Kabanata 7

10.5K 343 35
                                    

Medyo may kalayuan ang bahay nina Tita Asunscion ngunit malapit-lapit iyon sa Waterpark. Halos aabutin ng isang oras ang biyahe mula sa airport kaya kinailangan pa naming bumayahe ni Rius.

Ang pamilyar na bakal na gate na medyo kinakalawang na ang bumungad sa akin nang tuluyan kaming nakarating ni Rius. Hindi pa kami tuluyang nakalalapit nang natanaw ko na si Anna at Ethos na naghihintay sa amin. Hindi na ako nakapaghintay at napatakbo sa kanila.

"Inday! Ethos!" Napukaw ko ang atensiyon nilang dalawa kaya parehas silang bumaling sa akin.

"Ate!" sabay nilang sigaw at sinalubong ako ng mahihigpit na yakap.

"Na-miss ko kayo. Nandiyan ba sina Tita?"

"Nasa loob sila. Hi, Kuya Rius!"

Naramdaman ko ang paglapit ni Rius sa aking likuran na malawak ang ngiti sa labi. Akmang lalapit na si Anna upang salubingin ng yakap si Rius ngunit mabilis kong hinigit ang kuwelyo niya.

"Oh! Oh! Hanggang d'yan ka lang kung ayaw mong singilin kita ng five hundred!"

Ngumuso si Anna habang narinig ko naman ang pagtawa ni Rius.

"Ang damot mo naman!"

"Hayaan mo na. Na-miss ko rin naman ang mga 'to," si Rius at siya na mismo ang lumapit sa dalawa upang salubungin ito ng yakap.

"Ketams? Ang bango-bango pa ni Kuya Rius!"

Halos kurutin ko sa singit si Anna dahil halos isubsob nito ang mukha sa dibdib ni Rius.

Sige lang! Wala kang iPhone 11 sa 'kin!

Tumunghay ako kay Rius na ngumisi lang naman sa akin. Umirap lang ako.

"Mama! Si Lucing nandito na!"

Halos mapangiwi ako sa boses ni Alicia. Ito ang panganay na anak ni Tita Asuncion.

Halos magkasing-edad lang kaming dalawa, pero hindi kami ganoon ka-close dahil masyado siyang nagmamaldita sa tuwing nandito ako. Tuluyang lumabas mula sa loob si Tita Asuncion kasama ang asawa nitong si Tito Cario.

"Ano pang ginagawa niyo r'yan? Magsipasok na kayo rito." Kaagad kaming pumasok sa loob ng gate dahil doon, hindi ko pa naman gusto kapag nagsusungit si Tita.

"Hi, Rius! Tulungan na kita r'yan." Sumulyap ako kay Alicia na lumapit kay Rius na may dalang malalaking eco bags. Tumingin ako sa mga dala ko. So, ano ito? Invisible at iyong kay Rius lang ang napansin niya?

"Hindi na. Iyong kay Lucy na lang siguro."

Sumimangot si Alicia bago bumaling sa akin. "Akin na 'yang dala mo!" Bigla niya sa aking hinablot ang isang eco bag na aking hawak bago siya nagmartsa papasok sa loob. Puros mga panghanda iyon sa Pasko at Bagong Taon pati na rin ang mga kagamitan sa bahay na kailangan nila.

Umiling ako. Ang attitude talaga. Alam ko naman na may gusto siya kay Rius, pansin ko na iyon dahil alam ko kung paano siya magpapansin.

"Ang dami n'yong dala ah. Ano, Lucy? Totoo bang bigatin ka na ngayon? Aba, dapat lang na palaging ganiyan. Namatay lang si Castro kumirengkeng na naman 'yang magaling n'yong ina! Iniwan pa kayo rito! Utang na loob n'yo man lang sa pagpapatira ko rito sa mga kapatid mo," si Tita Asuncion nang tuluyan kaming nakapasok sa kabahayan nila. Hindi ko naiwasang mapayuko dahil doon.

"Ano ka ba naman, Asuncion. Dapat nga tayong magpasalamat dahil kahit papaano ay nagbibigay sa atin si Lucy," sabat ni Tito Cario at sumulyap pa sa akin upang gawaran ako ng ngiti.

Ngumiti lang ako nang pilit at kaagad na umiwas ng tingin. Hindi ganoon kalaki ang kanilang bahay. Pagpasok pa lang ay ang kanilang munting kabahayan na kaagad ang bubungad. May maliit na sofa at kahoy na lamesa sa harapan ng TV. Semento lang ang kanilang sahig na pinatungan lang ng floor mat. Tatlo lang ang kuwarto na mayroon sila, ang isa ay para sa mag-asawa, ang pangalawa ay kina Anna at Alicia, habang ang pangatlo naman ay para kay Ethos at sa bunsong kapatid na lalaki ni Alicia.

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Where stories live. Discover now