Kabanata LXXXVII

10.6K 749 922
                                    

- DAREIOS -

Hindi alam ni Dareios sa kanyang sariling mga paa kung bakit nagkusa ang mga ito na dalhin siya tungo sa silid ng kanyang anak na si Eliana.

Matapos nang naging pagpupulong ng mga opisyales ng akademya at ng mga magulang ay napagdesisyunan ang pananatili ni Zora bilang Punong Maestra ng akademya. Ang lahat ng kaparusahan na matatanggap din ng akademya ay maaayon na lamang sa kung ano ang kalalabasang desisyon ng Emperor patungkol dito.

Pagkatapos na pagkatapos ng pagpupulong ay kaagad siyang nagtungo sa silid ni Eliana kasabay nang pagbilin sa mga anak na nais na muna nitong bisitahin si Eliana ng siya lamang. Kamuntik pang hindi pumayag ang mga anak niyang lalaki sa kanyang pakiusap dahil sa hindi malamang rason. Ngunit hinayaan na lamang siya ng mga ito matapos ang mahaba-habang debate sa pagitan nilang tatlo. Pinauna niya rin muna si Orianna sa Maestro dahil nais din itong makausap ng asawa patungkol sa pag-aaral ni Caedmon.

Kaya naman eto na siya at solong-solo ang silid na kinalalagyan ng anak matapos niya rin utusan ang mga katulong nito na bumili muna ng pagkain at mga kakailanganin ng anak kapag nagising na ito.

Halos isang metro rin ang layo ni Dareios sa kanyang anak habang pinagmamasdan ang hitsura nito. Mag-dadalawang minuto na siya sa silid na ito ngunit hanggang ngayon ay tila ba aatakihin siya sa galit. Hindi niya mapigilan ang panginginig ng laman dahil sa nakikita niyang hitsura ngayon ni Eliana na malayong-malayo sa alagang-alaga at malusog nitong pisikal na kaanyuan bago lumisan ang anak tungong akademya.

Nakita ng mismong mga mata niya kung paanong ang makinis na balat ng anak ay napuno na ng mga peklat at tila ba naghihilom na mga sugat mula sa latigo at hiwa ng espada. Nangingitim din ang ilang parte ng katawan nito dahil sa labis na pamamasa habang ang halos kalahati ng katawan ay puno ng benda at gasa.

Tiim-bagang at kuyom ang mga kamao ni Dareios habang naglalakad na ito palapit sa kama ng anak upang maayos na makita ang mukha nito. Sandaling panahon lamang ang lumipas magmula nang nakita niya ang mukha ng anak na namumutla at pagod na pagod, iyon ang araw na binisita niya rin ito matapos siyang pakiusapan ng Maestro na dalawin ang anak na naaksidente sa pakikipaglaban.

Hindi niya halos matingnan ang mukha ng anak niya noon dahil sa magkahalong galit, awa, at pag-aalala na humantong pa sa pagpapalitan nila nang maaanghang na mga salita. Masama pa rin ang loob niya dito pagka't nananatili pa ring suwail at may katigasan ang ulo ni Eliana gayong para rin naman sa ikabubuti niya ang ginagawa ng ama.

Buong akala ni Dareios ay bubuti na ang kalagayan at hitsura ni Eliana sa susunod nilang pagkikita. Pero 'yon lang pala ang akala niya dahil mas lalong lumala ang kalagayan ng anak kumpara noong nakaraan. Labis ang pamumutla ng mukha at mga labi nito na mayroon pang mga pasa sa pisngi. Tuyot at puno rin ng sugat ang gilid ng mga labi nito at ang buong mukha niya ay puro sugat rin na maging si Dareios ay ikinatatakot na maaaring mag-iwan ang mga ito ng peklat at marka sa magandang mukha ng kanyang anak.

"Kung nakinig ka lamang sa akin, Eliana, ay hindi mangyayari sa'yo ang lahat ng ito." Nanginginig at paos na sambit ng hari na tila ba humuhugot ito ng lakas ng loob para isaboses ang mga hinanakit niya bilang ama.

Hindi naman sumagot si Eliana sa kanya dahil nananatili pa rin itong mahimbing na natutulog. Dahan-dahan din hinawakan ni Dareios ang buhok ng anak saka ito marahang hinaplos.

"Kung alam ko lang na ganito ang magiging kalagayan mo sa akademyang 'to ay kinaladkad na sana kita noon pa man pabalik ng Cymopoleia. Hindi ko alam kung bakit..." Napapikit na lamang si Dareios habang patuloy pa rin ito sa paghaplos sa buhok ng bunsong anak. "...bakit kinakailangan mo pang sumuway sa akin, Anak. Nais lamang kita protektahan."

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon