Kabanata XCII

10.4K 712 735
                                    

- EMPRESS HESTIA -

Halata sa mga mata ni Empress Hestia ang saya nang pasimple siyang bumalik sa kanyang palasyo matapos pumuslit dito. Hindi niya sukat akalain na matatagpuan niya kaagad ang kanyang pakay sa lalong madaling panahon lalo na at wala siya halos alam patungkol sa dalagang kinakitaan niya ng kakaibang pag-uugali.

Mukhang malapit din ito sa kanyang anak na si Eryx lalo na noong napansin niya ang tila ba makahulugang tinginan ng dalawa noong araw ng paghuhukom.

Sandali lamang sila nagtagpo ng dalaga na ngayo'y sigurado na siyang ang pangalan ay Eliana. Hindi niya rin maitatanggi na nagtataglay ito ng kakaibang ganda na talaga namang nakapupukaw ng atensyon lalo na ang mga mata nito na kasing-asul at lalim ng malawak na dagat.

"Magaling talaga pumili ang aking anak sa babae." Napapangiting bulong pa ng reyna habang naglalakad ito sa pasilyo ng palasyo papunta sa kanyang silid.

Sa kanya rin obserbasyon ay mukhang hindi nalalayo ang pag-uugali ni Prinsesa Eliana sa kaibigan ng anak na si Prinsesa Sereia mula sa Archelaos. Pero ang pinaka natatangi kay Prinsesa Eliana ay ang mga mata nito na naghahayag ng napakaraming emosyon at makikita ang paninindigan sa lahat ng kanyang desisyon.

Para sa Empress ay bihira makatagpo ng ganoong klaseng babae sa kahit saang panig ng emperyo dahil katulad niya ay napanghihinaan na rin ng loob ang halos lahat ng kababaihan dito. Kahit ano man ang katayuan mo sa lipunan o ang iyong edad ay hindi ka pa rin bibigyan ng pantay na trato na naaayon sa ranggo na mayroon ka.

Pero sa sandaling panahon na nakadaupang palad niya si Prinsesa Eliana ay nakamamanghang isipin na sa kabila ng pagiging isang babae ay nagsusumigaw ng otoridad, kapangyarihan, at paninindigan ang dating at ang awra nito. 

"Empress, tumakas na naman po ba kayo upang maglibot sa bayan?"

Napatigil naman si Hestia sa ginagawang pag-iisip habang pinipihit niya ang seraduhan ng kanyang pinto. Buong akala niya ay taimtim siyang makababalik sa kanyang silid nang walang nakapapansin ngunit mukhang impossible na 'yon.

Alanganin naman niyang nilingon ang kanyang katulong at kaibigan na si Adelia. Naabutan niya naman itong nakapameywang sa kanya at kababakasan ng pagsusungit at pagkadismaya ang ekspresyon nito. Bagay na palagi niya naman nakikita kapag nahuhuli siya nito na tumatakas sa kanyang silid.

"Hindi po ba ipinagbilin na po ng iyong manggagamot na hindi kayo maaaring magpakapagod at ---"

"Adelia, ayos lamang ako." Kalmadong saad ng Empress saka tuluyan na niyang pinihit ang seraduhan ng kanyang silid. "Mayroon lamang akong binisita sa bayan." Magiliw niya pang dugtong.

Nasasabik na siyang magkuwento sa kanyang anak na si Eryx patungkol sa pagkakatagpo nila ng dalagang mas nais niya pang makilala.

Dinig niya naman na napabuntung hininga na lamang ang kanyang katulong.

"Empress Hestia, tandaan mo na hindi na katulad ng dati ang iyong kalusugan at katawan. Hindi kita pagbabawalan lumabas mag-isa kung kaya mo pa. Pero. . ." Hindi na natuloy pa ni Adelia ang kanyang sinasabi nang lingunin siya ng Empress habang nakalagay ang hintuturo nito sa mga labi na tila ba pinatatahimik siya.

Nakangiti ang mga mata nito at makikita ang bahagyang kislap doon na tila ba mayroong magandang nangyari dito. Halatang hindi na rin nito alintana ang ginagawang pagsesermon ni Adelia.

"Alam mo ba, may nakilala akong magandang dilag na mayroong matibay na paninindigan at matapang na puso, Adelia." Panimula nito habang dahan-dahan na niyang tinatanggal ang kanyang roba dahilan para lumaylay ang napakaganda at napakahaba niyang buhok na tila ba sinag ng araw sa katanghaliang tapat.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon