Kabanata 1

20.7K 324 17
                                    

Sa edad na labing walo, isang bagay lamang ang pinangarap ko: ang mabigyan ng magandang buhay ang pinakamamahal kong si Lola Leonora. Simula pa lamang kasi pagkabata ay siya na ang nagpalaki sa akin. Maagang namatay si Papa dahil sa sakit sa puso; ang totoo kong ina naman ay namayapa matapos niya akong ipanganak, kaya sa huli ay kay Lola Leonora ako naiwan na siyang ina ni Papa.

Siya lamang ang mayroon ako; siya lamang ang rason sa lahat ng pagpupursige ko sa buhay; siya lamang ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, patuloy akong nangangarap ng magandang buhay na siyang ipinangako ko sa kaniya.

Hanggang sa siya'y dumating.

"Sumama ka na kasi! Sa Country Village lang naman iyon. Sure akong papayagan ka ng lola mo. Celebration naman natin iyon para sa graduation natin, Sin."

Kinuha ko ang ginamit kong mop. Si Morissa ay nasa gilid ko at naghihintay ng aking sagot. Napakamot ako sa aking batok.

"Hindi nga ako puwedeng gabibin. Magagalit sa 'kin si Lola." Sa susunod na linggo na ang graduation naming mga Grade 12. Ang balita ay may outing ang buong ABM strand dahil iyon ang magsisilbing selebrasyon bago kami magkahiwa-hiwalay ng landas sa kolehiyo.

"O e di pang-araw ka lamang. Hindi naman required na mag-stay over night. Para lamang sa mga may gusto."

Isinabit ko sa aking balikat ang strap ng aking shoulder bag. "Wala akong pang-entrance at pag-ambag, Morissa. Marami akong pinag-iipunan ngayon." Hindi naman ako katulad nila na palaging may madurukot sa bulsa sa tuwing gusto nilang magpunta sa kung saan.  

Scholarship ko na nga lamang ang nagpapasok sa akin dito sa Northern Central Academy, at hindi na sigurado kung makapapasa ako sa kapatid nitong university na Northern Central University sa susunod na pasukan.

Ngumuso siya sa akin. "Libre ka raw ni Andres, 'di ba? Sinabi niya last week na siya ang bahala sa 'yo."

"Tumanggi ako."

"What?! Bakit?" Sinundan niya ako nang nagsimula akong maglakad papalabas ng classroom bitbit ang mop at timba.

"Hindi ako sasama, Morissa. Hindi mo ako mapipilit, pasensiya na." Hindi niya na ako sinundan pa matapos iyon kaya't nagpatuloy ako sa paglalakad sa pasilyo, hanggang sa nakababa ako sa ground floor.

"Sin!" Ang tumatakbong si Andres ang sumalubong sa akin nang tumunghay ako. May dala itong bola ng basketball,  nakaipit sa kaniyang braso at tagiliran. Malawak ang ngiti sa kaniyang labi nang lumapit sa akin. "Ano? Nakapagpaalam ka na kay Lola Leonora?"

Umiling ako at ginawaran siya ng tipid na ngiti. "Salamat sa pagmamagandang loob, Andres, pero hindi talaga ako sasama."

Nanlumo ang kaniyang hitsura. "Ganoon? Ayaw mo ba talaga? Sin, masaya 'yon. At saka huli naman na e."

Muli akong umiling sa kaniya. "Sorry, Hindi talaga puwede."

Bumagsak ang kaniyang balikat. Tumango siya sa akin bilang pagsuko. "Kung 'yan ang gusto mo, hindi kita pipilitin. Pauwi ka na?"

"Oo, ibabalik ko lamang ito sa stock room." Inangat ko ang aking hawak.

Tumango siya sa akin kaya't nagpaalam ako sa kaniya na mauuna na ako. Dumiretso ako stock room, pagkatapos ay pumunta sa banyo upang pansamantalang makapag-ayos ng sarili. Katatapos lang ng graduation practice namin kanina, kaya naman medyo nagulo na ang aking buhok nang humarap ako sa salamin.

Kumuha ako ng pulbo at suklay sa bag ko at sinimulang suklayin ang itim at hanggang dibdib kong buhok.  Hindi katulad ng iba, natural na bagsak ang v-shape kong buhok. Naalala kong si Lola Leonora ang madalas mag-alaga ng buhok ko noon kaya't hanggang ngayon ay napananatili ko ang ganda nito. Purong itim ang mga malalalim kong mga mata na kasing kulay ng aking mga maaamong kilay, maliit at may tamang tangos ng ilong; may mapupulang mga labi na medyo may kakapalan ang pang-ibaba, at ang mala-pusong hugis ng aking mukha.

The Shattered Sinister (Costillano #3)Where stories live. Discover now