Kabanata LXXXII

8.4K 731 793
                                    

- ASPEN -

"Bakit hindi mo naman sinabi sa amin, Zeph, na may plano ka palang ganito? Sana ay hindi na kami naghinala pa sa'yo na nais mong suwayin ang utos ng Maestro at ni Prinsipe Eryx. Natulungan ka rin sana namin sa pagpapahinto ng misyong 'to." Nang-aasar pang saad ni Aspen sa kaibigan habang tinatapik-tapik pa nito ang balikat ni Zephyr na nananatili lamang tahimik na nakaupo sa tabi niya.

Kasalukuyan silang nakaupo ngayon sa batuhan na namataan nila hindi kalayuan sa pinangyarihan ng kamuntik nang pagbabanggaan ng mga kawal ng Elior at Umoewin. Pinalayo muna ng Maestro si Zephyr upang ito na ang makikipag-usap kina Kumander Rhanes at Kumander Mainard patungkol sa mga nangyari. Sagad din kasi ang galit na nararamdaman ng dalawang Kumander sa Prinsipe ng Umoewin dahil hindi maitatanggi na maaaring magpahiwatig ng katrayduran mula sa Emperyo ang pagsuway ni Zephyr sa kautusan ng Emperor.

Dagdag pa rito na ginamit din ng binata ang kapangyarihan nito at kung hindi pa dumating ang kampo ng Maestro ay baka dumanak na ang dugo sa pagitan ng dalawang kampo. Bagay na mabuti na lamang ay hindi nangyari kundi kamatayan kaagad ang magiging sintensya nito oras na mapatunayan ang katrayduran ni Zephyr sa kanyang bayan.

Aminado rin si Aspen na noong una ay dismayado siya sa naging pasya ng kaibigan noong gabi na binubuo na ang plano ng digmaan sa pagitan ng Elior at Maura at isa si Zephyr sa mga naging taga-suporta nito. Pinilit niya pa itong kausapin pagkatapos ng pagpupulong pero hindi rin nagtagal ang naging pag-uusap nila dahil nagmamadali itong ihatid si Prinsesa Eliana sa dormitoryo.

Kaya naman ganoon na lamang ang gulat ni Aspen maging nina Maestro at Aidan ng maabutan nila si Zephyr na tila ba pinipigilan nang makaalpas ang libo-libong mga kawal ng Elior tungo sa border ng Thaewyr.

Natigil naman si Aspen sa ginagawa niyang pagtapik kay Zephyr nang mapansin na hindi man lamang kumibo ang binata at nanatiling tulala sa kawalan. Tila ba malalim ang iniisip nito at halatang balisa pa rin sa nangyari.

"Zeph?" Nagtataka pang tawag ni Aspen dito habang marahang kinakaway ang kamay sa harapan nito. "Ayos ka lang ba?"

Nilingon naman siya ni Zephyr ng may blangkong mga mata ngunit ilang sandali lamang ay napalitan na ito ng pagkalito at mistulang napakarami nitong nais sabihin ngunit hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang kanyang nararamdaman.

"Dahil wala naman talaga sana akong plano na umatras sa misyon na 'to, Aspen. Buo na sana ang desisyon ko na patunayan ang kakayahan ko sa aking ama, na mamuno ng mga kawal ng Umoewin kung hindi lamang..." Sandaling tumigil si Zephyr sa pagsasalita dahil napahilamos na lamang ito ng kanyang mukha at muling napatitig sa kawalan. Umiling-iling pa ito ng bahagya na tila may malalim na iniisip dahilan para naguguluhan naman siyang tingnan ni Aspen.

"Kung hindi lamang ano, Zeph? Ibig mo bang sabihin ay itutuloy mo talaga ang digmaang 'to? Pero bakit? Ano ba ang nakapagpabago ng isip mo at ---"

"Si Eliana..." Wala sa sariling nasambit ni Zephyr habang nananatili pa rin ang mga mata nito na nakatingin sa malayo.

Hindi naman kaagad nakapagsalita si Aspen dito dahil sinusubukan niyang pagdugtungin ang mga sinasabi ni Zephyr ss kanya. May hinala siya na baka nakapag-usap ang dalawa noong hinatid nito ang dalaga sa dormitoryo kaya ganito na lamang ang reaksyon ni Zephyr dito.

Para kay Aspen ay samu't saring katanungan ang nabubuo sa kanyang isipan at isa na roon ay kung paanong naapektuhan si Zephyr ng mga salita ni Eliana gayong alam niya naman bilang kaibigan nito ang katigasan ng ulo na taglay ni Zephyr. Ano naman kaya ang napag-usapan nila at ganito na lamang kung labis na isapuso at isagawa ni Zephyr ang mga salita na nagmula sa isang binibini.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon