Kabanata 40

12K 229 36
                                    

Kabababa ko pa lamang sa sasakyan ni Hayes nang matigalan ako. Napansin ko si Hamilton na naghihintay sa labas ng aking apartment. Kaagad itong napaayos ng tayo nang makita ako, ngunit huminto rin siya nang makita ang paglabas ni Hayes sa sasakyan.

"Sin. May. . .kasama ka pala," bakas ang hesitasyon sa kaniyang boses.

"Uh, oo." Napakamot ako sa aking batok nang lumapit sa akin si Hayes at inakbayan ako.

"Who's he?" bulong niya sa akin.

Ramdam ko ang panunuri ng tingin sa amin ni Hamilton. Napangiwi na lamang ako. Paano ko ba ipaliliwanag ito kay Hamilton? Ang weird naman kung sasabihin kong asawa ko si Hayes, e noong umalis ako kanina lamang, ni boyfriend wala ako! Wala kasing alam si Hamilton tungkol kay Hayes dahil hindi ko iyon naikuwento sa kaniya.

"Uh. . . Hayes, si Hamilton, kaibigan ko," pakilala ko. "Hamilton, si Hayes. . . Asawa ko."

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko, kulang na lamang ay masamid ito sa sarili nitong laway dahil sa pagkagulat. "A-Asawa? Akala ako ba. . ."

"Mahabang kuwento, Hamilton."

Tipid siyang ngumiti sa akin bago siya naglahad ng kamay kay Hayes. "Nice to meet you, sir."

Malugod iyong tinanggap ni Hayes nang may tipid na ngiti sa labi, ngunit matapos iyon ay binalot kaming tatlo ng katahimikan. Malamang takang-taka na ngayon si Hamilton sa mga nangyayari. Kaya naman bago pa kami daanan ng uwak sa sobrang awkward ng paligid ay pinauna ko na si Hayes na pumasok sa apartment ko.

"Mag-uusap lang kami," ani ko. Nahinuha ko ang kagustuhan niyang manatili, ngunit nang pinandilatan ko siya ng mga mata ay sumusuko siyang napabuga ng hangin.

Naningkit ang mga mata niya bago ako tahimik na binantaan, "I'm watching."

Napaikot na lamang ang mga mata ko bago ko sinenyasan na lumayo na.

Nang kami na lamang ni Hamilton ang naroon ay roon pa lamang ako nakahinga nang maluwag. Hindi ko alam pero sobrang bigat ng tensiyon kanina noong nandito si Hayes.

"Ano nga palang ginagawa mo rito?" panimula ko ng usapan.

"Ah, si Chesca kasi. Gustong akitin ka na maghapunan sa bahay, pero mukhang. . ." sumulyap siya sa gawi ni Hayes na nakasandal sa pintuan ng apartment ko; nakahalukipkip at matalim ang tingin sa amin. Ang sabi ko pumasok siya sa loob! "Busy ka yata. . ." mahinang ani niya.

Napakagat ako sa pang-ibaba kong labi, dahil kahit hindi niya ako tanungin ngayon, kitang-kita ko sa mga mata niya ang kaguluhan. "Pasensiya na, hindi ko nasabi sa 'yo. Siya iyong anak ng may ari ng COST kung saan ako nagtrabaho noon." Humugot ako ng hangin para makakuha ng lakas ng loob. "We had a relationship, nakipaghiwalay ako sa kaniya bago ako umalis sa Maynila at magtungo rito. Masyadong mahirap ipaliwanag kung paanong humantong kami sa ganito, pero sana maintindihan mo."

Hindi man niya ipahalata, hindi pa rin nakaligtas sa akin ang lungkot na sumibol sa kaniyang mga mata na tinabunan niya ng isang mapait na ngiti. "Naiintindihan ko. Hindi naman ako obligado na alamin lahat ng tungkol sa 'yo. Mabait ba siya sa 'yo?" tanong niya na may halong pag-aalala.

Lumipad ang mga mata ko kay Hayes na ngayon ay mukhang sinisilaban na ng apoy sa kunot niyang noo at sa nakabalandrang iritasyon sa kaniyang mukha nang may kung ano'ng hinampas siya sa kaniyang braso.

Napangiti ako nang wala sa oras. "Sobra. . ."

Matapos makapagpaalam sa isa't isa, at humingi ng paumanhin dahil hindi ko mapauunlakan ang hapunan na hinihingi ng kaniyang anak, kaagad na rin akong tumulak patungo sa kinatatayuan ni Hayes. Ngunit bago pa ako tuluyang makalapit sa kaniya ay siyang paghilot ko sa aking sentido sa kusang sumulpot na si Lorraine.

The Shattered Sinister (Costillano #3)Where stories live. Discover now