Kabanata 17

9.1K 303 44
                                    

Bago kami umalis ay kinausap muna namin si Mang Tonyo at ang anak nitong si Jerome; hindi ko naman puwedeng iwanan si Anna nang mag-isa sa Cagayan, kaya sila ang mag-a-adjust upang bisatahin dito sa Maynila si Anna.

"Pst! Lucy!" Katanghalian at kalalabas lang namin ng airport nina Anna at Ethos nang nakarinig ako nang sumisitsit sa akin.

Hindi ko pa sigurado kung ako ba ang tinatawag ng boses na iyon dahil hindi lang naman ako panigurado ang may pangalang Lucy, ngunit hindi ko pa rin naisipang lumingon sa paligid. Maraming tao, kaya hindi ako sigurado kung makikita ko ba iyon o hindi.

"Lucy." 

Napaigtad ako nang may kamay ang biglang humawak sa aking balikat. Pumihit ako sa aking likuran at nanlaki ang mga mata nang biglang sumulpot ang nakasombrerong lalaki. Bigla akong ginapangan ng kaba, ngunit nakahinga rin ako nang maluwag nang nakilala ko kung sino siya.

"Nash! Ano'ng ginagawa mo rito?" Simula yata noong may lalaking sumunod sa akin at muntik na akong patayin ay hindi na napanatag ang loob ko. Pati ang mga kapatid ko ay napahinto rin dahil sa biglaan niyang pagsulpot. Inayos niya ang sombrerong suot. Kumunot ang noo ko. Alam kong mainit ang panahon, pero bakit kailangan niyang magsumbrero? Nakasuot pa siya ng itim na jacket at itim na pantalon.

"Pinapasundo ka sa akin ni Rius. Mga kapatid mo?" tanong niya at itinuro ang dalawa kong kapatid sa aking likuran.

Tumango ako. "Sina Anna at Ethos. Anna at Ethos, si Nash, ka... kaibigan namin ni Rius."

Kaniya-kaniya ang pagbati ng dalawa habang napapansin ko naman ang paglinga ni Nash sa paligid. "May problema ba?"

Mabilis siyang umiling sa akin. "Umalis na tayo. Dala ko iyong van ni Zeraphine."

Sumunod kami nina Anna at Ethos sa kaniya nang sinenyasan niya kami. Nasa may tapat na kami ng van nang nakita kong paano bumilog ang mata ni Anna. Napailing-iling na lang ako.

"Sure kang kaibigan mo 'to? Ba't mukhang yayamanin?" bulong sa akin ni Anna. Hindi ako sumagot at itinulak na lang siya sa loob ng van.

Sa passenger's seat ako sumakay, sa likuran ay sina Anna at Ethos. Ayaw ko naman na magmukhang driver si Nash kung pati ako ay tatabi kina Anna. "Bakit nakagan'yan ka?" pansin ko sa suot ni Nash. 

Sumulyap siya sa akin nang buhayin niya ang makina ng sasakyan. Pansin ko ang kagustuhan niyang magpaliwanag nang sumulyap siya sa rearview mirror. Naintindihan ko naman iyon kaya nanahimik na lang ako. May ideya naman ako kung bakit, ngunit ayaw ko iyong isiksik sa isip ko dahil nandito ang mga kapatid ko. Pero paano nga? Paano kung kaya siya nakaganiyan ay dahil may nagbabanta na rin sa kaniya? Sa kanila?

"Hi! Welcome sa inyong dalawa. Naikuwento sa 'min ni Rius na rito na nga raw kayo tutuloy," iyon ang bumungad sa amin mula kay Zeraphine nang nakarating kami sa may bahay. Sa likuran niya ay si Greg na tahimik lang at pinagmamasdan kami. Nararamdaman ko ang gaan na pagtanggap nina Zeraphine sa mga kapatid ko kahit alam kong may namumuong tensiyon.

"Hatid ko lang sila sa taas," paalam ko na ikinatango nila. 

Sa kuwarto muna namin ni Zeraphine dinala ang mga kapatid ko. Mamaya ay kakausapin ko sina Greg para roon pansamantalang matulog si Ethos.

"Ito ang kuwarto mo, Ate? Parang ang layo naman sa kuwento mo noon na masikip at bulok na apartment. E bahay na 'to e," si Anna habang nililibot ang tingin sa paligid.

"Lumipat na kami ni Rius. Kuwarto namin 'to ni Zeraphine."

"Dito rin ba ako matutulog, Ate?" 

Lumapit ako kay Ethos at ginulo ang kaniyang buhok. "Sa kabilang kuwarto ka kasama sina Kuya Rius mo, pero rito muna kayo at magpahinga. Bababa lang ako, magsabi lang kayo sa 'kin kung gusto n'yo ng pagkain. Marami sa kusina." 

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Where stories live. Discover now