit that I offered you."

Maliit akong ngumisi sa kaniya at kinuha ang bagahe ko mula sa kaniyang kamay. "Isang taon na ako sa lungga mo. Sapat na iyon para humiwalay naman ako."

Kung babalikan ko ang nakaraan, ni hindi sasagi sa isip ko na ang isang katulad niya na hindi ko lubusang kilala noon ay nandito ngayon at tinutulungan ako sa lahat para makaahon. Bagaman hindi niya pa nasasabi ang kapalit sa lahat ng pagtulong niya sa akin, alam ko na balang araw ay sisingilin niya ako sa bagay na ito. Nakahanda naman ako, anuman ang kapalit.

"Call me if you need anything. Hindi ako magdadalawang-isip na puntahan ka." Marahan niyang hinaplos ang braso ko.

Tumango ako sa kanya bago siya nagpaalam na aalis na. Pinanood ko ang paglayo ng kaniyang sasakyan bago ko muling hinarap ang apartment sa aking harapan.

Inayos ko ang suot kong asul na fitted rugged jeans at itim na fitted shirt bago tinahak ang hagdanan patungo sa ikatlong palapag. Nakita ko na ang buong loob ng apartment noong isang linggo at ngayong araw lamang talaga ako lilipat. Hindi ko tinanggapp ang alok na condo unit ni Vroxx dahil ayaw ko nang iasa pa sa kaniya ultimo ang tutuluyan ko. Tama na ang isang taon na nanatili ako sa lugar niya upang tuluyang ayusin at muling hubugin ang sarili ko at ang nasira kong pangalan.

Malawak ang three storey dahil limang silid ang naroon, ganoon din sa pangalawa at ikatlong palapag. Nasa kanang dulo ang sa akin kaya't madali kong tinahak ang pasilyo patungo roon. Dinukot ko ang susi sa aking bulsa upang buksan ang pintuan, nang napansin ko ang pagbukas ng pintuan ng katabi kong silid.

Lumabas ang isang babaeng nakasuot ng salamin, krema ang kulay ng kaniyang balat, magulong nakapusod ang kaniyang buhok, ngunit nakikita ko ang malamyos at inosente niyang hitsura. Lumingon siya sa gawi ko ngunit nag-iwas at naglakad din patungo sa may hagdanan.

Hindi ko na lamang iyon pinansin at muling inabala ang sarili sa pagbukas ng pintuan ng apartment. Kita na kaagad ang maliit na sala sa parteng kanan. Wala pang mga gamit doon dahil ngayong linggo pa lamang ako nagbabalak na bumili. Sa may dulo na katapat ng main door ay ang maliit na pasilyo patungo sa pintuan ng banyo, at ang katabi nitong pinto sa kanang gilid naman ay ang pintuan ng kuwarto na katabi lang ng sala; sa kaliwa kong bahagi ay ang katamtamang laki ng kusina.

Inilagay ko ang bagahe sa gilid at isinalampak ang sarili sa marmol na sahig. Humingi ako nang malalim.

Hindi sapat ang isang taon ko para matutunan ko ang mga bagay-bagay na itinuro sa akin ni Vroxx. Ngunit kahit papaano, masasabi kong mas naging matatag ang kompiyansa ko ngayon, pisikal man o emosyonal. Si Vroxx ang tumulong sa akin simula nang nakalabas ako. Nagbigay ng matutuluyan, pagkain at kagamitan. Masyadong malaki ang naitulong niya hanggang sa punto na nakahihiya na kaya naisip kong bumukod. Hindi naman talaga ako lubusang umaasa sa kaniya dahil kahit papaano ay nagkaroon ako ng ilang mga trabaho sa nagdaang taon para tustusan ang sariling pangangailangan, pero hindi ko maipagkakailala na dahil din iyon sa kaniya.

Mahirap noong simula dahil sa pangalan kong nabahiran, ngunit nagawan niya iyon ng paraan para hindi ako lubusang mahirapan.

Alam kong hindi ito ang tamang daan para maayos ang lahat, ngunit pagod na akong tingnan ang liwanag kung saan ako nanggaling, dahil sa huli, wala iyong naidulot sa akin kung hindi ang daan patungo sa dilim.

Wala nang saysay kung patuloy kong aaluin ang sarili ko; hindi niyon kayang ibalik ang limang taon kong nasayang sa kulungan, lalong-lalo na ang dignidad kong nasira nang tuluyan.  

Para ito sa taong sumira sa akin.

Ngayon, ako mismo ang tuluyang sisira sa lahat ng mayroon siya.

Tinutop ko ang aking bibig habang nakatayo sa harap ng matayog na gusali. Inangat ko ang aking tingin at tiningnan ang naka-bold na letra ng kompanyang hindi ko inakalang matatapakan ko balang araw.

COST Group.

Suot ang itim na takong, itim na pencil skirt, at fitted white button top—ang aking buhok ay nakapusod at nakapahinga sa kaliwa kong balikat—hawak ang brown envelope kung saan nakapaloob ang mga peke kong dokumento, huminga ako nang malalim sa kaba na nagsisimulang sumibol sa aking dibdib. Lumunok ako nang isang beses para ibsan ang bigat ng dibdib.

May parte sa akin na gustong umatras, ngunit mas nangingibabaw ang kagustuhan kong makamit ang hustisya na gusto ko para sa sarili.

Hindi biro ang gagawin ko, alam ko iyon. Malalaking tao ang puwede kong banggain. Kayanga halos isang taon ko itong pinaghandaan. Ngayon, wala nang makapagpapabago sa isip ko. Sisiraan ko ang lahat ng mayroon si Leandro. Ano man ang nangyari.

Ngunit hindi ko inakala, na sa pagtapak ng mga paa ko sa lugar na iyon...ay ang siyang pagsibol ng mga panibagong talutot na dinurog ng nakaraan.  

The Shattered Sinister (Costillano #3)Where stories live. Discover now