Kabanata LXXXI

9K 685 804
                                    

- ERYX -

Sa kabila ng kawalan ng kasama at kaalaman sa panganib na kanyang pinapasok, buong-lakas pa rin na tinahak ni Eryx ang daan na tinutukoy ni Namior sa likod na bahagi ng Kastilyo. Kinakailangan na niyang maingat na tukuyin ang kinalalagyan ng bitak na magsisilbing lagusan niya papasok sa loob. Malaki rin ang pasasalamat niya dahil nakikisama ngayon ang buwan na nananatili pa rin bilog na bilog at nagliliwanag.

Sandali lamang niya tinahak ang madilim na kapaligiran habang ang mga mata ay nananatiling umiilaw ng kulay puting liwanag ay natunton na niya ang isang may kanipisan na biyak sa pader. Sa tulong din ng kanyang kapangyarihan ay nagagawa niyang makita ng maayos ang kanyang nadadaanan. Sa pamamagitan din ng kanyang mga palad ay nagagawa niyang maramdaman ang init na nagmumula sa tao dahilan para kaagad niyang maiwasan ang kung sino mang kahina-hinala sa kanyang dinadaanan.

Maingat na ipinasok ni Eryx ang sarili sa masikip na butas habang sinisiguro pa na walang sino man ang maaaring makakita sa kanya. Mabuti na lamang at sakto ang laki nito para sa katulad niyang hindi naman ganoon kalaki ang katawan. Medyo nahirapan lamang siya pagka't may katangkaran ang binata at may kalakihan at kahabaan ang kanyang espada.

Ilang sandali lamang ay nagawa na rin niya makapasok sa loob at kaagad din bumungad sa kanya ang magulong kapaligiran. Tanging mga sulo lamang na mayroong apoy ang nagsisilbi pang liwanag sa buong lugar. Nagkalat ang mga karwahe at mga kahon kahit saan maging ang mga basyo ng alak at iba't-iba pang mga kalat.

Inilibot muna ni Eryx ang mga mata bago ito tahimik at maingat na binaybay ang may kadiliman na espasyo tungo sa naglalakihang mga pinto ng kastilyo. Pabilog ang estruktura nito na mayroong mga pasilyo at eskinita sa gilid. May malaking pintuan din sa dulo ng buong espasyo at isang nabubulok na fountain sa gitna.

Akmang tatakbo na sana siya tungo sa isang eskinita kung saan mas dama niya ang init na nagmumula sa kumpol ng mga tao ngunit may biglaan na lamang lumabas na dalawang tauhan mula sa isang eskinita hindi kalayuan sa kinatatayuan ni Eryx. Kaagad siyang nagtago sa kumpol ng mga kahon sa tabi na naglalaman ng ilang gulay at mga prutas.

"Gago ka kasi e! Bakit ba naestatwa ka na lang doon sa kinatatayuan mo e babae lang naman 'yon! Akala ko hihimatayin ka na sa pamumutla mo kaya umentra na ako. Ang sakit tuloy ng leeg ko." Inis na saad ng isang lalaki na minamasahe ang kanyang leeg at may dalang isang kahon sa kabilang braso.

Sumimple pa ng silip si Eryx sa maliit na butas upang tingnan ang dalawang lalaki at ang tutunguhin nitong daan. Hindi niya rin namah intensyon na makinig sa usapan ng mga ito ngunit sadyang malakas lang talaga ang boses nila kaya wala na siyang ibang nagawa kundi ang manahimik.

"Tol, hindi mo ba nakita 'yong mga mata nung babae kanina?! Nag-iba ang kulay nila! Nag-iba na lang bigla!" Natatakot at tila ba kinikilabutan na saad ng lalaki.

"Ha? Pinagsasabi mo? 'yong kulay asul na mga mata niya? E kakaiba naman talaga ang asul na mga mata sa Emperyong 'to---"

"Bobo! Nag-iba! Nag-iba ang ibig kong sabihin ay nagbag at hindi kakaiba!Alam ko naman na asul ang mga mata ng babaeng 'yon pero kanina... kanina..."

Nanatili naman nakikinig si Eryx sa usapan ng dalawa ngunit maging siya ay naiintriga sa mga sinasabi nito. Hindi niya mapigilan mapaisip kung sino ang babaeng tinutukoy nila na mayroong asul na mga mata dahil ayon sa kanyang karanasan ay iilan lamang ang kilala niyang babae na mayroong ganoong kulay ng mga mata at dalawa doon ay nandito ngayon sa mismong kastilyong 'yon.

"Kanina ay ano?" Nagtataka nang tanong ng isang lalaki at maging si Eryx ay nag-aabang na rin sa susunod nitong sasabihin.

Sandali pang natigilan ang isa pang lalaki na tila ba inaalala nito ang mga nangyari kanina lamang hanggang sa muli na naman mamutla ang buong mukha nito.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon