Kabanata CX (Ang Kaarawan ng Hari: Unang Bahagi)

13.6K 857 2.5K
                                    

- ZEPHYR -

Tatlong araw bago ang gaganaping pagdiriwang ng kaarawan ng Hari ng Cymopoleia ay palaging nananatili si Zephyr sa silid ng kanyang ina na madalas nang nahihimbing ng tulog at tila ba nawawalan na ito ng lakas dumilat muli.

Naging mabilis na rin kasi ang pagbagsak ng katawan ni Reyna Zephariah lalo na at sunod-sunod din ang mga pangyayaring nakapagdudulot nang matinding pagod at problema sa Reyna. Halos lahat ay ginawa na rin ni Zephyr upang hindi na mag-alala sa kanya ang kanyang ina o di kaya'y upang hindi na nito marinig ang mga kaganapan sa loob at sa labas ng kaharian dahil oras na nakararating ang mga balita sa reyna ay lalo lang itong nag-aalala at nagkakasakit.

Kasalukuyang hawak ni Zephyr ang kamay ni Reyna Zephariah gamit ang kanyang dalawang kamay. Mahigpit at tila ba ayaw na bitawan ni Zephyr ang kamay ng kanyang ina habang siya ay nakasalamapak sa sahig sa tabi ng kama nito. Mahigit isang oras na siyang nananatiling ganito sa tabi nt reyna at dahil ibinilin niya sa mga kawal na nasa labas na wala dapat makapapasok sa loob ng silid ay nagkaroon siya ng oras makasama ito sa mas matagal pang pagkakataon.

"Ina, magpapaalam sana ako na pupunta akong Cymopoleia kasama si ama at ang ilan sa mga kapatid ko." Malungkot na saad ni Zephyr na para bang nagsisimula na itong magkuwento sa isang gising na tao.

Nanatili naman nakasara ang mga mata ng Reyna at nahihimbing pa rin ito ng tulog. Katatapos lang din kasi ito painumin ng gamot kaya kahit ano pa ang gawing kuwento ni Zephyr ay mananatili itong walang tugon.

"Naaalala ko pa noon na madalas ako sa Cymopoleia dahil magkakilala na kayo noon nina Haring Dareios. Inuudyok mo palagi na magkaroon kami ng ugnayan sa magkakapatid na Agrigent kaakibat ang mabuting intensyon na mayroon ka para sa kanila. Ikaw pa ang madalas magsabi sa akin na kaibiganin ko ang mga anak ni Haring Dareios dahil tiyak mong mabubuti silang tao." Malamyos na saad ni Zephyr habang nakatulala na lang ito sa kawalan at kusa na lamang niya hinahaplos ang kamay ng ina gamit ang mga hinlalaki.

"Mukhang tama ka nga doon, Ina." Malungkot pang napangiti si Zephyr saka muling ibinalik ang tingin sa mukha ng kanyang ina. "Nakita ko kung paanong handa silang gawin ang lahat para lang maprotektahan ang isa't-isa. Para lang sa kaligtasan at kasiyahan ng mga kapatid nila. Isa ako sa mga nakaranas ng bagsik ng isang Agrigent na halos nanghina ang tuhod ko nang pakitaan nila ako ng tunay nilang lakas. Iyon kaya ang matatawag na tapang na hinugot mula sa tunay na pagmamahal sa pamilya? Isang emosyon na hindi ko ata mararamdaman mula sa aking ama at sa iba kong mga kapatid." Dismayado pang pahayag ni Zephyr na para bang inaasahan niya pang tutugon ang kanyang ina. 

Pinakatitigan niya pa ang maamo at namumutlang mukha ng ina wari'y magbibigay pa ito ng tugon. Mapait na lang tuloy siyang napangiti at marahang pumikit saka inilagay niya ang kamay ng reyna sa kanyang noo.

"Naaalala ko rin na hinihiling mo pa sa akin noon na sana magkaroon pa nang mas matibay na ugnayan ang mga kaharian natin dahil kaibigan mo ang isa sa mga reyna na nandoon na hindi mo naman kinukuwento sa akin kung sino sa kanila. Sino ba ang reyna na tinutukoy mo na kaibigan mo noon, Ina? Parang ni isang beses ay hindi ko naman siya namataan noon. Iyon ba ang ina ni Caedmon? Pero ang sabi ni reyna Orianna ay hind naman daw kayo magkakilala." Dahan-dahan pang kiniskis ni Zephyr ang kamay ni Reyna Zephariah sa kanyang noo bago napakagat labi at muling nagsalita. "Napakaduga mo talaga, Ina. Ang dami mong sikreto sa panganay mong anak. Pakiramdam ko ang bawat kuwento mo sa akin ay palaging may nakaakibat na pagsubok o misteryo na kailangan ko pang mag-isang resolbahin." Marahan pang natawa si Zephyr bago niya imulat ang kanyang mga mata at malungkot na tinitigan ang namumutlang mukha ng reyna.

Marahan niya rin inabot ang pisngi ng reyna na bahagyang malamig na sa kanyang temperatura saka dahan-dahan itong hinaplos.

"Pero, Ina, mapapatawad mo pa ba ako kung isa ako sa mga magiging dahilan kung bakit hindi na matutuloy ang pagkakaibibigan na iyong hinahangad sa pagitan ng Cymopoleia at Umoewin?" Puno nang hinanakit na pahayag ni Zephyr dahilan para mapakagat-labi na lang siya muli at magsimula nang mangilid ang luha sa kanyang mga mata. 

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon