Kabanata 1

18.9K 531 93
                                    

"Lucing!"

Napangiwi ako nang narinig ang mabantot kong palayaw. Sa tinis pa lang ng boses nito ay kilalang-kilala ko na.

Kaagad akong lumabas ng kusina matapos kong maghugas ng plato. Sinalubong ko sa labas ng apartment si Aling Tini. Mula sa suot nitong checkered na duster na lampas sa tuhod nito ay kitang-kita ko kung gaano katuwid at kaliit ang katawan ng ginang.

Lumapit siya sa akin habang salubong ang kilay. Umangat ang aking mga kilay. May nakarolyo pang pangkulot sa kaniyang bangs na bitin sa kaniyang guhit na kilay.

"Huwag mo akong pagtaasan ng kilay! Baka nakalilimutan mong hindi pa kayo nakakabayad—" Itinapal ko sa mukha niya ang walong libo na dinukot ko sa aking short.

"O, h'wag abuso. May limandaan pa akong sukli r'yan," wika ko habang nanlalaki ang kaniyang mata; hawak-hawak ang pera.

Umirap siya sa akin bago dumukot sa bulsa ng kaniyang duster. "O, ayan!" Inilapag niya sa palad ko ang limandaan. "Mabuti naman at nagbayad ka na, dahil kung hindi palalayasin ko talaga kayo rito ni Rius!"

"Sus. Para namang may magtitiis na iba rito sa apartment niya."

"May sinasabi ka?"

"Mayroon, Aling Tini. Bakit?"

Umirap ito sa akin bago ipinaypay ang pera sa kaniyang mukha at tuluyang umalis. Napahalukipkip na lang ako at umiling.

Totoo naman kasi! Kami na lang yata ni Rius ang nagtatiyaga rito sa apartment niya. Bukod sa sobrang init na parang sinisilaban lalo na kapag summer, ay tuluan naman ang bubong kapag tag-ulan. Kung hindi pa nagpumilit si Rius na ayusin iyon ay talagang magiging basang sisiw kami sa loob.

"Sino'ng kasigawan mo r'yan?"

Naramdaman ko ang presensya ni Rius sa aking likuran. Humarap ako sa kaniya at nagkibit-balikat. "Si Aling Tini, naningil—" Nanlaki ang mata ko nang napansin ko ang mabula niyang kamay; hawak-hawak ang bra kong nilalabhan niya.

"Papa Rius!"

"Peste! Pumasok ka nga ro'n!" Ipinagtulakan ko siya papasok sa loob ng apartment nang narinig ko ang boses ni Berto.

"Teka—"

Napamura ako nang nabitawan niya ang bra ko at nahulog sa sahig. Putik talaga! Bakit pa kasi dinala niya rito iyan?

"Bilisan mo nga!"

Nagmadali siyang tumakbo patungo sa may likuran ng apartment.

"Lucing!" Isa pa itong Berto na 'to! Bago pa siya tuluyang makalapit ay pinagsarahan ko na ito ng pintuan.

Napahilot ako sa aking sentido at nagpunta sa likod ng apartment kung saan naglalaba si Rius. Umagang-umaga umiinit ang ulo ko! Wala siyang pang-itaas na suot kaya naman kitang-kita ko ang matipunong kurba ng kaniyang likod na pinagnanasaan ni Berto at ng mga kababaihan dito sa lugar namin.

"Ito ba 'yong nahablot mo sa mall?" Bumaling sa akin si Rius at iniangat ang bra kong itim na nasira niya ang strap kahapon.

"B'wiset ka talaga! Akin na nga 'yan! At saka hindi ko 'yan hinablot ha!"

Humalakhak siya nang sinubukan ko 'yong agawin sa kaniya. Nahablot ko naman 'yon kaagad.

"Hayaan mo, ibibili kita ng bago," halakhak niyang saad kaya inihampas ko sa kaniya iyon. Buwiset talaga!

"Pangalawang sira mo na 'to!" Iyong una kasi ay sumabit sa kawad ng sampayan. Kaya paghiklas niya ay biglang nawarak. Nakakainis!

Siya ba ang ipinagmamalaki ng mga baklitang patay na patay sa kaniya? Psh.

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Where stories live. Discover now