Kabanata LXXIX

8.9K 649 392
                                    

Eliana's POV

Akala ko sa pelikula ko lamang mapapanood ang mga kaganapan kung saan biglaan na lamang lilitaw sa harapan ko ang isang kastilyo dahil lamang sa hindi maipaliwanag na mahika. Kung hindi lamang ako isang bihag ngayon ay baka kanina pa ako namangha, pumalakpak, at ngumanga sa nakikita ko pero hindi naman angkop ang mga reaksyon na 'yan sa kinalalagyan ko ngayon.

Matapos namin masaksihan ang paglitaw ng kastilyo na malaki, luma, at talaga namang tataas ang balahibo mo sa hitsura nito ay idiniretso na kami sa looban ng kutsero ng karwahe. Pumasok kami sa isang matayog na tarangkahan kung saan ibinababa pa ito upang magsilbing tulay sa hindi ganoon kalawak na ilog.

Sinubukan ko pang silipin ang ilog na ito at halos mapaatras na lamang ako ng makita ang ilang kalansay na nandito at mga bungo. Palutang-lutang lamang ito na tila ba parte na ito ng katawang tubig na hindi ko halos maaninag ang kung tubig pa ba ito o likido lamang para sa mga buto.

Nilingon ko pa ang gawi ni Sereia at maski siya ay ganoon din ang reaksyon na nakita. Masuwerte na nga lang siguro kami at walang katawang papaagnas pa lamang ang namataan namin kundi ay baka kanina pa ako naghihisterikal dito.

Pagpasok sa loob ay kapansin-pansin kaagad ang mga sulo na nakasabit sa bawat pader ng kastilyo upang magsilbing tanglaw sa madilim na kapaligiran. Pansin ko rin ang mga nakakalat na mga sandata at mga kulungan sa labasan na marahil ay pagmamay-ari lahat ng mga sindikato. May sarili rin silang imbak ng pagkain at mga iba pang alagang hayop na maaaring panglaman tiyan.

Tahimik ko lamang inilibot ang aking paningin upang mag-obserba at tandaan ang bawat daanan, kagamitan, at ruta na maaaring makatulong sa amin oras na kinakailangan na naming lumayas sa mabaho at madilim na lugar na ito.

Ilang sandali lamang ay huminto na ang karwahe sa gitna mismo ng tila ba bakanteng espasyo na putikan ang sahig. Masangsag din ang nagmumulang amoy sa kapaligiran na tila ba ilang taon na ba ito huling nilinis o marahil ay sa kanal na todo ang pagkakabukas sa iba't ibang parte ng lugar na kinatatayuan namin.

"Iyan na ba ang huling pangkat ng mga babae?" Dinig kong pahayag pa ng isang lalaki habang inaalis ang nagsisilbing tabing sa kulungan na kinalalagyan namin.

"Oo. Sabi ni Boss Orryn, tigil daw muna. Mukhang nakatunog na ang emperyo e." Dismayadong saad pa ng kutsero namin na bumaba na rin sa kanyang kinauupuan.

Mukhang balak na nila kaming ilabas sa kinakalawang na kulungang ito. Kung bibilangin din ay mahigit sampung kalalakihan lamang ang nandito sa espasyong ito. Dalawa ang nag-aasikaso sa pagbaba namin habang ang waloay tila mga katulong na kanya-kanya ang ginagawang tungkulin. Kung pagsusumahin ang dami ng tao dito sa kakayahan namin ni Sereia ay kayang-kaya namin mapatumba ang mga ito at takbuhin ang tarangkahan na mas mabagal pa ata sa uugod-ugod na matanda ang pagsara.

Inayos ko na ang aking posisyon saka dahan-dahang inabot ang aking basilong na pilit ko talagang itinago sa kataas-taasan ng aking binti na halos umabot na ito sa aking singit upang hindi mahalata ng mga nandito oras na magkaroon ng ppag-inspeksyon sa aming katawan. Nilingon ko pa ang iba naming kasamang kababaihan na ngayon ay mga gising na at takot na takot na nakatingin sa kapaligiran. Sino ba naman ang hindi matatakot kung magising ka sa isang panaginip at bangungot pa rin ang bubungad sa'yo?

Nasa kalagitnaan naman ako ng pag-iisip at paghahanda ng bigla na lamang hawakan ni Sereia ang braso ko at marahan akong hinarap sa kanya.

"Eliana..." Pagtawag niya pa sa akin dahilan para kunot-noo naman akong mag-angat ng tingin sa kanya. Umiling-iling naman siya sa akin bago magpatuloy sa sasabihin. "...kailangan mong manatiling kalmado kung ayaw mong mabulilyaso ang ginagawa natin." Pabulong ngunit nandoon ang pagbabanta sa tinig at pagpapaalala sa tinig niya.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon