Kabanata 16

9.1K 282 30
                                    

"Ate... kausapin mo naman ako o." 

Iwinaksi ko ang kamay ni Anna na sinubukan akong hawakan. Halos gabi na lamang, kanina pa ako hindi makapagsalita at hindi siya pinapansin. Sa isang iglap, nawala iyong mga bagay na pinangarap ko para sa kaniya bilang kapatid. Parang ako na rin iyong dinurog niya dahil sa ginawa niya.

"Paano mo 'to nagawa, Anna? Lahat ibinigay ko para sa inyo ni Ethos! Pagkatapos ito? Ito ang ibabalik mo sa akin?" 

Napailing-iling siya at marahas na pinunasan ang kaniyang mga luha. Sinabihan ko si Ethos na lumabas muna ng kuwarto, ayaw kong makita niya kami ni Anna na nag-aaway nang ganito. Hindi pa rin naman dumarating sina Tita Asuncion.

"A-Ate, hindi ko naman sinasadya e —"

"Kung hindi mo 'yan ginusto, hindi magkakalaman 'yan! Hindi naman ako nagkulang ng paalala sa 'yo, 'di ba?" Tumayo ako at hindi naiwasan na duruin siya. Gusto ko siyang sabutin at pagsasampalin! Ngunit hindi ko magawa dahil alam kong kapag ginawa ko iyon ay para na rin akong tumulad kay Mama!

"I-I'm sorry... Ate, please... Hindi ko na alam ang gagawin ko... g-gusto ko pang mag-college..."

Dismayado akong umiling. "Kailan ka pa nag-boyfriend nang patago?" 

Umiwas siya ng tingin sa akin bago yumuko at pinaglaruan ang kaniyang mga daliri.

"W-Wala akong boyfriend—"

"Punyeta naman, Annalisa! Ano, hindi mo kilala ang gagong ama n'yan?"

Napatakip siya sa kaniyang mukha at nagsimula na namang humagulgol. "I-I'm sorry. L-Lasing ako tapos, h-hindi ko na alam kung ano'ng sumunod na nangyari — "

Huminto ako, sumisiklab ang galit sa aking loob. Mariin kong ikinuyom ang aking kamao, masama ang tingin sa kaniya. "Sino'ng ama n'yan?"

Malaman ko lang talaga kung sino ang gumanito sa kapatid ko, malilintikan siya sa akin.

Yumuko siya. "Si Jerome. Iyong anak ni Aling Passing. P-Pinagtripan ako nina Ate Alicia, h-hindi ko naman alam na hahantong sa — "

"Punyeta." Tumayo ako at kaagad na lumabas sa bahay.

"Ate, please umuwi na tayo! H'wag na tayo mag-eskandalo! Please! Please!"

"Binitawan mo ako, Anna." Pilit akong sinundan ni Anna sa paglalakad.

Madilim na ang paligid ngunit mas lalo lang iyong dumilim dahil sa paningin ko. Makita ko lamang talaga ang babae na iyon, pati iyong lalaking nambaboy kay Anna—hindi ko alam kung ano pang puwede kong magawa!

Ilang metro pa lamang ay natanaw ko na ang bahay nina Aling Pasing, matalik siyang kaibigan ni Tita Asuncion simula pa noon. Marami akong nakitang tao sa labas pa lamang. May mga naririnig akong kumanta at mula rito ay kitang-kita ang videoke sa loob ng kanilang mumunting bakuran; pawang mga nagkakasiyahan ang mga tao roon.

Mga walang hiya.

"Jerome, anak pakikuha naman iyong mga plato natin sa loob. Kulang na kasi." 

Naagaw ang pansin ko sa isang lalaki na biglang tumayo. Dahil sa mababa lamang ang kanilang tarangkahan ay tuluyan kong nakita ang mukha nito.

"Sige po. Sandali lamang mga tol."

"Sige lamang, pare." 

Nagngitngit ang mga ngipin ko sa sobrang galit. Walang pasabi akong sumugod ako roon.

"Ate!"

"Walang hiya ka!" Tumayo at naghiyawan ang mga tao nang bigla kong hinablot ang kuwelyo ng lalaking nagngangalang Jerome; inambahan ko ito ng malutong na suntok sa mukha. Napaupo ito sa semento, putok ang gilid ng labi.

The Runaway Silhouettes (Costillano #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon