Kabanata 24

9.2K 297 26
                                    

 "Nababaliw ka na," ang huli kong nasabi kay Lenarie bago ko siya tinalikuran. Tinawag pa niya ako, ngunit ko hindi ko na siya nagawa pang lingunin.

Nagmadali na rin kaming umalis doon ni Nanie matapos niyang makapagbayad, at saka kami umiretso kami sa gadgets store. Naging tahimik lang ako sa biyahe, iniisip  ang mga sinabi sa akin ni Lenarie. Napahilamos na lang ako sa aking mukha.

Ano na lang ang mukhang maihaharap ko kay Rius? 

Biglang pumasok sa alaala ko ang gabi kung paano ko siya itinaboy, kung paano ko ipinaramdam sa kaniya kung gaano siya kagagong lalaki; kung gaano ko siya sinaktan ng gabi na iyon, physically at emotionally;  kung paano ko siya iniwan; kung paano ko sinira ang isang bagay na pinagpaguran niya nang ilang gabi; kung paano ko siya sinubukang itali sa tabi ko nang dahil lang sa takot akong maiwan; kung paano kami napunta sa ganitong sitwasyon nang dahil sa akin.

Habang lumilipas ang mga araw at buwan simula noong bumalik siya sa mga Costillano, hindi niya sa akin ipinaramdam na iba ako. Na sa kabila ng tayo ng buhay naming dalawa, hindi siya nagbago. Hindi niya ako iniwan. Hindi siya umalis.

Ayaw ko mang aminin ngunit unti-unti kong napagtatanto...tama si Zarena, nang dahil sa akin kaya nandito si Rius. Hindi siya mapipilitang kumapit sa patalim kung hindi dahil sa akin; sinimulan niya ang isang bagay na hindi niya dapat ginawa nang dahil sa akin. Hindi siya masasaktan ngayon kung hindi dahil sa akin.

Ayaw ko nang...mas lalo pa siyang masira nang dahil sa akin.

"Bilis n'yo a," bungad sa amin ni Anna nang nakapasok kami sa loob ng bahay.

Lumibot ang tingin sa paligid nang hindi ko nakita si Ethos. "Si Ethos?"

"Ay, 'di ba kita na-inform? School days na, Ate baka nakalilimutan mo. Mag-isa nga lang iyong nag-abyad kasi hindi ka naman namin makausap nang matino these past days." 

Medyo namaang ako sa sinabi niya. Hindi ko namalayan. Siguro dahil ay madalas akong nasa kuwarto at nagkukulong lang. Napabuntonghininga ako at tumango sa kaniya.

"Akyat na ako," paalam ko. Ramdam ko ang pagsunod ng tingin niya sa akin hanggang sa nakatapak ako sa may hagdanan.

"Problema niya, Nanie?"

"Hindi ko po alam, ganiyan na po siya simula noong umalis kami sa palengke."

Ibinagsak ko ang sarili sa kama bago muling humugot nang malalim na hininga, nakatingin sa kisame. Alam kong kahit hindi sa akin sinasabi ni Rius o ipinapakita, alam kong nasasaktan pa rin siya dahil sa nangyari. Huling nakita ko siyang umiyak ay noong nagising ako sa ospital, at hindi na nasundan matapos iyon, ngunit sa tuwing nakikita ko ang mga mata niya...alam ko. At doble ang sakit sa akin sa tuwing pinipilit niyang magpakatatag para sa aming dalawa, kahit alam kong sa loob niya ay nadurog siya.

Ni hindi ko man lang siya nabigyan ng pagkakataon na maging ama sana sa magiging anak namin. Ni hindi niya nalaman...'tsaka lang kung kailan huli na.

Hindi ko na nahintay pa si Rius nang dumating ang gabi dahil kaagad na akong dumiretso sa kuwarto ko. Ikinabit ko kaagad ang simcard na nabili ko sa bago kong cellphone bago ko pinilit na makatulog sa gabi na iyon, ngunit imbis na dalawin ng antok ay napuno lang ako ng pag-iisip hanggang ang utak ko na mismo ang napagod.

Naalimpungatan ako nang naramdamang may humahalik sa aking leeg. Iminulat ko ang mga mata. Kaagad na nanuot sa aking ilong ang amoy ng alak mula sa taong nakapaibabaw sa akin.

"Rius?" Huminto siya sa ginagawa at kaagad na sinalubong ang mga mata ko. Masyadong madilim ngunit sa tulong ng liwanag ng mga poste mula sa bintana ng kuwarto ay naaninag ko ang kalahati ng kaniyang mukha. Magulo ang kaniyang buhok, at namumungay ang mga mata. Nakatukod ang kaliwa niyang kamay sa kabila kong bahagi habang ang kanan ay nagsisimulang maglandas sa aking pisngi; unti-unting pinapalis ang mga hibla ng buhok kong nakatabing doon.

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon