Kabanata CXXI: Aerwyna

11.6K 826 1.3K
                                    

Eliana's

Wala akong ibang naririnig sa aking paligid kundi ang tunog ng mga alon sa karagatan. Malamyos ito at talaga namang nakagiginhawa sa pakiramdam.

Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko at ganoon na lamang ang aking pagtataka nang bumungad sa akin ang payapang karagatan ng Cymopoleia. Pamilyar sa akin ang buong kapaligiran dahil hindi pa rin nagbabago ang kagandahan na taglay nito. Pero hindi ba katatapos lamang namin makaengkuwentro sa Krakken? Bakit parang nakakapanibago ang katahimikan at kapayapaan ng buong kapaligiran.

"Nandito ka lang pala! Kanina pa kita hinahanap," napalingon naman ako bigla sa aking kanan nang marinig ko ang mahinhin at tila ba musika sa panrinig na tinig ng isang babae.

Bumungad sa akin ang isang dalaga na tingin ko'y nasa pagitan ng disi-sais hanggang disi-otso ang edad. Morena ang balat nito, mapungay at asul na asul ang mga mata, at hinahangin ang diretsong-diretso at napakahaba nitong asul na buhok. Napakaamo at napakaganda ng kanyang mukha na maaaring ihalintulad sa mga nakabibighaning mga sirena.

"Buti pinayagan ka ng iyong mga magulang na lumabas?" saad ko pa at kamuntik pa akong mapahawak sa aking bibig dahil pakiramdam ko ay hindi ko boses ang aking narinig at kusa na lang gumagalaw ang aking bibig kahit hindi ko naman intensyon sabihin ang mga salitang iyon.

Teka, na kaninong katawan ba ako? Kaninong alaala ba itong nararanasan ko?

"Gagawin ko rin ang lahat para makasama ka bago ang kasal ko bukas syempre," animo'y kinikilig na saad pa nito kasabay ng paglagay niya ng mga takas na buhok sa likuran ng kanyang tenga."Ito na ang huling araw ko bilang dalaga kaya gusto kong sa ating dalawa muna ito."

"Kahit naman kasal ka na ay magkaibigan pa rin tayo, Aerwyna. Nandito pa rin ako palagi kung kailanganin mo ako." nakangiti ko pang saad at kita ko naman na mas lalong lumawak ang kanyang ngiti.

Patakbo niyang isinara ang distansya sa pagitan naming dalawa at payakap niya akong dinamba dahilan para sabay na lamang kami mapasalampak sa buhanginan. Sabay pa kaming nagtawanan dahil nadumihan na ang aming mga damit pero hindi namin alintana ito.

"Napakaganda ng karagatan di ba? Hangga't nabubuhay ako ay ipinangako ko sa aking sarili na habang buhay kong poprotektahan ang ganda nito," nilingon niya pa ang gawi ko bago marahang sumandal sa aking balikat. "Para balang-araw, makakapaglaro at may karagatan pa pa rin na masisilayan ang mga apo natin at ang mga apo nila at ang mga kaapo-apuhan pa ng mga mamamayan natin di ba?" malambing pa nitong saad saka muling itinuon ang mga mata sa kalmadong karagatan.

"At syempre. . ." dahan-dahan niyang inabot ang dalawang kamay ko at ganoon na lang ang gulat ko ng bigla niyang hinalikan ang aking mga palad bago ngumiti ng napakatamis. "Kapag naging Emperatris ka na, tandaan mo na nakaalalay lang ako sa'yo, mapa-lupa o karagatan man, kapag kinailangan mo ako, dadating agad ako."

Buong araw kaming nagkasama ng babaeng nagngangalang Aerwyna. Halos wala kaming ibang ginawa kundi ang magsaya tulad na lamang ng paglangoy sa dagat, pamamangka, pagsakay sa likuran ng mga balyena, at nagsayaw din kami sa plaza na labis talagang kinahihiligan ni Aerwyna.

"Aerwyna, malapit na magdilim. Kailangan mo nang bumalik sa iyong palasyo."

Sabay naman namin nilingon ang nagsalita habang tinatahak namin ang dalampasigan pabalik sa palasyo ni Aerwyna. Bumungad sa amin ang isang lamang-dagat na gawa sa katubigan ang buong katawan at tila ba pamilyar na pamilyar din ito sa akin.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon