Kabanata CVI

12.1K 783 1.2K
                                    

- ERYX - 

Kasagsagan na halos ng linggo para sa pagsusulit sa akademya at halos lahat ng mga mag-aaral dito ay abala sa pag-aaral at sa pagkuha ng matataas na marka. Ngunit bilang si Eryx ay hindi rin isang ordinaryong mag-aaral ay imbes na nasa silid-aklatan siya ay kasalukuyan siya ngayon na nasa bayan suot ang kanyang roba at ordinaryong damit na kadalasan niyang suot kapag nais niyang itago ang pagkakakilanlan niya bilang prinsipe. 

Ngayong araw ay ang mismong araw na napagkasunduan nila ng kanyang ina na magtutungo sa templo upang makausap ang santo na halos kasunod lamang din ng kanyang ama pagdating sa otoridad. Alas-otso pa lamang ng umaga ay tinatahak na ni Eryx ang daan patungong bayan kung saan nila napagkasunduan ng kanyang ina na magkita. Isa rin ito sa ikinababahala ni Eryx pagka't wala na siyang nagawa nang magpumilit ang kanyang ina na magtungo sila doon bilang mga oridnaryong mamamayan lamang upang hindi na masyado maraming preparasyon ang kanilang pagdaanan. 

Bilang sila ang unang pamilya sa emperyo at ang mag-ina ng Emperador ay sandamakmak na preparasyon pa ang kanilang kailangan pagdaanan para lamang makapunta sa templo kahit pa halos hindi naman ito masyadong malayo sa palasyo. Kung sakali ay kailangan pa nila kumuha ng permiso sa templo mismo, sa kumander ng mga kawal upang makapagpasama ito ng mga tagabantay, permiso mula mismo sa konseho, at higit sa lahat ay ang matagal na preparasyon ng templo upang magkaroon ng enggrandeng pagtanggap kina Eryx na labis din kinaaayawan niya dahil labis-labis ang oras na nasasayang sa ganitong mga seremonya. 

Kaagad din naman niyang namataan ang kanyang ina na nakaupo sa gilid ng isang gintong paunten. Tulad niya ay nakatago rin ang buhok nito at maayos na nakatabing ang mukha ngunit labis pa rin ipinagtataka ni Eryx kung bakit mistulang kinakausap ito ng isang lalaki na hindi halos nalalayo sa kanya ang edad. 

"Binibini, ikaw lang ba mag-isa? Gusto mo bang sumama sandali para mag-agahan?" Mistulang nang-aakit na tanong pa ng lalaki sa Emperatris na prente lamang nakaupo at nakikinig dito. 

Halos manlaki naman ang mga mata ni Eryx dahil sa kanyang nasaksihan at hindi siya halos makapaniwala na mayroon pang naglalakas-loob na pormahan ang kanyang ina. Sino ba naman kasi ang hindi mapagkakamalang dalaga ang Emperatris kung mukha talaga itong kaedad lamang ni Eryx dahil sa maliit na mukha at mapupungay na mga mata dagdag na maliit lamang din ito. 

Dinig pa ni Eryx ang tila ba namamanghang tawa ng kanyang ina na alam niyang tuwang-tuwa rin sa narinig. Napapailing na lang tuloy si Eryx at mas binilisan na niya ang kanyang lakad kahit pa alam niyang hindi rin naman magpapatalo ang kanyang ina at mukhang sasakyan pa nito ang kalokohan ng lalaki. 

"Naku, iho, may kasama na akong mag-agahan." Natatawang saad pa ng Emperatris habang tinatapik ang balikat ng lalaki. "At isa pa, bakit ka nandito? Hindi ka ba pumapasok sa akademya." 

"Maaga pa lang naman kaya nagpunta muna ako sa bayan para mamasyal saka ko namataan ang babae na kasing-ganda mo." Nakangiting saad pa ng lalaki na kumindat pa sa Emperatris. 

Halos kilabutan na lamang si Eryx dito dahil hindi talaga alam ng lalaki kung sino ang kanyang kaharap bagay na ikinadismaya at bahagya rin ikinainis ni Eryx dahil kahit Emperatris ang kanyang ina, ang nagsisilbing ina rin ng buong emperyo, ay hindi ito halos kilala ng malaking porsyento ng kanilang nasasakupan dahil nasa kultura na nila na kapag haharap ang babae sa taumbayan lalo na ang katulad ng Emperatris na mataas ang posisyon ay dapat nakatakip ang mukha nito at hindi maaaring magkaroon ng kahit anong interaksyon. Mistulang sumisimbolo ito kung paanong pilit tinatakpan ng kanilang lipunan ang kakayahan mismo ng mga kababaihan na magkaroon ng parte sa lipunan at sa komunidad, ang pilit pagpapatahimik sa kanilang boses. 

"Ikaw talaga! Napakabolero na talaga ng mga kabataan ngayon!" Halakhak pa ng Emperatris na halos humahagalpak na ito katatawa at mas napapalakas pa ang tapik sa balikat ng kausap na binata na napapangiwi na. 

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon