Kabanata CXX: Ang Kaharian ng Naia (Huling Bahagi)

11.4K 869 1.2K
                                    

- Mishal -

Hindi malaman ni Mishal kung dapat na niya bang bawiin ang kanyang kamay o hahayaan niya lang na kaladkarin siya ni Prinsipe Daewon kahit pa ang higpit masyado ng pagkakahawak nito sa kanya at bahagya na siyang nasasaktan.

Kasalukuyan sila ngayon lumalangoy palayo sa mga halimaw na tumutugis sa kanila at ang dahilan kung bakit nahiwalay silang dalawa kina Aidan at sa iba pa nilang kasamahan.

Wala pang isang oras nang narating pare-pareho nina Mishal, Daewon, Aidan, at Emory ang ikalawang palapag ng isa sa mga gusali sa palasyo ng Naia. Kababakasan ng karangyaan ang buong paligid na napaliligiran ng mga naggagandahang mga korales, perlas, at mga gintong kasangkapan at kagamitan na nakuha rin ng mga Naian sa ibabaw ng lupa.

Nagsisilbi tanglaw sa kanilang dinaraanan ang mga dikyang nagliliwanag at pakalat-kalat lamang sa kanilang tabi. Hindi naman sila inaatake o sinasaktan ng mga ito basta huwag silang madidikit sa mahahaba at nakalalasong mga galamay nito.

Nangunguna sa paglangoy  ang ina ni Abraham pagka't mas kabisado nito ang mga pasikot-sikot sa palasyo habang nasa tabi naman nito si Mishal at ang dalawang kalalakihan ay nasa likuran lamang nila. 

"Talaga po? Magkababata po pala si Ginoong Abraham at Eliana. Pansin ko na talaga na malapit sila sa isa't-isa pero simula pala pagkabata ay magkaibigan na sila," mahinang bulong ni Mishal habang kababakasan ng pagkamangha ang tinig nito dahil sa mga kuwento ni Emory sa kanya patungkol sa dalawa. 

"Oo malapit talaga sila sa isa't-isa. Walang araw nga noon na hindi nagkikita ang dalawang iyon sa hardin ng palasyo. Nalimitahan lamang magmula ng mabagok si Prinsesa Eliana at kinakailangan niyang mag-aral sa akademya," paliwanag pa ni Emory habang bahagyang lumungkot ang ekspresyon nito at panandaliang natahimik. 

Hindi naman makapaniwala si Mishal sa kanyang narinig pagka't hindi niya alam na may kaganapan pa lang ganito sa buhay ng kanyang kaibigan. Kung nabagok ito, posible bang kaya hindi masyado kasundo ni Eliana noon ang mga kapatid niya ay dahil hindi niya sila maalala? 

At isa pa, ayon sa pagkakakuwento sa kanila noon ni Caedmon patungkol sa mga kapatid niya ay napakalambing at napakabait na bata noon ni Eliana. Kahit hindi naman palasalita si Caedmon ay pagdating sa mga kapatid nito ay talaga naman labis niyang ipinagmamalaki ang mga magagandang katangian nila kaya kahit papaano ay nakilala ni Mishal si Eliana sa mga kuwento nito. Pero ngayon niya lamang nalaman na pagkakabagok pala ang dahilan kung bakit halos mamatay na raw ito noon. 

Ito yung panahon na nais umuwi ni Caedmon sa kaharian nila pero dahil nasa isang buwan siyang misyon ay hindi na siya nakauwi pa kaagad. 

Pero sa isip ni Mishal, malayong-malayo ang nakilala niyang Eliana ngayon sa mga kuwento ni Caedmon noon sa kanila ni Sereia patungkol dito. Posible bang resulta ng pagkakabagok ng ulo ang dahilan ng labis na pagbabago nito? Ganoon ba talaga kapag wala kang naaalala? Halos mag-iba na ang katauhan mo? 

Hindi niya alam at ayaw naman manghusga ni Mishal dahil ngayon, masaya na siya sa kung ano si Eliana noong nakilala niya ito. 

"Malayo pa ba tayo?" sabay-sabay naman napalingon ang lahat sa kanilang likuran nang marinig nila ang iritable at naiinip na tinig ni Prinsipe Daewon. 

Kanina pa ito walang kibo at hindi nagsasalita pagka't mukhang masama ang loob nito na hindi nito nakasama si Eliana sa kabilang grupo. Pero wala naman siyang magagawa dahil sa kanilang lahat na kasama sa grupong ito, siya ang kapatid ni Prinsipe Adelrick at maaaring makipag-usap dito upang ipaliwanag ang sitwasyon. 

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon