Kabanata 13

9.3K 322 45
                                    

Dati palagi kong tinatanong si Mama kung paanong nangyari na wala akong ama, na bunga ako ng isang gabing pagkakamali. Ilang beses kong tinanong kung ano ang pangalan at hitsura ng papa ko, ngunit ang palagi niyang sinasabi sa 'kin ay hindi niya alam, na magpasalamat na lang ako dahil sa kabila nang pag-iisa niya sa pagtataguyod sa akin noong ipinagbubuntis niya ako ay hindi niya ako ipinalaglag.

Naging kontento naman ako; hindi ako nagreklamo lalo na't tinanggap siya ni Tito Castro kahit pa may anak na siya sa ibang lalaki. Grade Six ako noon nang inatake sa puso si Tito Castro; bata pa sina Anna at Ethos; dead on arrival sa hospital kaya hindi maipinta ang mga nararamdaman namin ng mga oras na iyon.

Mag-isa kami ni Mama na itinaguyod simula noon; hindi katulad ng ibang ina, hindi si Mama malambing sa aming magkakapatid. Palaging tagos sa puso ang mga salitang ibinabato niya sa akin sa tuwing sinisisi niya kami kung bakit sa isang iglip ay nalugmok kami sa kahirapan. May mga panahon pa nga na hindi siya umuuwi nang ilang araw, kaya kung minsan ay nagtitiis na lang kami sa gutom ng mga kapatid ko.

Nakatapos ako ng elementary, tumuntong ng high school, ngunit pagtapak ko ng Grade 10 ay iniwan niya kami nina Anna at Ethos para sa ibang pamilya. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa akin ang mga kataga na ibinato niya bago siya umalis.

"Mama! H'wag mo kaming iwan! Mama! Magpapakabait na po ako, hindi na po ako sa inyo hihingi ng kahit ano! Mama!" 

Pinanood kong yakapin ni Anna si Mama mula sa likuran habang patuloy sa pag-agos ang mga luha ko, sa aking gilid ay si Ethos na mahigpit kong yakap-yakap.

"P'wede ba, Annalisa! Bitawan mo nga ako! Puro kamalasan na lang ang dala n'yo sa buhay ko! Hindi ito ang buhay na gusto kong maranasan! Hindi ito ang buhay na ipinangako ni Castro sa 'kin!" Pilit na inaalis ni Mama ang braso ni Anna na nakayakap sa kaniya. Pilit na nagmamatigas ang kaniyang ekspresyon, ni bakas ng luha o pagsisisi ay wala akong nakita, puros determinasyon lang; determinasyon na alisin kami sa buhay niya.

"Sasama ako! Please, isama ninyo na ako! Mama!"

"Annalisa, ano ba!"

"Mama!" Napasigaw ako nang marahas niyang itinulak si Anna na ikinatumba nito sa sahig. Kaagad akong tumakbo papalapit sa kapatid ko at tiningnan si Mama nang hindi makapaniwala. Nanggaliiti ang kaniyang mga labi na dinuro kaming dalawa.

"Pagsabihan mo 'yang kapatid mo, Lucy ha! Ang kakapal ng mukha ninyong humingi ng kung anu-ano! Ano'ng akala ninyo sa 'kin pinupulot ko ang pera? Baka nakalilimutan ninyong ako ang nagpalamon sa inyo?" 

Hindi ko na napigilan pa ang sarili at hinarap na si Mama. Bakit parang nagsisisi siya na naging anak niya kami? Kasalanan ba namin na ipinangak niya kami?

"Bakit, 'Ma? Nagsisisi ka? Nagsisisi ka ba na pinapalamon ninyo kami nina Ethos? 'Ma, anak mo kaming tatlo! Noong namatay si Tito Castro, kami na ang obligasyon ninyo! Pagkatapos basta ninyo na lang kaming iiwan?"

"Dahil pinagsisisihan ko na naging anak ko kayo!" 

Suminghap ako, tuluyang nagimbal sa kaniyang sinabi. Parang gusto kong takpan ang mga tainga ng mga kapatid ko para lang h'wag nilang marinig ang mga sasabihin ni Mama. 

"Naiintindahan mo ba, Lucy?"

Napakuyom ako ng kamao. "E di sana hindi na lang kayo bumukaka nang hindi na kami nabu—"

Nagpantig ang tainga ko nang isang malutong na sampal ang dumapo sa aking pisngi. Sa lakas niyon ay halos kumiling ako sa aking kaliwa.

"Ate!"

"Bastos ka!" Hindi ako nakapagsalita at nanatiling nakakiling sa gilid habang pinipigilan na humikbi. Paano? Paano niya kami nagagawang isuka nang ganoon na lang? "Wala kang utang na loob! Kung alam ko lang na ganiyang klase ng anak ang palalamunin ko e di sana itinuloy ko na lang na ipalaglag ka noon! Mga punyeta!"

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Where stories live. Discover now