Kabanata CXI (Ang Kaarawan ng Hari: Ikalawang Bahagi)

12.3K 805 3.3K
                                    

- DAREIOS -

"Dareios Agrigent, ang ikapitong prinsipe ng Cymopoleia. Ikinagagalak kong makilala ang aking mga kasamahan sa ranggo." Maotoridad at nakaiintimidang saad ng isang matipunong binata habang nagpapakilala ito sa kauna-unahang pagkakataon sa mga makasasama niya sa ranggo matapos manalo sa taunang pagtatapos na paligsahan.

Nagtataglay ang binata ng gintong buhok at mga mata na kulay matingkad na asul. Matipuno ang katawan nito, matangkad, at mayroon itong biloy sa kanang pisngi na madalas lumitaw sa tuwing nagsasalita ito. Kapansin-pansin din ang pagiging masungit at malamig ng mga mata nito na bahagyang natatakpan ng salamin na kanyang suot. 

Sabay-sabay naman na nagsitanguan sa kanya ang iba pang mga miyembro na tapos na rin magpakilala. Naupo na rin si Dareios sa kanyang puwesto at balak pa sana nito ipagpatuloy ang kanyang ginagawang pagpinta habang nakikinig sa pagtitipon nang bigla siyang kausapin ng binata na nasa kanyang tabi.

"Zacharias." Pakilala naman ng binata na mayroong itim na itim na buhok at kulay abong mga mata habang magiliw itong nakangisi kay Dareios at kagat-kagat pa ang isang umuusok na tabako. Kababakasan din nang pagiging pilyo ang naniningkit nitong mga mata dahilan para mas lalo lamang hindi ito kibuin ni Dareios. 

Sandali lamang niya tiningnan ang binatang nagngangalang Zacharias bago ito nagpatuloy sa kanyang ginagawang pagpipinta ng karagatan. 

"Matagal ko nang hinahangaan ang kaharian ng katubigan dahil sa lawak at kagandahan nito. Sana maipasyal mo ako sa kaharian mo, Prinsipe Dareios, lalo na kung ikaw ang magmamana nito." Nakangising saad ng binata saka ito muling umayos nang pagkakaupo at preskong nakinig sa pagtitipon na pinangungunahan ng Maestro. 

Kahit hindi nagustuhan ni Dareios ang tila ba maangas na dating ng binatang nagpakilalang Zacharias ay wala na siyang ibang nagawa kundi ang pakisamahan ito lalo na at madalas silang dalawa ang nagkakasama sa mga misyon na ibinibigay ni Prinsipe Siv Ammon. Kung tutuusin ay halos lahat ata ng misyon ay sila talaga ang magkasama dahil na rin sa kakaibang nagagawa ng kanilang kapangyarihan lalo na kapag pinagsasama ito. 

"Zacharias, ngayon na!" Malakas na sigaw ni Dareios habang nagliliwanag ang mga mata at kamay nito at kinokontrol ang karagatan na pinamamahayan ng isang higanteng halimaw. Ang misyon nila para sa araw na ito ay ang puksain ang halimaw na ito na namiminsala sa mga karatig nayon ng Cymopoleia lalo na at masyado itong malaki at agresibo. 

"Alam ko!" Nakangisi naman pahayag ni Zacharias habang halos lasog na ang damit nito dahil sa ilang atake na natanggap mula sa halimaw. 

Sa bandang huli ay marahas na lang nito pinunit ang natitira pang tela na nakabalot sa kanyang katawan saka ito ibinuhol sa kanyang bewang. 

Nagsimulang magliwanag ng kulay berde ang mga mata nito na abo saka ito nagpakawala nang napakalakas at napakalamig na hangin na naging dahilan upang tuluyang magyelo ang tubig na nakapalibot sa halimaw at maging ito ay manigas na rin ng todo. Patuloy lamang ang dalawa sa pagpapakawala nang kanilang kapangyarihan hanggang sa tuluyan na rin naging yelo ang halimaw at hindi na ito nakagalaw muli. Sabay pa itong sinuntok nang dalawang binata gamit ang kanilang kamao na nababalutan ng tubig at hangin dahilan para tuluyan na rin magkandalasog-lasog ang halimaw at tuluyan na itong naging pinong nyebe. 

"Iba talaga nagagawa ng hangin at tubig!" Nagmamalaking saad ni Zacharias at inabot pa nito ang kamay niya kay Dareios na napasalampak na lamang sa buhanginan dahil sa matinding pagod dulot nang pagpapakawala nang malakas na enerhiya. 

Tiningnan naman ito sandali ni Dareios habang hinahabol pa niya ang kanyang hininga hanggang sa bandang huli ay napangisi na lang siya dito at tuluyan na rin niya tinanggap ang tulong ni Zacharias. 

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon