Six

1.7K 21 1
                                    

HUMAHANGOS si Marifa nang dumating sa kanilang opisina. Napapasok siya nang di oras sa trabaho matapos aksidenteng makapagsend ng friend request kay Benj. Pinuntahan niya kaagad si Jastin sa may cubicle nito. Nakita niya itong nakaharap sa may laptop nito at nanonood ng make-up tutorials.

"Jas!" pukaw niya rito saka aligagang ipinatong sa may table nito ang dala niyang mga gamit. "Huy, Jas!"

"O, bakit ba?" sikmat nito na hindi man lamang siya nagawang sulyapan. "Mamaya mo na ko chikahin pwede? Nagcoconcentrate ako rito, eh."

"Nasaan yung cell phone mo?" aniyang hindi pinansin ang naunang pahayag nito. "Pahiram ako, dali!!!"

Nang hindi ito kumilos ay siya na ang nagkusang maghanap ng cell phone nito. Nakita niya iyon sa ilalim ng ilang folders na nakakalat sa may table nito. Dali-dali niya iyong kinuha. Binuksan niya ang facebook app nito sa phone. Hindi katulad niya ay libangan nito ang paggamit ng naturang social media site kaya naman lagi itong may pang-mobile data para mabuksan iyon. Nag-login siya sa sariling account para sana i-cancel ang friend request na aksidente niyang naisend kay Benj subalit natigilan siya nang makita ang notification na naghihintay sa kaniya. Bigla siyang kinabahan. For some reason, parang may kung anong nag-udyok sa kaniya na i-check iyon. Nawalan siya ng kulay sa mukha nang makita ang nilalaman ng naturang notification: Joseph Benjamin Buencamino accepted your friend request.

"Shit!" mura niya. Napalakas iyon kaya naman nagtinginan sa cubicle ni Jastin ang mga kasamahan nila sa trabaho na nasa office nang mga oras na iyon. Pero mistulang hindi niya iyon napansin. "Shit! Ugh! Shit!"

"Bruha ka, anong problema mo?" nawiwindang na sikmat sa kaniya ni Jastin na napilitang i-pause ang pinapanood na video. "Ang aga-aga loka-lokahan ka riyan!"

Gusto niyang maglupasay sa sahig. Sinulyapan niya si Jastin. Ihinarap niya rito ang screen ng phone nito kung saan nakabalandra ang naturang notification.

"So, in-accept ka nitong kung sino mang Benjamin 'yan," anito na muli nang itinuon ang paningin sa harap ng screen ng laptop. "Anong minumuryot-muryot mo riyan?"

"Besh, this Benjamin..." tugon niya rito na animo'y pinagbagsakan ng langit at lupa. "Siya yung sinasabi ko sa'yong lalaking gusto ko na nambasted sa'kin noong college!"

"Letse ka, bakla!!" nalolokang naibulalas nito ngunit agad ding natutop ang bibig. "Bakit mo in-add?!"

"H-hindi ko sinasadya!" depensa niya. "I was just checking his profile nang biglang dumating yung room—"

Hindi na niya nagawa pang ituloy ang kaniyang sinasabi nang biglang pumasok ng office ang kanilang head. Nag-announce ito ng isang biglaang meeting. Nagmamadali naman na nagsilabasan sa kani-kanilang cubicle ang mga kasamahan nila.

"Mamaya na natin pag-usapan," sabi sa kaniya ni Jastin na dali-dali nang iniligpit ang mga gamit. "Naku, loka ka, masasabunutan talaga kita!"

CONFESSIONS TO BENJAMIN [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon