Kabanata 12

8.7K 208 25
                                    

Inilibot ko ang aking paningin sa buong silid. Napakurap-kurap ako nang makita na sa iisang kama lamang ang naroon. May sofa naman akong napansin sa paanan ng kama katabi ng pintuan; hindi ganoon kahaba pero kung katulad ko ang gagamit doon, tiyak na magkakasya. Sa kanang bahagi ay ang daanan patungo sa malawak na veranda na tanaw ko mula rito. Sa kaliwa kong bahagi ay may lamesa, dalawang upuan at cabinet, sa bandang dulo ay isang pinto na sa tingin ko patungo sa banyo.

Tumikhim ako at pumasok na sa loob. Dumiretso si Hayes sa may bintana upang buksan ang kurtinang nakatabing doon. Kinagat ko ang aking labi at piniling maupo sa sofa, yakap-yakap ang aking bag.

Ngayon ko lamang napagtanto na masyado palang maagap ang dating namin dahil mamayang dinner pa naman namin kikitain ang kliyente ni Sir Hedius.

Ano'ng gagawin namin habang naghihintay kami na dumating ang gabi?

"Gutom ka na?"

Nilingon ko si Hayes at nakitang sinusuklay niya patalikod ang kaniyang buhok gamit ang kaniyang mga daliri. Nadepina ang muscle niya sa braso dahil sa kaniyang ginawa na hindi ko nakaligtaang pansinin.

Talaga bang kasama ko siya sa iisang kuwarto?

"Sin."

"Oh?" Umayos ako ng upo nang magsimula siyang humakbang palapit sa akin.

Umangat ang sulok ng kaniyang labi matapos makita ang reaksiyon ko. "Are you hungry? May malapit na restaurant sa labas. Or do you want to just eat here? We can order food if you want. Ano'ng gusto mong kainin?"

Tinangala ko siya. "Uh. . .ikaw ang bahala, Attorney. Kumakain naman ako ng kahit ano."

Kung lalabas kami ng suite, okay lamang sa akin, at kung o-order naman siya ng pagkain, ayos lang din sa akin para naman makapagpahinga siya sa ilang oras na pagmamaneho; siya naman ang gagastos para sa aming dalawa, kaya dapat kung ano'ng gusto niya, ang siyang masusunod.

"We'll eat at the restaurant then. Is that okay?"

Tahimik akong tumango "Okay, pero maagap pa; maya-maya na lamang siguro."

"Anytime you want, Sin."

Nagpaalam si Hayes na lalabas muna dahil may kailangan pa siyang tawagan. Ako naman ay tumungo sa veranda para damahin ang malamig na simoy ng hangin at tanawin ang ilang mga establisyemento na nasa labas.

Bandang alas onse medya nang bumalik si Hayes para tawagin ako na kailangan na naming kumain. Tinanong niya pa ako kung saang restaurant ko gusto, pero dahil sa hindi ako pamilyar sa lugar ay siya na ang pinapili ko.

"I can tour you around if you want. Mamaya pa naman tayong alas syete aalis," suhestiyon niya.

Dahil sa wala naman ibang gagawin ay pumayag na lamang din ako. Mukhang maganda ngang mamasyal ngayon dahil hindi ganoon kainit sa labas. Mukha pa ngang uulan dahil medyo makulimlim.

Sakay ng kaniyang sasakyan, wala pang dalawampung minuto nang huminto iyon. Inilibot ko ang tingin sa paligid nang makalabas kami. Hindi ko alam kung saan niya ba ako dadalahin dahil siya ang may alam ng lugar, hanggang sa huminto kami sa tapat ng isang malaking gate na may nakasulat na Burnham Park.

"Let's go." Hinatak niya ako papasok doon.

Doon ko napansin ang mga mga tao na sa tingin ko ay turista rin ang iba. May iba na abala sa pagkuha ng litrato, at ang iba naman ay mga namamasyal lang talaga katulad namin ni Hayes.

"There's Burnham Lake." Muli niya akong hinatak hanggang sa nakarating kami sa lugar na sinasabi niya.

Halos mapasinghap ako sa ganda ng tanawin doon. Isang lawa na napalilibutan ng mga berdeng puno at mga halaman. May mga turista akong nakita na mga nakasakay sa tourist boat at mukhang ninanamnam din ang ganda ng paligid.

The Shattered Sinister (Costillano #3)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora