Kabanata 5

10.4K 253 8
                                    

Mabibilis ang mga yabag ko nang nakalabas ako sa apartment. Hindi ko inasahan ang babaeng biglang nagbukas ng kaniyang pintuan dahilan para magkasalubong kaming dalawa.

Parehas kaming napaatras sa isa't isa nang nabitawan niya ang mga libro at papel na kaniyang hawak.

"S-Sorry. Hindi ko namalayan na daraan ka," ani niya at sinimulang pulutin ang mga iyon.

Yumuko ako at tinulungan siya. "Ayos lang. Pasensiya na rin, pero kailangan ko na munang mauna sa 'yo."

Mabilis kong iniabot sa kaniya ang mga librong nalaglag bago nagmadaling lumakad patungo sa hagdanan at umalis sa apartment. Pumara ako ng masasakyan patungo sa kompanya.

Hindi ako mapakali sa kalagitnaan ng biyahe. Nakailang sabi na ako sa driver ng taxi na bilisan ang pagmamaneho, pero inabot pa kami ng trafic sa kalagitnaan ng EDSA!

Hindi naman siguro seryoso si Attorney sa sinabi niya na tanggal na ako. Ni hindi pa nga ako nagsisimula! At isa pa, unang araw pa lamang naman!

Nagkukumahos kong isinarado ang pintuan ng sasakyan nang tuluyang nakarating sa mismong lokasyon. Ni ang pagtabing ng nakalugay kong buhok sa aking mukha dahil sa paghampas ng hangin, ay hindi ko inalintana dahil sa pagmamadali. Hindi ko na inisip kung saan ako pupunta. Ang sabi ay ako ang magiging sekretarya ng Chief Executive Officer, kaya imbis na tahakin ang daan patungo sa three-story building kung nasaan ang opisina ni Hayes, ay mas pinili kong diretsuhin ang daan patungo sa main building.

Binati ako ng guard nang pinagbuksan niya ako pintuan, ngunit ni hindi ko iyon nagawang ibalik dahil madaling humakbang ang mga paa ko patungo sa front desk.

"Sinclaire!"

Huminto ako at lumingon sa aking kanang bahagi. Nagulat pa ako at napaawang ang bibig nang napagtanto kong si Mabby iyon. Hindi katulad ng suot niya kahapon na itim at hapit na bestida, ngayon ay naka-pencil skirt siyang gray kapares ng gray niyang coat. Maayos din na nakapusod ang kaniyang buhok.

"Mabby." Lumipad ang paningin ko sa hawak niyang platito na pinapatungan ng isang tasang kape.

"Natanggap ka rin?" bakas ang saya sa kaniyang boses. Tumango ako. "Gosh! Akala ko hindi ako makapapasok dito, pero pinabalik ako kahapon. Dito ako in-assign sa front desk. Ikaw?"

Ngumiti ako nang maliit sa kaniya. "Secretary." Tumango siya. Hindi naman nawala ang tingin ko sa kape na kaniyang hawak. "Kanino 'yan?" inginuso ko ang tasa na kaniyang hawak.

"Ah, para sa CEO, kay Sir Hedius—"

"Ako na r'yan." Madali akong lumapit sa kaniya at kinuha ang platito at tasa. "Ano'ng floor?"

"Iyong pinakahuli."

Tumango ako at tinalikuran siya kaagad matapos iyon. Narinig ko pang tinawag niya ako, ngunit hindi ko na pinansin pa dahil madali kong hinanap ang lokasyon ng elevator.

Hindi ko kabisido ang pasikot-sikot sa building, kaya't nang tumunog ang elevator sa pinakahuling palapag ay kinailangan kong maghanap ng mapagtatanungan. May lalaki akong napansin na may hawak na mop sa may hindi kalayuan, kaya't nagmadali akong tumungo roon.

"Uh, excuse me po. Saan po ba rito ang opisina ng chief executive officer?"

Umangat ang tingin nito sa akin. "Ah, diretsuhin mo lamang iyang kaliwang pasilyo, pagkatapos kumanan ka. Iyong malaking itim na dalawahang pinto, iyon ang opisina niya."

Nagpasalamat ako rito at isinaulo ang direksiyon na kaniyang itinuro. Roon ko nga nakita ang malaking itim na pintuan na sinasabi niya. Nasa tapat na ako niyon nang humugot ako ng hangin at naisipang kumatok.

The Shattered Sinister (Costillano #3)Where stories live. Discover now