Kabanata LX

23.7K 887 410
                                    

- ORRYN -

"Boss, patay na po si Boss Namior." Nakayuko at mangiyak-ngiyak na pahayag ng isang tauhan sa nakaupong si Orryn.

Halos matigilan naman si Orryn sa paghimas sa binti ng mga babaeng kanyang katabi sa kama matapos marinig ang pahayag ng tauhan.

Dalawang araw na ang nakalilipas magmula ng makaalis sila sa dating kuta na bar sa Elior. Ngayon naman ay matiwasay silang nakalipat sa Archelaos kung saan impossibleng matunton pa sila ng mga otoridad pagka't kalat na rin ang kanilang kuta sa buong Archelaos.

Ngayong maayos na ang lahat ay lubos na nagtataka si Orryn kung bakit hindi pa nakakarating si Namior kasama ang mga natitira nilang tauhan at Ether. Hindi na siya nakatiis pa at nagpadala na siya ng mga tauhan para ipahanap ang kapatid lalo na at malala pa naman ang mga sugat nito sa pangangatawan.

"Ano?" Bahagya pa niyang nilinis ang tenga gamit ng hinliliit wari'y barado ito. "Parang hindi ko ata masyadong narinig ang parteng iyon." Sarkastiko at madilim ang mukha na pahayag pa ng binata saka sumimsim ito sa kanyang kopita.

Napalunok naman sa takot ang tauhan lalo na ng mahimigan niya ang kilabot sa boses ni Orryn bago ito sumagot. "H...Hindi na raw po makasusunod si Boss Namior pagka't patay na raw po siya ayon sa mga kawal na---"

Hindi na natuloy pa ng tauhan ang kanyang sasabihin ng biglang ibato ni Orryn ang hawak na kopita sa kung saan saka ito marahas na tumayo. Kamuntikan pang malaglag ang mga babaeng nakapalibot sa kanya pero wala na siyang pakialam doon. Galit na galit ang mga mata niya naglakad tungo sa kinatatayuan ng tauhan na nagsalita. Marahas naman niyang hinablot ang leeg nito at nanggigigil na inangat sa lupa.

"Putang ina, anong sabi mo?! Ha?! Paanong mamamatay ang kapatid ko e si Namior 'yon?! Si Namior iyon!" Malakas at galit na sigaw pa ng binata habang sakal-sakal pa rin ang namumutlang tauhan.

Nanatili naman nakamasid ang iba pa niyang tauhan sa paligid wari'y wala ang mga ito balak mangialam sa nagaganap na pag-aaway. Lahat ay takot makisali, lahat ay kinatatakutan si Orryn.

"N...Narinig ko lang ang balita, Boss, pagka't pinapahanap ang katawan niya ng prinsipe ng Elior." Nangangatog sa takot at kinakapos ng hininga na pahayag ng tauhan na nananatili pa rin sakal-sakal ni Orryn.

Saglit pa itong tinitigan ng masama ng binata bago marahas na ibinato sa sahig. Halos gumapang naman palayo ang tauhan sa takot habang sisinghap-singhap ng hangin.

Nanatili naman nakatayo si Orryn sa kanyang puwesto habang taas-baba ang kanyang balikat. Sobrang lakas ng pintig ng kanyang puso na halos nagkukumawala na ito sa kanyang dibdib. Masakit. Mahapdi. Ilan lamang iyan sa mga emosyon na nararamdaman ni Orryn. Pakiramdam niya ay may kung anong bomba ang sumabog sa kanyang tenga matapos mapag-alaman na patay na si Namior, ang kanyang kasangga, ang kanyang nag-iisang kapatid.

Hindi totoo ito. Hindi pa patay ang kapatid ko.

Pilit niyang pinaniniwala ang sarili sa narinig ngunit malinaw ang pagkakasabi ng kanyang tauhan pero kahit ganoon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi pa niya nakikita ang katawan nito.

Marahas niyang nilingon ang kanyang tauhan na nabigla naman sa galit at pandidilim ng mga mata ni Namior.

"Nasaan ang katawan ng kapatid ko?" Tiim bagang at malamig na tanong pa ng binata.

Natigilan naman ang tauhan sa tanong niya at bahagya pa itong napaisip at inalala ang mga sinabi sa kanya ng kawal.

"I...Ipinapahanap na raw ng mga otoridad. Ang sabi ay nahulog siya sa butas sa ilalim ng kuta at tuluyan ng natabu---"

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon