Kabanata 9

10.3K 379 65
                                    

"'Yong bilin ko! H'wag muna mag-boyfriend!"

"Oo na, Ate! Ulit-ulit?" Inirapan ako ni Anna matapos kong maihanda ang mga gamit ko. 

Pabalik na kami ni Rius sa Maynila. Katulad ng Pasko, ay naging masaya rin naman kahit papaano ang Bagong Taon namin dito sa Cagayan. 

"Sa graduation namin ni Ethos ha, dapat nandito ka."

Sumulyap ako kay Anna at ngitian siya. "Oo, uuwi ako. Hindi ko 'yon palalagpasin." Napansin ko ang kaniyang pagnguso.

Hindi niya man sabihin, alam kong nalulungkot siya at si Ethos na babalik na kami sa Maynila ni Rius. Kahit ako rin naman, mam-miss ko silang dalawa ni Ethos. Masyadong mahaba ang tatlong buwan para sa akin bago ako tuluyang makauwi.

"Sa Maynila na kami ni Ethos this coming school year, 'di ba?" 

Nang masigurong maayos na ang lahat ay humarap ako kay Anna. Bakas ang galak sa kaniyang mga mata matapos niya iyong sabihin.

Ang totoo ay matagal ko na iyong pinag-iisipan. Malalaki na ang mga kapatid ko, at nakahihiya na rin kina Tita Asuncion na nakikitira sila rito, ngunit kung dadalahin ko silang dalawa sa Maynila, baka maramay lang sila sa mga gulong pinapasok namin ni Rius. Ang plano ko ay kapag nakatapos ako, at saka ko sila dadalahin sa Maynila.

"After two years."

Umingit at nagpapadyak siya sa sinabi ko. "E! Do'n na kami! Ayaw ko na rito! At saka nang maranasan ko naman ang buhay sa Maynila. Gusto kong makapunta sa MOA para makapag-shopping. Bumisita sa mga elite bars—"

"Gaga ka! Pag-aaral ang atupagin mo h'wag puro kung anu-ano! At saka ano'ng shopping shopping sa MOA? Inday, h'wag puro luho ha! Sinasabi ko sa 'yo!"

"Anna, hindi Inday! Ate naman, ang ganda-ganda ng pangalan ko pinapabantot mo!"

"H'wag mo ibahin ang usapan!" 

Umirap siya sa akin siya sa akin at saka humalukipkip. 

"Pag-iisipan ko. Tatawag ako rito kapag nakapagdesisyon na ako."

Kaagad na kumurba ang matamis na ngiti sa kaniyang labi. "Talaga? Hays! Ang ganda mo talaga! Kaya patay na patay sa 'yo si Kuya Rius e!"

Imbis na hampasin ko siya o irapan ay natuod na lang ako sa aking kinatatayuan. Ngayong ipinasok niya si Rius sa usapan, hindi ko naiwasang balikan ang nangyari sa waterpark. Mag-iisang linggo na iyon ngunit sariwa pa rin sa isipan ko kung paano niya inangkin ang mga labi ko noong gabi na 'yon, na kung hindi siguro dumating ang guard ay baka kung saan na napunta.

Maigi na lang at may daan sa kabilang bahagi kaya natakasan namin ang guard. Puros mga halakhak naming dalawa ang bumuo sa gabi na iyon hanggang sa nakauwi kami, at napagtanto kung ano nga ba ang aming ginawa.

Hindi na yata ako nakatulog nang maayos simula n'on, bagaman nag-uusap pa rin naman kami katulad ng dati. Hindi siya nailang sa akin sa mga nagdaang araw; tila walang nangyari dahil wala namang nagbago... maliban na lang sa pakikitungo ko sa kaniya.

"Ate!" 

Bumalik ako sa ulirat nang bigla akong hinampas ni Anna sa braso. Tinapunan ko siya ng masamang tingin bago siya ngumuso sa may pintuan. Doon ko nakita si Rius; nakabihis na. Isang simpleng itim na printed shirt at blue faded jeans ang kaniyang suot; sa kaniyang kanang balikat naman ay ang kaniyang bag pack kung nasaan ang kaniyang mga damit. Nang nagtama ang mata namin ay kaagad akong umiwas ng tingin bago naglakad papalabas. Tumikhim pa ako nang dumaan ako sa may gilid niya habang nararamdaman ko ang kaniyang mapanuring tingin sa akin.

Nagpaalam na rin kami kay Ethos matapos iyon pati na rin kina Tita Asuncion. Medyo may kaluyuan ang airport kaya hindi na namin isinama pa sina Anna upang sana ihatid kami. Baka mahirapan lang akong umalis kapag nagkataon.

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Where stories live. Discover now