Kabanata 15

9.4K 298 33
                                    

"Basta uuwi ako r'yan pagkatapos ng midterm ko ngayong March," kuwento ko kay Ethos matapos kong makalabas ng fast food. Katatapos lang ng shift ko nang bigla niya akong tinawagan.

"E Ate, hindi raw siya a-attend ng graduation."

"Ano? Bakit?" Huminto ako sa paglalakad dahil sa ibinalita ni Ethos.

"Ewan ko ro'n. Kahapon pa mainit ang ulo sa 'kin. Hindi nga siya pumasok simula kahapon." 

Ginapangan ako ng pag-aalala dahil sa sinabi ni Ethos. Hindi pumasok si Anna? Bakit? Ang alam ko naman ay pinagbubutihan niya ang kaniyang pag-aaral. Wala sa aking nabalita na nagc-cutting classes siya, o kaya umuuwi ng gabi, mayayari siya kay Tita Asuncion kapag ganoon. 

"Ibigay mo nga kay Anna at nang makausap ko." Nagsalubong ang mga kilay ko; hindi mapakali sa aking puwesto matapos magpaalam sa akin ni Ethos na tatawagin niya lang si Anna.

"Ayaw ko nga sabi! Nakita mo nang natutulog na ako! Isturbo ka!" Kumunot ang noo ko nang narinig ko ang sigaw ni Anna sa kabilang linya. "Ate, pasensiya na. Ayaw ka niyang kausapin."

Napahilot ako sa aking sentido at napabuntonghininga. "O sige na. Ako na lang ang tatawag sa kaniya bukas. Matulog ka na rin, maaga pa pasok mo, 'di ba?"

Nang natapos kami sa pag-uusap ay kaagad ko na ring ibinaba ang tawag. Sumilip ako sa orasan ng aking cellphone. Alas onse na ng gabi, at wala pa rin akong natatanggap na text mula kay Rius. Nakauwi na kaya siya? Pero dapat nag-text siya sa akin kung nakauwi na nga siya. Hindi na ako nakatiis at nagpadala na lang sa kaniya ng mensahe.

Ako:

Bahay kna? Pauwi na ko.

Hinintay ko na mag-reply siya sa akin, ngunit ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin tumutunog ang cellphone ko. Baka naman tulog na? Pero dapat nag-text siya sa akin!

Kinagat ko ang aking labi at naisip na lang na tawagan siya. Nabuhayan ako ng dugo nang nag-ring iyon, ngunit halos ibato ko ang aking cellphone nang hindi man lang niya iyon sinagot.

Peste! Talaga bang tulog na siya?

Inis akong naglakad papunta sa may highway upang mag-abang ng taxi. Mahigpit ang hawak ko sa dalawang trap ng aking bag nang bigla akong mapahinto matapos maramdaman na tila may dumaan sa likuran ko. Umangat ang aking kilay. Huminto ako at nagpalinga-linga ako sa paligid. Wala masyadong tao akong nakitang naglalakad ngayon dahil halos malapit na ring mangalahati ang gabi. Karamihan sa mga establisyemento na nadaraanan ko ay sarado na rin, at ang tanging nagbibigay lang ng liwanag sa paligid ay ang mga street lights.

Umiling ako at iwinaksi na lang iyon sa aking isip, marahil ay guni-guni ko lang. Wala pa naman akong nababalitan na may nagmumulto sa kalsada na ito.

Imbis na matakot ay nagpatuloy ako sa paglalakad. Hindi pa ako nakalilimang hakbang nang muli akong mapahinto dahil sa mumunting yabag na aking narinig. Ayaw kong isipin na baka ako ang sinusundan n'on ngunit nagsisimula nang bumilis ang kabog ng puso  ko. Lumunok ako at binilisan ang paglalakad. Natatanaw ko naman na ang highway, ang kailangan ko lang ay makarating doon kaagad, ngunit sa bawat paghakbang ko nang mabilis ay siya rin namang pagbilis ng mga yabag.

Sumulyap ako sa aking likuran. Nagtambol ang puso ko sa kaba nang napansin ko roon ang  isang lalaking nakasumbrero ng itim. Sa sobrang takot na baka bigla akong dukutin nito ay tumakbo ako nang mabilis.

Napamura na lang ako nang tumakbo rin ito at sinimulan akong habulin!

Peste! Kung magnanakaw siya at balak niya akong kidnap-in, mas magaling ako sa kaniyang magtago sa dilim! Ngunit tuluyan iyong nawala sa isipan ko nang ako ay lumingon, kasabay ng paglabas ng isang bagay sa tagiliran nito.

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Where stories live. Discover now